INAPULA ng DLSU Green Spikers ang lumalagablab na apoy ng AU Chiefs sa loob ng apat na set, 25-19, 27-25, 22-25, 30-28, sa kanilang unang bakbakan sa V-League 2022 Collegiate Challenge Men’s Division, Oktubre 16 sa Paco Arena.
Lumiyab para sa Taft-based squad ang tinaguriang UAAP Season 84 Men’s Beach Volleyball Rookie of the Year Noel Kampton matapos pumundar ng 27 puntos mula sa kaniyang 26 na atake. Umalalay naman kay Kampton si John Mark Ronquillo nang magtala ng 16 na puntos. Bumida rin sa depensa ang kanilang libero na si Menard Guerrero bitbit ang kaniyang nakamamanghang 22 dig at 15 reception.
Nanguna naman para sa Chiefs si Carl Justin Berdal tangan ang kaniyang 25 puntos at dalawang block. Kasangga rin niya sa pagpuntos si Arman Guinto na nakapagtala ng 11 puntos at dalawang service ace.
Sa pagbubukas ng unang set, agad na nagpakilala si Kampton matapos rumatsada sa kaniyang nakagigimbal na spike, 1-0. Sinundan pa ito ng paglagablab ni Ronquillo sa atake at pagbida ni Billie Anima sa kaniyang block, 5-2. Sa kabila nito, hindi nagpatinag si Berdal sa Taft-based squad matapos bumulusok sa kaniyang down-the-line hit, 5-3.
Naapula naman ang init ng Green Spikers matapos magkamit ng mga error sa service line. Gayunpaman, sinindihang muli ito ni Kampton nang magpakawala ng malabombang palo at isang service ace, 13-11. Muli mang sumiklab ang opensa ng DLSU, patuloy pa rin ang pagkapit ng Chiefs matapos bumida ni Berdal mula sa kaniyang drop ball, 22-17. Sa kabila nito, hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Anima nang tuldukan ang unang set gamit ang kaniyang strong kill, 25-19.
Nagpatuloy ang umaatikabong momentum ng Green Spikers pagdating ng ikalawang set. Kaliwa’t kanang malabombang spike ang ipinamalas ni Kampton habang pinaigting nina Vince Maglinao at Nathaniel Del Pilar ang kanilang depensa sa net, 5-1. Hindi naman nagpatinag ang Legarda-based squad sa kanilang katunggali matapos padikitin nina Adrian Villados at Anfernee Curamen ang laban, 11-10.
Namayagpag naman ang Chiefs matapos humulma ng 3-0 run upang mapasakamay ang match point ng set, 21-24. Mukha mang mauupos na ang DLSU, agarang umalab si kapitan Maglinao nang maitabla ang bakbakan, 24-all. Kasunod nito, nagpasiklab muli si Kampton matapos magpakawala ng dalawang nagbabagang spike upang tuldukan ang ikalawang set, 27-25.
Tila tumamlay ang opensa ng Taft-based squad sa pagpasok ng ikatlong set nang magawang bumulusok ng AU sa talaan, 4-6. Nagawa man ng Legarda-based squad na makaabante nang bahagya sa DLSU, hindi pa rin sila nakaalpas nang tuluyan buhat ng kanilang mga naitalang error. Gayunpaman, nagpakitang-gilas si Guinto sa net matapos sumibat ng quick attack mula sa regalo ng katunggali, 13-16.
Sa kabilang banda, binasag ni Kampton ang depensa ng mga blocker ng AU matapos idaplis ang bola sa kanilang mga palad, 15-16. Kasunod nito, nakabuo ng nakamamanghang 5-0 run ang Green Spikers nang magtulong-tulong sina Kampton, Del Pilar, Ronquillo, Joshua Rodriguez, at Diogenes Poquita sa pagpuntos, 20-18. Umapoy man ang momentum ng DLSU, naapula ito nang magtala sila ng mga error na naging dahilan upang masungkit ng AU ang panalo sa ikatlong set, 22-25.
Agarang umarangkada sa pagpuntos ang Chiefs matapos makagawa ng nakamamanghang 4-0 run sa pagbubukas ng ikaapat na set, 0-4. Hindi naman nagpatinag sina Ronquillo, Anima, at Del Pilar nang padikitin nila ang talaan, 6-7. Gayunpaman, agad rumesponde ang Chiefs matapos pumundar ng 5-point lead mula sa combination play ni Jasper Cabillan, 11-16.
Nakalayo man ang AU sa talaan, hindi sumuko si Kampton matapos bumulusok ng limang magkakasunod na puntos upang maibigay ang kalamangan sa DLSU, 21-20. Tila ayaw pang umuwi ni Guinto nang umeksena sa kaniyang through-the-block hit, 26-27. Gayunpaman, ipinamalas muli ni Kampton ang kaniyang bagsik nang tuldukan ang bakbakan sa kaniyang dalawang malabombang atake, 30-28.
Abangan ang kapana-panabik na pagratsada ng DLSU Green Spikers kontra AdU Soaring Falcons sa darating na Linggo, Oktubre 23 sa ganap na ika-5 ng hapon sa Paco Arena.
Mga Iskor:
DLSU 104 – Kampton, 27, Ronquillo 16, Maglinao 6, Anima 6, Del Pilar 6, Poquita 2, Espejo 1, Rodriguez 1, De Jesus 1, Guerrero 1.
AU 97 – Berdal 25, Guinto 11, Tan 10, Curamen 9, Cabillan 5, Villados 4, Lapuz 1