PINAHINTO ng DLSU Lady Spikers ang paglipad ng ADMU Blue Eagles matapos mamayagpag sa loob ng tatlong set, 25-17, 25-23, 25-10, sa kanilang pagtatapat sa Shakey’s Super League, Nobyembre 6 sa Rizal Memorial Coliseum.
Nanguna sa talaan ang super rookie na si Angel Canino matapos magsalaksak ng 19 na puntos. Naging kasangga naman niya sa pag-iskor si MVP of the match Thea Gagate matapos makapag-ambag ng walong atake at apat na block.
Agarang ipinalasap ng Lady Spikers ang bagsik ng kanilang opensa nang tumikada ng magkasunod na quick kill si Gagate, 3-1. Gayunpaman, mabilis na nakabawi ang Blue Eagles matapos rumatsada ng sunod-sunod na umaatikabong crosscourt hit si Faith Nisperos, 3-5.
Nagsagutan naman ng tirada sina Alleiah Malaluan at Vanie Gandler upang padikitin ang iskor, 13-all. Sa huling bahagi ng set, naging bentahe ng Taft mainstays ang pamigay na puntos at naghihingalong depensa ng katunggali, 21-16. Hindi na rin nagpahabol pa ang Lady Spikers nang magpakitang-gilas sa net si Canino gamit ang kaniyang crosscourt kill, 25-17.
Sa pagsapit ng ikalawang set, naging makipot ang talaan matapos magsumite ng sunod-sunod na error mula sa service at atake ang magkabilang koponan, 15-all. Nagpatuloy naman ang palitan ng puntos ng magkatunggali sa pamamagitan ng mga power spike nina Canino at Lyann De Guzman, 23-all. Sa kabila nito, bumigay ang depensa ng Blue Eagles nang magpakawala ng malakuryenteng quick hit si Gagate at strong finisher si Canino, 25-23.
Kompletong dominasyon naman ang ipinakita ng DLSU sa pagpasok ng ikatlong set nang mag-init ang mga daliri ni Gagate, 13-6. Tila nahirapan ding makakuha ng magandang first ball ang Katipunan-based squad dulot ng mabibigat na serve ni playmaker Mars Alba.
Sinamantala ng Lady Spikers ang nagkabuhol-buhol na depensa ng Ateneo nang pagpiyestahan ng wingspikers na sina Leila Cruz at Canino ang pagpuntos. Sa huli, tuluyang naselyuhan ng kababaihan ng Taft ang panalo upang maiuwi ang tiket patungong semifinals, 25-10.
Buhat ng kanilang pagwawagi, umakyat sa semifinals round ng liga ang Lady Spikers habang nalaglag naman ang koponan ng Blue Eagles sa torneo.
Tunghayan ang muling pagtatapat ng DLSU Lady Spikers at AdU Lady Falcons sa darating na Biyernes, Nobyembre 11, ika-5:30 ng hapon sa Rizal Memorial Coliseum.