IPINALASAP ng DLSU Lady Archers ang tulis ng kanilang palaso sa UST Growling Tigresses, 67-60, sa kanilang ikalawang tapatan sa UAAP Season 85 Women’s Basketball Tournament, Oktubre 29 sa Smart Araneta Coliseum.
Nagpakitang-gilas para sa Taft-based squad si Joehanna Arciga matapos makapagtala ng 14 na puntos, anim na board, limang assist, at tatlong steal upang wakasan ang 4-game winning streak ng UST. Kasangga naman niya sa pagpuntos si Lee Sario bitbit ang 11 puntos. Hindi rin nagpahuli si Fina Niantcho matapos pumundar ng siyam na puntos at 16 na board.
Umarangkada naman para sa Growling Tigresses si Rocel Dionisio tangan ang kaniyang 17 puntos at 11 board. Umalalay rin sa opensa ng UST si Eka Soriano matapos pumukol ng 10 puntos, anim na assist, at limang board.
Bitbit ang hangaring makabawi mula sa nakaraang talo sa unang yugto, agad na sumiklab ang opensa ng koponang Green and White sa unang kwarter. Sinubukan mang apulahin ng España-based squad ang lumiliyab na momentum ng katunggali, hindi pa rin ito naging sapat upang pigilan ang pag-arangkada ng DLSU bago matapos ang kwarter, 22-15.
Kaliwa’t kanang pagpapakawala ng mga tirada at pagpapamalas ng malapader na depensa ang nangibabaw para sa Taft-based squad sa ikalawang kwarter. Samantala, tila naghihingalo ang puwersa ng UST matapos tumamlay ang kanilang opensa. Buhat nito, masigasig na tinapos ng DLSU ang ikalawang kwarter bitbit ang 11-point lead, 40-29.
Patuloy ang pagliyab ng koponang Green and White sa pagpasok ng ikatlong kwarter. Masilakbong umeksena si Jeehan Ahmed matapos ipasok ang kaniyang tirada sa loob ng arko, 45-29. Hawak man ang umaatikabong 16-point lead sa ika-8:18 mark, nalusaw ito matapos bumulusok ang Growling Tigresses sa pangunguna ni Dionisio, 59-58.
Naibaba man ng UST sa isa ang kalamangan ng Taft-based squad sa ikatlong kwarter, naging daan ito upang mabuhay ang diwa ng Lady Archers. Bunsod nito, hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang kababaihan ng DLSU matapos kumasa ng nakagigimbal na 9-2 clutch scoring run sa huling bahagi ng kwarter. Sinelyuhan naman ni scoring machine Niantcho ang panalo matapos humirit ng pangwakas na puntos sa paint, 67-60.
Binigyang-diin ni Lady Archers Coach Cholo Villanueva na kailangan nilang bumawi mula sa kanilang pagkatalo sa UST nitong unang yugto ng torneo. Kaakibat nito, naging puspusan ang paghahanda ng koponan bago ang kanilang ikalawang pagtutuos ng España-based squad. “We corrected our mistakes. We needed to really want it this time around to get that win from UST. UST is the number two team so you need to play a near-perfect game to beat them,” pagbabahagi ng Lady Archers head coach.
Buhat ng panalong ito, umangat sa 6-2 ang panalo-talo kartada ng Lady Archers katuwang ang UST na may parehong rekord. Bagamat magkatulad ang kanilang panalo-talo kartada, mananatili sa ikatlong puwesto ng team standings ang DLSU habang sa ikalawang puwesto naman ang Growling Tigresses bunsod ng kanilang panalo sa unang yugto.
Abangan ang muling pagtutuos ng DLSU Lady Archers at FEU Lady Tamaraws sa darating na Miyerkules, Nobyembre 2 sa ganap na ika-1 ng hapon sa UST Quadricentennial Pavilion.
Mga iskor:
DLSU 67 – Arciga 14, Sario 11, Niantcho Tchuido 9, Torres 6, Ahmed 6, De La Paz 6, Binaohan 5, Jimenez 3, Espinas 3, Dalisay 2, Camba 2.
UST 60 – Dionisio 17, Soriano 10, Bron 7, Ambos 6, Tacatac 5, Santos 5, Villasin 5, Danganan 3, Serrano 2
Quarterscores: 22-15, 40-29, 53-43, 67-60.