MALIGALIG ang naging kumpas ng raketa ng DLSU Green Shuttlers at Lady Shuttlers sa UAAP Season 85 Badminton Tournament, Nobyembre 5. Bigong makamit ng Green Shuttlers ang kanilang unang panalo sa torneo matapos payukuin ng UST Growling Tigers, 0-5, sa Centro Atletico Badminton Center, Quezon City. Samantala, namayagpag naman ang DLSU Lady Shuttlers matapos lampasuhin ang ADU Lady Falcons, 5-0, sa parehong lugar.
Hindi naging maaliwalas ang simula ng araw para sa Green Shuttlers matapos baldahin ni Lennox Cuilao ng UST si Joshua Morada sa loob ng dalawang set na parehong nagtapos sa iskor na 11-21. Sinundan naman ito ng pagdurog ni Kyle Adriel Basilio kay Clark Golez sa kanilang unang set, 9-21. Naging pukpukan man ang ikalawang set, nabigong makamit ng DLSU ang panalo, 17-21.
Matapos ang dalawang 0-2 kartada sa mga singles event, sinubukang makabawi ng Taft-based squad sa kanilang mga doubles match. Nakabuwelo man sa mainit na simula ng laban, hindi naging sapat ang puwersa nina Morada at Pete Abellana sa bagsik ng Growling Tigers, 13-21, 17-21. Ganito rin ang naging istorya para sa tambalang Eljee Gaville at Yuan Tan na hindi man lang nakaukit ng isang set, 14-21, 15-21.
Huling sumabak para sa koponan si Bless Linaban kontra kay Sean Dela Cruz. Nagmistulang butas ang raketa ni Linaban nang magtala ng 0-2 na tala, 9-21, 15-21. Mapurol ang nahandang mga pana ng Green Shuttlers para sa kanilang mga katunggali nang makapagtala ng 0-10 na rekord sa kabuuan ng mga laban.
Nag-iba ang ihip ng hangin para sa DLSU pagdating ng hapon matapos asintahin isa-isa ng Lady Shuttlers ang AdU Lady Falcons. Sinimulan ito ni Mia Manguilimotan sa kaniyang pagliyab laban kay Camille Buagas, 21-10, 21-12. Sinundan ito ng mabilisang paglilitis ni Ghiselle Bautista kay Patricia Timosa sa loob ng 28 minuto. Pinulbos ng Lady Shuttler ang kaniyang kalaban tungo sa pagkamit ng 2-0 panalo, 21-13, 21-6.
Pinulutan naman nina Manguilimotan at Jacqueline Pantoja sa doubles match ang Lady Falcons. Naitala nila ang 21-8 iskor sa unang set at default win sa ikalawang set matapos magretiro ang AdU, 12-6. Nagpakitang-gilas din si Palma Cruz para sa Green and White matapos magpunyagi kontra kay Althea Bartolazo. Bagamat bahagya lamang siyang nakalusot sa unang set, 21-19, napasakamay naman ni Cruz ang momentum sa ikalawang set, 21-10.
Hindi na nagpahinga si Cruz at sumabak agad kasangga si May Minuluan para sa huling laban ng Lady Shuttlers. Nasungkit ng DLSU ang unang set, 21-10, ngunit nakabawi sina Buagas at Graziel Cabriga sa ikalawang set, 17-21. Hindi na nagpaawat sina Cruz at Minuluan at tuluyan nang sinelyuhan ang huling set, 21-8, upang makamit ang 5-0 na iskor para sa Lady Shuttlers.
Nanatiling maalat ang simula ng torneo para sa Green Shuttlers sa kartadang 0-3 matapos payukuin ng ADMU Blue Eagles at UP Fighting Maroons sa mga naunang laban. Nakabawi naman ang Lady Shuttlers matapos lapain ng NU Lady Bulldogs noong nakaraang linggo upang makamtan ang 2-1 na rekord.
Subaybayan ang susunod na laro ng DLSU Green Shuttlers kontra NU Bulldogs, Nobyembre 6 sa ganap na ika-8 ng umaga sa Centro Atletico Badminton Center. Aarangkada rin ang DLSU Lady Shuttlers sa ganap na ika-1 ng hapon laban sa UP Lady Maroons sa parehong lugar at araw.