MALAKALBARYONG PAGLARGA tungo sa unang tagumpay ang nalasap ng DLSU Green Shuttlers kontra UP Fighting Maroons, 1-4, sa pagbubukas ng UAAP Season 85 Men’s Badminton Tournament. Matapos ang tatlong taong pagpreno ng mga laro sa torneo, napasakamay ng kalalakihan ng Taft Avenue ang kanilang unang talo sa Season 85 na ginanap sa Centro Atletico Badminton Center, Quezon City, Oktubre 29.
Salungat sa kasalukuyang resulta, matatandaang nasungkit ng koponang Berde at Puti ang tansong medalya noong UAAP Season 82 matapos takasan ang sindak ng parehong katunggali mula sa kanilang gitgitang 3-2 sagupaan. Bagamat natalisod ang Green Shuttlers sa kanilang unang laro sa Season 85, hindi nagpatinag ang makapangyarihang tambalang Anthone Abellana at Bless Linaban sa men’s doubles ng bakbakan matapos magpunyagi kontra UP.
Sa pagbukas ng panibagong kabanata ng torneo, panibagong bala sa katauhan ni James Estrada ang ikinasa ng DLSU upang subukang hablutin ang kanilang bwena manong panalo. Gayunpaman, tila hindi umayon sa plano ng Green Shuttlers ang ipinakitang laro ng naturang rookie matapos magpatuklaw sa kamandag ng mga smash hit ni Jewel Albo sa unang set, 10-21. Nagtuloy-tuloy pa ang kompletong dominasyon ng UP scoring machine sa kort matapos tuldukan ang ikalawang set sa iskor na 15-21.
Panibagong mukha ngunit parehong resulta muli ang ipinakilala at ipinamalas ng Green-and-White squad sa ikalawang laban matapos matapilok ni Clark Golez kontra kay Kervin Llanes. Kargado nito, tila naparalisa ang listo ng pagkaripas at pagpalo ng rookie matapos siyang tambakan ng mga tirada ni Llanes sa unang set, 9-21. Sinubukan namang umahon mula sa lusak ni Golez matapos pahirapan ang katunggali at muntikang pahabain sa tatlo ang set, 18-21.
Pagdako ng unang doubles match, bigong magapi ng DLSU ang winning streak ng UP nang mapasakamay nina Albo at Jason Vanzuela ang panalo at tuluyang maihandog ang tagumpay para sa kanilang buong koponan. Bigong makaalagwa ang kombinasyon nina Joshua Morada at Eljee Gaville sa hagupit ng mga katunggali sa unang set, 14-21. Kinapos mang muli ang kanilang puwersa sa sumunod na set, nakapukol naman ng mga malabombang smash hit ang Taft power duo, 16-21.
Nabigo man sa unang set, 14-21, waging makaalpas mula sa sunod-sunod na talo ang DLSU nang dungisan ang malinis na talaan ng UP sa ikalawang set ng ikaapat na laro, 21-18. Sinubukan mang bigwasan nina Llanes at Charles Alcarpio ang momentum ng Taft-based squad, tuluyang nang nasamsam nina Abellana at Linaban ang panalo sa ikatlong set matapos nilang magsalaksak ng mga smash at drop shot, 21-19.
Lumiyab ang dilaab ng diwa ng batikang Green Shuttler Morada matapos lituhin ang galaw at taktika ni Enzo Rivera sa unang set ng huling labanan, 21-12. Gayunpaman, tila nagbago ang ihip ng hangin sa ikalawang set matapos umikot ang kapalaran ng magkatunggali at sinalanta ni Rivera ang depensa ni Morada, 12-21. Sa huli, nagtagumpay ang kinang ng laro ng pambato ng UP matapos palusawin ang tatag at determinasyon ni Morada sa kanilang ikatlong sagupaan, 16-21.
Yumuko rin ang puwersa ng DLSU kontra ADMU Blue Eagles kanina, Oktubre 30 sa parehong venue. Bunsod nito, kasalukuyan pa ring walang naibubulsang panalo ang Green Shuttlers tangan ang 0-2 panalo-talo kartada.
Abangan ang susunod na laban ng DLSU Green Shuttlers kontra UST, Nobyembre 5 sa ganap na ika-8 ng umaga sa Centro Atletico Badminton Center. Magsisimula na rin ang laban ng DLSU Lady Shuttlers kontra UST sa ganap na ika-1 ng hapon mamaya, Oktubre 30 sa parehong lugar.