NAIBULSA ng DLSU Lady Archers ang kanilang ikaapat na panalo matapos patumbahin ang FEU Lady Tamaraws, 65-58, sa UAAP Season 85 Women’s Basketball Tournament, Oktubre 15 sa SM MOA Arena.
Kumayod si Fina Niantcho ng 16 na puntos, 19 na rebound, dalawang assist, at isang block sa kabuuang 21 minuto ng kaniyang laro. Tulad ng mga nakaraang laro ng koponan, nanatiling mabagsik ang galaw nina Charmaine Torres at Lee Sario matapos makapagsalaksak ng sumatotal na 25 puntos upang kargahin ang koponan tungo sa tagumpay.
Bumida naman para sa Lady Tamaraws ang standout na si Danica Pacia nang makapagtala siya ng 16 na puntos, tatlong steal, isang assist, at isang block. Matagumpay ring umagapay sa opensa at depensa ng koponan si Camille Taguiam matapos humakot ng 13 puntos at apat na assist.
Maagang pinangunahan ni Torres ang unang kwarter nang bumida ito sa free-throw line. Nagpasikat din ang Lady Tamaraws nang makapag-ambag sila ng pinagsamang anim na puntos, 11-all. Matapos ang ilang minuto, pumitas ng second-chance point si Niantcho at nagpamalas ng floater si Kyla Go, 13-15. Nagsagutan din ng mga tirada sina Shane Cunanan at Niantcho mula sa kanilang atake sa loob at labas ng arko, 22-20.
Maladikdikang depensa ang natunghayan sa simula ng ikalawang kwarter. Nagsanib-puwersa ang tambalang Niantcho at Bettina Binaohan matapos umukit ng pinagsamang limang puntos, 27-21. Bagamat lumuwag ang depensa ng Lady Tamaraws, hindi pa rin nagpahuli ang standout na si Pacia nang rumatsada ito ng sunod-sunod na tirada, 27-all.
Namayagpag din sina Niantcho at Torres matapos humakot ng pinagsamang apat na puntos mula sa kanilang third-chance point floater at pull-up jumper, 31-27. Ipinagpatuloy rin nina Joehanna Arciga at Torres ang matatag na momentum ng DLSU, 38-27. Sa kabila nito, sinagot ng tambalang Taguiam at Angel Obien ang agwat sa talaan matapos tumuklaw ng dalawang magkasunod na tres, 40-35.
Tumamlay naman ang opensa ng parehong koponan papasok ng ikatlong kwarter. Gayunpaman, tinapos agad ito ni Binaohan nang magpakawala ng tirada sa labas ng arko, 43-35. Nagsalpak naman ng tres sa kaliwang kanto si Delos Santos, 45-38. Sa huli, pumabor pa rin sa DLSU ang laro matapos mapasakamay ang kalamangan sa naturang kwarter, 52-46.
Agarang humabol ang Lady Tamaraws sa huling kwarter nang sumibat ng tres si Obien, 56-52. Bilang ganti, naging masigasig sa pagpuntos ang Lady Archers matapos ipasok nina Torres at Sario ang kanilang tatlong free throw, 58-54.
Sumiklab pa ang mga daliri ni Sario nang tumikada ng isang nagbabagang tres upang tuluyang mapigilan ang paghabol ng Lady Tamaraws, 63-55. Hawak ang anim na puntos na kalamangan, humirit pa ng isang puntos mula sa free-throw line si Ahmed upang selyuhan ang panalo, 65-58.
Kalakip ng panalong ito, umarangkada sa 4-1 ang panalo-talo kartada ng Lady Archers at kasalukuyang ikalawa ang koponan sa kabuuang standings. Nalaglag naman sa ikapito ang katayuan ng Lady Tamaraws na mayroong 1-4 na rekord.
Makahaharap ng Lady Archers ang defending champion na NU Lady Bulldogs sa darating na Miyerkules, Oktubre 19, sa ganap na ika-1 ng hapon sa UST Quadricentennial Pavillion.
Mga Iskor:
DLSU 65 – Niantcho 16, Torres 16, Sario 9, Binaohan 8, Ahmed 6, Arciga 5, Dalisay 3, Jimenez 2
FEU 58 – Pacia 16, Taguiam 13, Go 9, Obien 9, Delos Santos 5, Jumuad 4, Cunanan 2
Quarterscores: 22-20, 40-35, 52-46, 65-58