HINDI UMUBRA ang puwersa ng DLSU Green Archers sa bangis ng FEU Tamaraws, 53-57, sa ikalawang yugto ng UAAP Season 85 Men’s Basketball Tournament, Nobyembre 2 sa SM MOA Arena.
Nanguna para sa Taft-based squad si Gilas standout Kevin Quiambao matapos humulma ng 12 puntos, walong rebound, at apat na assist. Kasangga naman ni Quiambao sa pagpuntos si CJ Austria nang makapag-ambag ng walong puntos, anim na board, at dalawang assist.
Sa kabilang panig, bumida para sa FEU Tamaraws si Xyrus Torres nang makapagtala ng 12 puntos at dalawang steal. Humalili naman kay Torres si L-Jay Gonzales matapos umukit ng 10 puntos, limang rebound, at apat na assist.
Mabagal na simula ang bumungad sa dalawang koponan sa pagbubukas ng unang kwarter. Hindi nagtagal, binasag ni Bryan Sajonia ang katahimikan nang tumikada ng dos matapos ang dalawang minuto, 0-2. Sumagot naman ng jumper si Mark Nonoy upang itabla ang talaan, 2-all. Magandang opensa man ang ipinamalas nina Torres at Sajonia, naibaba naman ng Green Archers ang bentahe ng FEU mula siyam na puntos tungo sa tatlo, 13-16.
Pagdako ng ikalawang kwarter, pabor pa rin ang kalamangan sa Tamaraws. Nagpatuloy ang momentum ng Morayta-based squad nang uminit ang mga galamay nina Gonzales at Torres sa labas ng paint, 22-13. Sa kabila ng naghihingalong opensa ng Green Archers, rumesponde si Penny Estacio para sa koponan matapos magpakawala ng tres, 16-22. Bukod dito, nakahirit din ng mid-range jumper si AJ Buensalida bago matapos ang kwarter, 27-33.
Nanaig ang kagustuhan ng FEU na mapanatili ang kanilang kalamangan sa ikatlong kwarter. Gayunpaman, hindi nagpatinag ang tambalang Quiambao at Austria nang sunod-sunod na makapag-ambag ng mga tirada para sa DLSU, 33-35. Hindi nagtagal at pinagtulungan nina Sajonia at Bautista ang kaliwa’t kanang pagpuntos para sa Tamaraws, 43-44.
Naging dikit naman ang sagupaan matapos rumatsada ni Ben Phillips sa labas ng arko na agad na sinundan ng dalawang free throw ni Estacio, 48-45. Gayunpaman, hindi nagtagal ang momentum ng Green Archers matapos bumida nina Torres at Cholo Anonuevo sa free-throw line, 50-56.
Sa nalalabing segundo ng laban, sinubukan pang paliitin ng koponang berde at puti ang bentahe ng Tamaraws nang mailusot ni Austria ang kaniyang tres, 53-56. Sa huli, kinapos sa paghahabol ang Green Archers matapos tuldukan ng FEU Tamaraws ang bakbakan, 53-57.
Bumaba sa ikapitong puwesto ang Green Archers tangan ang 3-5 panalo-talo kartada. Naitala naman ng Tamaraws ang kanilang 4-game winning streak at 4-5 rekord. Bunsod nito, umangat ang FEU sa ikalimang puwesto sa torneo.
Susunod na makahaharap ng DLSU ang ADMU Blue Eagles sa darating na Sabado, Nobyembre 5, sa ganap na ika-6:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Mga Iskor:
DLSU 53 – Quiambao 12, Austria 8, Nwankwo 8, Estacio 8, Buensalida 5, Nonoy 4, Abadam 3, Macalalag 2, B. Phillips 2, Manuel 1.
FEU 57 –Torres 12, Gonzales 10, Sajonia 9, Anonuevo 6, Sleat 6, Bautista 6, Tchuente 5, Bagunu 2, Sandagon 1.
Quarterscores: 13-19, 27-33, 43-44, 53-57