Hindi maikakailang bahagi ng ating talambuhay ang pagkukuwento. Dula, tula, prosa, maiikling kuwento, at awitin—ilan lamang iyan sa mga daluyan ng kuwento. Hindi rin nagtagal, umusbong ang makabagong paraan ng pagkukuwento tulad ng pelikula. Binigyan nito ng imahe ang mga istorya na lalong nagbigay kulay sa malimlim na mundo ng pagkukuwento. Sa matuling pagbabago ng industriya ng pelikula, ginamit ng mga tao sa larangan ang karunungan at imahinasyon upang mapalalim ang kanilang kaalaman sa paggawa ng pelikula. Bunga nito ang paglitaw ng mga eksperimental na pelikula sa ating mga iskrin.
Upang sabayan ang pag-angat ng industriya, hinasa ng mga manlilikha ang kanilang kaalaman sa eksperimental na paggawa ng pelikula. Saksi ang VanGarde Experimental Film Festival sa pag-unlad ng klaseng D124P sa larangang ito. Sa pamumuno ng mga estudyante mula sa Mapua University, isinagawa ang film festival sa Cinematheque Centre Manila, Oktubre 26. Itinampok dito ang temang “Diffracting the Light” na nagpapahiwatig ng kakayahan ng mga estudyanteng manaig laban sa mga balakid na tatahakin sa kanilang paglalakbay. Nagsilbi namang tagasuri at tagapayo sa kaganapan ang tatlong huradong sina Iar Arondaing, Joris Fernandez, at Kristine Camille Sulit, mga direktor na tanyag sa larangan ng eksperimental na pelikula. Hindi nila pinalampas ang sari-saring detalye sa loob ng 21 maiikling pelikula; nagbigay silang lahat ng masinsinang pagsusuri.
Hindi madaling hulaan ang maaaring mangyari sa loob ng mga eksperimental na pelikula. Halo-halong sangkap ang masisilayan sa kabuuan nito. Malayo sa karaniwan. Mapaglarong galaw ng kamera. Nakababagabag na istorya. Ngunit, ano nga ba ang katuturan ng mga pelikulang may natatanging anyo?
Ekspektro ng kulay
Ipinamalas ng mga student filmmaker ang mga pelikulang may malawak na ekspektro ng kulay at mga sari-saring paraan sa paggawa ng mga obra. Malawak na emosyon ang naramdaman ng mga manonood dulot ng mga napanood na pelikula. Pinaglaruan nito ang kanilang damdamin sapagkat inatake nito ang mga isyung panlipunan sa kakaibang paraan.
Sa pelikulang “Patimpalak” nina Bea Arguelles at Ja Basallo, nagwagi ng ikalawang pangkalahatang parangal, masisilayan ang isang batang estudyanteng ginampanan ni Arlhei Dapilos. Makikita sa simula ang masiglang mukha ng bata habang may nakasukbit na medalya sa kaniyang tabi. Ngunit, habang dumarami ang medalya, palungkot nang palungkot ang kaniyang itsura at palakas nang palakas ang kaniyang hikbi. Kasabay nito, nag-iba ang kulay ng iskrin; mula itim at puti hanggang nagkaroon ng bahid ng pula at dilaw. Tila pinahihiwatig nito ang kawalan ng kasiyahan sa pagkamit ng mga parangal dahil mas bumigat ang pasaning ekspektasyon. Umani ng reaksyon mula kay Arondaing ang pelikula dahil sa transisyon ng mga kulay at kinilala ang saturasyon sa kulay bilang simbolong biswal ng emosyon ng bida.
Tinalakay naman sa ibang anggulo ang relihiyon sa “Ikot” ni Leander Tamayo. Inihambing niya rito ang isang umiikot na washing machine at pagsisimba. Ipinahiwatig ng pagpapalit-palit ng imahe sa pagitan ng umaandar na washing machine at itsura sa loob ng simbahan ang kanilang silbi sa ating buhay—ang paglilinis ng marurumi. Ikinamangha ng huradong si Sulit ang pambihirang atake ni Tamayo sapagkat madalas niyang matunghayan ang mga pelikulang tumatalima o alinsuwag sa paniniwala ng simbahan.
Maliban dito, napanood din sa festival ang mga temang tungkol sa social battery, lumbay na dulot ng paglisan ng isang mahal sa buhay, pang-aabuso noong Martial Law, at pagtuklas sa tunay na kahulugan ng pagtatalik. Para sa mga hurado, puno ng emosyon ang cluster na ito at nangangahulugan din itong bukas ang mga estudyante sa dalawang uri ng paglikha ng pelikula, tradisyonal man o kontemporaneo.
