SOLIDONG NAWALIS ang DLSU Lady Shuttlers ng sandatahan ng NU Lady Bulldogs, 0-5, sa UAAP Season 85 Women’s Badminton Tournament sa Centro Atletico Badminton Center, Quezon City, Oktubre 31.
Taliwas sa 4-1 na resulta ng Lady Shuttlers kontra UST Tiger Shuttlers sa unang araw ng pagpapasiklab, bigong makatudla ng panalo ang Taft-based squad sa parehong women’s singles at doubles events sa kanilang ikalawang pagsalang sa torneo.
Pinakitaan ni Lady Bulldog Sarah Barredo ng angas si Mia Manguilimotan sa unang laban sa women’s singles nang payukuin ang naturang Lady Shuttler tangan ang malaking bentahe sa loob ng dalawang set, 10-21, 10-21.
Tila hindi rin umayon ang kapalaran kay Viana Antonio sa ikalawang pagtutuos sa women’s singles matapos siyang pabagsakin ng Lady Bulldogs sa loob ng tatlong set, 21-16, 16-21, 12-21. Sa pagdako sa huling singles match, dikit ang naging sagutan ng puntos ng dalawang koponan. Sa huli, nagapi ang pambato ng Taft na si Ghiselle Bautista sa dalawang magkasunod na talong set, 17-21, 16-21.
Nagpakilalang muli sa entablado si Barredo kasama ang kaniyang katuwang na si Ybonnie Dema-ano para sa unang women’s doubles match. Hindi naman binigo ng tambalan ang kanilang koponan nang pataobin nila sina Lady Shuttler Shayne Boloron at Palma Cruz sa loob ng tatlong set, 21-15, 13-21, 8-21. Sa ikalawang doubles match, yumuko rin ang tandem nina Manguilimotan at Antonio sa kamay ng Lady Bulldogs, 11-21, forfeited.
Sa pagtatapos ng unang dalawang araw ng Women’s Badminton Tournament, naitala ng Lady Shuttlers ang 1-1 na panalo-talo kartada.
Abangan ang susunod na laban ng DLSU Lady Shuttlers kontra AdU, Nobyembre 5 sa ganap na ika-1 ng hapon sa Centro Atletico Badminton Center, Quezon City.