MASALIMUOT ang sinapit ng DLSU Green Shuttlers sa kamay ng ADMU Blue Eagles,1-4, sa ikalawang araw ng UAAP Season 85 Men’s Badminton Tournament sa Centro Atletico Badminton Center, Quezon City, Oktubre 30. Sa kabila nito, naging maningning ang unang laban ng DLSU Lady Shuttlers kontra UST Tiger Shuttlers, 4-1, sa UAAP Season 85 Women’s Badminton Tournament sa parehong lugar at araw.
Kapana-panabik ang naging simula ng tunggalian sa men’s singles sa pagitan ng DLSU Green Shuttlers at ADMU Blue Eagles nang ipamalas ni Blue Eagle Arthur Salvado Jr. ang kaniyang bagsik upang tuluyang angkinin ang unang set, 17-21. Sa pagdapit ng ikalawang set, tila hirap makabalik sa porma si Green Shuttler James Estrada at tuluyan nang naungusan ng kaniyang archrival, 7-21.
Tila naging mapait pa rin ang kapalaran ng Green Shuttlers sa ikalawang men’s singles match nang durugin ni Bryan Bernardo si Jason Pajarillo, 10-21, 15-21. Nagpatuloy pa sa pag-ariba ang Blue Eagles nang pabagsakin ang tambalang Pete Abellana at Bless Linaban sa men’s doubles matapos makapagtudla ng parehong talaan, 10-21, 15-21.
Nabunutan naman ng tinik sa lalamunan ang Green Shuttlers nang malamangan ng tandem nina Joshua Morada at Eljee Gavile ang Blue Eagles sa men’s doubles, 15-21, 22-20. Gayunpaman, sa kasamaang palad, nagapi rin si Linaban sa huling men’s singles match kontra kay Lyrden Laborte, 10-21, 10-21.
Naging mainit naman ang paghaharap ng DLSU Lady Shuttlers at UST Tiger Shuttlers kahapon nang simulan ni Mia Manguilimotan ang panalo para sa Lady Shuttlers, 21-16, 21-16. Nagpatuloy ang momentum ng Lady Shuttlers nang masungkit ni Viana Antonio ang ikalawang panalo kontra kay Rhafi Santos sa ikalawang women’s singles match, 21-18, 22-20.
Natalisod naman sina Lady Shuttlers Palma Cruz at Ghiselle Bautista nang bigong madagit ang unang panalo sa women’s doubles, 15-21,17-21. Nagpatuloy pa ang dikit na laro ng dalawang koponan nang umabot sa tatlong set ang ikalawang doubles match. Gayunpaman, hindi na hinayaan nina Manguilimotan at Antonio na matalo pang muli ang koponang Lasalyano, 21-23, 21-9, 21-15.
Sunod nito, tuluyan nang sinelyuhan ni Bautista ang panalo ng Lady Shuttlers nang talunin niya si Jennifer Saladaga sa huling women’s single’s match, 21-10, 21-19.
Subaybayan ang susunod na laban ng DLSU Green Shuttlers kontra UST, Nobyembre 5 sa ganap na ika-8 ng umaga sa Centro Atletico Badminton Center, Quezon City. Tunghayan din ang pagsabak ng Lady Shuttlers sa ganap na ika-12 ng tanghali, mamaya, Oktubre 31 sa parehong lugar.