NAPURUHAN ang DLSU Green Spikers sa matalas na pangil ng UST Growling Tigers, 19-25, 25-22, 15-25, 23-25, sa kanilang ikaapat na laban sa V-League 2022 Collegiate Challenge Men’s Division, Nobyembre 6 sa Paco Arena.
Bagamat nagtamo ng injury sa kanilang laro kontra CSB, nanguna pa rin para sa Taft-based squad si Noel Kampton matapos tumikada ng 20 puntos mula sa 17 atake, dalawang block, at isang service ace. Hindi rin nagpahuli sa opensa si John Mark Ronquillo nang magtala ng 15 puntos.
Umarangkada naman para sa Growling Tigers ang kanilang playmaker Dux Yambao matapos umukit ng 21 excellent set at apat na puntos. Nagpasabog din para sa opensa ng UST si Rey Miguel De Vega tangan ang kaniyang 19 na puntos mula sa 14 na atake, tatlong block, at dalawang serve.
Sinimulang mainit ng dalawang koponan ang unang set nang magsagutan sa palo sina Ronquillo at John Dedoroy. Agad ding ipinaramdam ni Diogenes Poquita ang kaniyang presensya at diskarte para sa DLSU matapos umarangkada ng drop ball, 7-10. Sa kabilang banda, pinaigting ng Growling Tigers ang kanilang net defense na naging susi upang masungkit ang unang set, 19-25.
Ipinagpatuloy naman ng Growling Tigers ang kanilang umaatikabong momentum matapos kumana ng 5-0 run sa ikalawang set, 1-5. Nagkaproblema rin sa reception ang DLSU na sinamantala ni De Vega nang magpakawala ng malabombang tirada, 6-12. Gayunpaman, agad na bumawi sina Kampton at Ronquillo matapos bumulusok sa kanilang patusok na spike, 11-13.
Tila sumindi ang Animo Pride ng kalalakihan ng Taft nang habulin ang UST sa talaan. Kapit-bisig na umarangkada sa opensa sina Poquita, Ronquillo, Kampton, at Nathaniel Del Pilar. Hindi na binitawan pa ni Kampton ang set matapos niyang iparamdam muli ang bagsik ng kaniyang palo, 25-22.
Bitbit ang hangaring makabawi, malapader na depensa at malasiling atake ang ipinamalas ng UST sa ikatlong set. Dahil dito, nagawang makadena ng mga tigre mula España ang Taft-based squad sa 11 iskor. Hindi na rin nakahabol pa ang DLSU matapos magtala ng mga error na naging daan upang makuha ng UST ang 2-1 set lead, 15-25.
Dikdikan naman ang naging tema ng ikaapat na set matapos ang palitan ng puntos ng dalawang koponan, 15-14. Sa kabila nito, nakaalpas ang Growling Tigers nang magtala ng crucial na service error si Ronquillo, 22-24. Kumakapit man si kapitan Maglinao, tinapos agad ni Josh Ybañez ang laban matapos magpakawala ng malakuryenteng tirada, 23-25.
Buhat ng pagkatalong ito, bitbit na ng Taft-based squad ang 2-2 panalo-talo kartada, habang hawak naman ng Growling Tigers ang 2-1 rekord.
Tunghayan ang pagtutuos ng DLSU at NU sa darating na Miyerkules, Nobyembre 9 sa ganap na ika-1 ng hapon sa Paco Arena.
Mga iskor:
DLSU 82 – Kampton 20, Ronquillo 15, Del Pilar 6, Maglinao 5, Poquita 4, Layug 1
UST 97 – De Vega 19, Dedoroy 12, Ybañez 11, Gupiteo 9, Flor 9, Magpayo 4, Yambao 4, Colinares 4, Cruz 1