Emosyon, teknikalidad, at simbolo
Sa ating pagluluto, may kani-kaniyang tayong paraan sa paghahanda at paglalagay ng panimpla. Subalit, ano nga ba ang tinatagong lihim sa pagluluto ng isang masarap na putahe? Matatagpuan sa “Lihim na Putahe” ni JM Basiwa, nakakuha ng ikatlong parangal, ang kahindik-hindik na pagluto ng isang putahe. Sa loob ng pelikula, hiniwa gamit ang likurang parte ng kutsilyo ang mga gulay, ginayat ito nang malakas na may halong pagdadabog, at ginamit ang ibabang bahagi ng platito upang budburan ng asin ang niluluto—mga prosesong hindi tugma sa karaniwan. Sa kabila nito, pinalabas ng pelikula ang halo-halong emosyon tulad ng tuwa, inis, at pagkalito. Komento nga ni Sulit, “Unhinged . . . [parang] betrayal.”
Makikita naman ang lumalalang emosyon sa pelikula ni Wilford Medina na “Drown.” Nagmistulang manlalangoy ang mga manonood sa paglubog ng pelikula sa istorya. Ipinakita rito ang isang estudyanteng nalulunod na sa kaniyang pag-aaral na ipinahiwatig ng paglutang ng pira-pirasong punit na papel. Pilitin man ang sariling umahon, hindi rin napigilang pakawalan ang kaniyang hininga. Sa kabilang banda, itinampok din sa cluster ang mga kuwento ukol sa nawawalang kaluluwa, paggamit ng mga lumang larawan upang ihayag ang istorya ng isang pamilya, pagtatalo ng magkaibang pananaw, at kabuluhan ng relihiyon.
Patuloy na ginambala ng mga pelikula ang isipan ng mga manonood. Ibinida ni James Ng na lumikha ng “Beats,” nagwagi ng unang parangal, ang kagalingan sa teknikal na aspekto ng paggawa at pagtatagpi ng mga frame. Sa pelikulang ito, hindi agad mapagtatantong dalawang uri ng nilalang ang tumutugtog ng dram sapagkat pareho ang kanilang itsura at may hati lamang sa gitna ng iskrin upang mahiwalay ang dalawa. Kalaunan mapapansin na lamang na isang tao at isang robot ang nagpapatugtog. Hindi naglaong nagpalit din ng puwesto ang dalawa nilalang. Sa pagmamasid, mawawaring nahirapan ang robot sa kaniyang pag-angkop sa mundo ng mga tao. Kabaligtaran naman ito pagdating sa tao na agarang umangkop sa mundo ng robot. Mahihinuhang hindi agad-agad mapapalitan ng makabagong teknolohiya ang layon at kabuluhan ng mga tao.
Itinampok naman sa “Agos” ni Von Viernes, nakatamo ng ikaapat na parangal, ang pilosopiya ng tubig at paglaban ng mga mananayaw sa hagupit nito. Mapapanood din sa ikatlong cluster ang pagtatagpo ng landas ng dalawang tao gamit ang mga sapatos, paglabas ng kinikimkim na hinaing, pagsuot ng pambabaeng kasuotan ng isang gender non-conforming na indibidwal, at pagbago ng pananaw tungkol sa isang lugar.
Pinaglaruan naman ng huling cluster ang paggamit ng mga simbolo. Sa likha ni Hyacinth Simon na “Mimika,” mapapanood ang pagtatanghal ng mime actor sa isang madilim na espasyo na sumuka ng dugo sa pagwawakas ng pelikula. Gamit ang mga simbolo, hatid din ng cluster na ito ang mga kuwento tungkol sa karanasan sa unang pag-ibig, pagmasa ng isang panadero, paninigarilyo bilang pampalipas-oras, pag-uusap ng mga tao, at pagpapantasya ng isang indibidwal na ibahin ang disenyo ng labas ng kaniyang bintana.
Matayog na kinabukasan
Bago matapos ang programa, binigyang-payo ng mga hurado ang mga estudyante na lawakan ang imahinasyon at huwag limitahan ang sarili sa paglikha. Ani Fernandez, “[The] purpose [of experimental films] is to check yourself and test your limits.” Pinasalamatan naman ni Ng ang lahat ng sumuporta sa kaniyang nilikhang pelikula, “I still can’t believe what was happening. I thought I’m just going to be “that one film” but that night, I was the star!”
Sa maghapong puno ng masaganang obra ng mga estudyante, ngiti at ningning sa kanilang mga mata ang makikita. Ani ng mga bumubuo ng VanGarde Experimental Film Festival, “The festival believes that barriers are placed in our journey as filmmakers, not to dim our light but to split and saturate their light.” Hindi sila nabigo sa pagtamasa ng kanilang layunin dahil tunay nila itong ipinaramdam gamit ang kanilang mga pelikula. Lumitaw ang taglay nilang kulay na kumakatawan sa kanilang pagkatao at paninindigan. Ipinakita nilang kahit may mga problemang haharapin bilang isang student filmmaker, kaya nilang kuminang kung mabibigyan ng sapat na liwanag.
Sa tamang gabay at tulong, tiyak na mamamayagpag ang industriya ng pelikula sa bansa. Patuloy na magliliyab ang simbuyo ng mga filmmaker upang patatagin ang industriyang tinatahak. Sa gayon, dinggin nawa ng ating gobyerno ang panawagang suportahan ang industriyang ito upang magkaroon ng pagkakataon ang mga Pilipinong ipakita sa buong mundo ang kanilang taglay na talento.