NANGALAWANG ang mga pana ng DLSU Lady Archers sa bagsik ng NU Lady Bulldogs, 72-93, sa kanilang unang tapatan sa UAAP Women’s Basketball Tournament Season 85, Oktubre 19 sa UST Quadricentennial Pavilion.
Umarangkada para sa Taft-based squad si Fina Niantcho matapos umukit ng 20 puntos, anim na rebound, at dalawang assist. Kasangga naman ni Niantcho sa pagpuntos si Lee Sario tangan ang kaniyang 17 puntos, limang rebound, dalawang assist, at dalawang steal.
Bumida naman para sa Lady Bulldogs si Kristine Cayabyab bitbit ang kaniyang 27 puntos, walong rebound, dalawang assist, at dalawang steal. Hindi rin nagpahuli si Camille Clarin matapos humakot ng 19 na puntos, tatlong rebound, pitong assist, at limang steal.
Naging mabagal ang takbo sa pagbubukas ng unang kwarter matapos ipamalas ng magkatunggali ang kanilang mabagsik na opensa at depensa. Gayunpaman, nanaig ang puwersa ng Lady Bulldogs sa pangunguna ni Cayabyab matapos magpakawala ng matitinding tira. Sinubukan pang apulahin ng Lady Archers ang nag-aalab na mga galamay ng Lady Bulldogs ngunit huli na ang lahat sa pagkamit ng bentahe sa naturang kwarter, 12-18.
Sa pangunguna ni scoring machine Niantcho, tila nabuhayan ng loob ang kababaihan ng Taft sa simula ng ikalawang kwarter nang makipagsabayan siya sa opensa ng Lady Bulldogs. Sinikap na tapyasan ng Lady Archers ang kalamangan ng katunggali ngunit nagpatuloy ang pag-arangkada ng Lady Bulldogs, 32-40.
Sa pagpasok ng ikatlong kwarter, nagawang mabuo ng Lady Bulldogs ang kanilang umaatikabong momentum. Bagamat hindi gaanong epektibo ang kaniyang mga tirada sa unang dalawang kwarter, naging mautak ang kapitana na si Clarin matapos paikutin ang bola sa kaniyang mga kakampi. Buhat nito, naging matiwasay ang ball movement ng Lady Bulldogs na nagresulta sa paglawig ng kanilang bentahe sa bakbakan, 52-65.
Gayunpaman, hindi na hinayaan pa ng Lady Bulldogs na makahabol ang DLSU sa ikaapat na kwarter matapos ipamalas ang kanilang dominasyon sa kort. Sa kabila nito, patuloy na kumapit ang Taft-based squad sa sagupaan nang sumiklab ang Animo Pride nina Niantcho at Sario.
Tangan ang kalamangan, nagpaulan pa ang Lady Bulldogs ng anim na mainit na tirada sa labas ng arko upang mabuo ang kanilang umaatikabong 24-8 run, 65-93. Sa huli, hindi na nakaahon pa ang Lady Archers mula sa lusak at tuluyan nang nagwagi ang NU sa iskor na 72-93.
Buhat nito, bumagsak sa ikatlong puwesto ang Lady Archers bitbit ang 4-2 panalo-talo kartada. Nananatili namang malinis ang talaan ng Lady Bulldogs matapos makamit ang kanilang anim na sunod-sunod na panalo sa torneo.
Tunghayan ang susunod na pagsabak ng Lady Archers kontra AdU Lady Falcons sa darating na Sabado, Oktubre 22, ika-6:30 ng gabi sa Ynares Sports Antipolo.
Mga Iskor:
DLSU 72 – Niantcho 20, Sario 17, Torres 12, Binaohan 8, Espinas 6, Arciga 6, De La Paz 3
NU 93 – Cayabyab 27, Clarin 19, Tiky 15, Surada 12, Cacho 9, Fabruada 6, Canuto 5
Quarterscores: 12-18, 32-40, 52-65, 72-93