DUMAUSDOS ang DLSU Green Archers sa palad ng ADMU Blue Eagles, 54-68, sa ikalawang yugto ng UAAP Season 85 Men’s Basketball Tournament, Nobyembre 5 sa Smart Araneta Coliseum.
Bumida para sa koponang Berde at Puti si Evan Nelle matapos humakot ng 15 puntos, pitong rebound, tatlong assist, at isang steal. Umalalay naman kay Nelle si Bright Nwankwo nang pumukol ng 11 rebound, dalawang block, at dalawang steal.
Iwinagayway naman ni Ange Kouame ang bandera ng Blue Eagles nang makapagsalaksak ng 11 puntos, 14 na rebound, limang block, at tatlong steal. Kaagapay ni Kouame sa pagpuntos sina Rence Padrigao, Bryson Ballungay, at Chris Koon nang umukit sila ng tig-11 puntos.
Matamlay na opensa ng dalawang koponan ang natunghayan sa pagbubukas ng unang kwarter. Lumipas ang dalawang minuto, binuksan ni CJ Austria ang talaan nang umalagwa ng layup, 2-0. Bagamat mabagal ang pagresponde ng Katipunan-based squad, bumuga ng jumper si BJ Andrade, 6-3. Matapos ang kaliwa’t kanang tres nina Dave Ildefonso at Mark Nonoy, pinalawak pa ni Joaqui Manuel ang momentum mula sa kaniyang dos, 16-10.
Nagtuloy-tuloy ang pagkasa ng bala ng Green Archers nang magkasunod na tumipa sina Nelle at Kevin Quiambao ng dos sa loob ng arko, 20-12. Pinatawan naman ng technical foul si Quiambao sa pagpatak ng ika-6:43 minuto ng ikalawang kwarter. Sa natitirang 30 segundo ng kwarter, nakahirit pa ng tres si Penny Estacio ngunit agad itong sinagot ni Geo Chiu, 29-all.
Tumambad sa ikatlong kwarter ang husay ni Kouame matapos rumatsada ng tres, 29-32. Higit pa rito, humarurot ng tres ang guard na si Koon, 32-43. Nakamamangha man ang opensa ng Blue Eagles, hindi naman hinayaan ni Quiambao na mapako ang kanilang talaan nang umalagwa ito ng floater mula sa labas ng arko, 34-47.
Hindi nagtagal, pinalobo ni Vince Gomez ang agwat mula 13 hanggang 15 puntos bunga ng kaniyang fake sa loob ng paint, 34-49. Nagbatuhan naman ng malalalim na tres sina Nelle at Padrigao, 37-52. Nagpatuloy ang sagupaan mula sa mahigpit na depensa ng dalawang koponan nang mahablot ni Koon ang bola at humakot ng dalawang rumaragasang dos, 39-56.
Kayod-kalabaw naman ang usad ng Green Archers sa ikaapat na yugto matapos bumira ng sunod-sunod na puntos sina Kouame, Padrigao, at Ballungay sa loob at labas ng paint, 49-62. Tila napanghinaan naman ng loob ang kalalakihan ng Taft sa halfway mark ng kwarter nang magpakitang-gilas si Koon sa three-point line, 49-65. Pumasok man ang dalawang free throw ni Nelle sa natitirang minuto ng laban, hindi na naawat pa si Koon sa pagpapamalas ng galing sa three-point line.
Naging bentahe man ng Green Archers ang mga tirada mula sa free-throw line, binawi naman ito ng Blue Eagles mula sa kanilang nakalap na 16 na puntos mula sa turnovers. Buhat nito, waging makaganti ang ADMU mula sa kanilang talo sa unang yugto kontra DLSU, 54-68.
Matapos ang sagupaan ng magkaribal, nalasap ng Green Archers ang mababang 3-6 panalo-talo kartada. Umakyat naman sa 6-3 ng rekord ng Blue Eagles.
Abangan ang susunod na pagpapasiklab ng DLSU kontra AdU Soaring Falcons sa Nobyembre 17 sa ganap na ika-11:30 ng umaga sa Smart Araneta Coliseum.
Mga Iskor:
DLSU 54 – Nelle 15, Nwankwo 7, Quiambao 6, Nonoy 6, Austria 5, Estacio 5, Manuel 4, M. Phillips 3, Abadam 2, Macalalag 1.
ADMU 68 – Ildefonso 12, Padrigao 11, Ballungay 11, Kouame 11, Koon 11, Andrade 8, Gomez 2, Chiu 2.
Quarterscores: 10-16, 29-29, 39-56, 54-68