PINAAMO ng DLSU Green Archers ang bangis ng FEU Tamaraws, 87-70, sa UAAP Season 85 Men’s Basketball Tournament, Oktubre 15 sa SM MOA Arena.
Naging susi sa pagkapanalo ng Green Archers ang maiinit na kamay ni Schonny Winston matapos makapagtala ng 23 puntos, 14 na rebound, limang assist, at apat na turnover. Humalili naman sa pagpuntos sina Kevin Quiambao at Joaqui Manuel matapos umukit ng pinagsamang 30 puntos.
Nagpatatag sa puwersa ng Morayta-based squad si Lj Gonzales nang tumikada ng 16 na puntos, siyam na rebound, walong assist, at limang steal. Kasangga naman niya sa pagpuntos si Bryan Sajonia matapos makapag-ambag ng 15 puntos, limang board, at tatlong assist.
Masaganang binuksan ng Green Archers ang unang kwarter matapos magpasiklab si Winston ng dalawang mid-range floater, 4-all. Nagtuloy-tuloy rin ang momentum ng Taft-based squad nang magpamalas ng isang fadeaway si Evan Nelle na sinundan pa ng powerplay ni CJ Austria mula sa long pass ni Quiambao, 16-4. Sinarado naman ni Winston ang talaan matapos pumuntos ng dalawang free throw, 18-10.
Mainit na nagsimula ang ikalawang kwarter nang umakyat sa 10 ang kalamangan ng Green Archers kontra Tamaraws, 20-10. Gayunpaman, sinubukang paglapitin ni Gonzales ang puntos ng FEU sa DLSU mula sa kaniyang dalawang free throw, 20-12. Sa kabila nito, hindi na nagawa pang humabol ng Tamaraws matapos makatikada ng sunod-sunod na puntos ang Taft-based squad, 27-12.
Hindi na hinayaan pa ng Green Archers na makabangon ang Tamaraws sa kanilang pagkatambak. Tila uminit pa lalo ang mga galamay ng Taft-based squad matapos magpaulan ng limang puntos mula sa dalawang free throw ni Winston at tres ni Nelle, 40-19. Patuloy namang lumobo ang kalamangan ng Green Archers bago matapos ang ikalawang kwarter, 50-25.
Sa pagbubukas ng ikatlong kwarter, agad na naantala ng Green-and-Gold squad ang jam ni Bright Nwankwo ngunit nakabawi siya mula sa dalawang free throw, 51-27. Sunod-sunod na puntos din ang hatid ni Austria mula sa swak na swak na pagpasa nina Winston at Nelle, 55-29. Sa pagpatak ng ikaanim na minuto ng tapatan, pinatawan ng disqualifying foul si Austria.
Nagpakilala rin si DLSU Team Captain Manuel nang maitaguyod ang tirada sa loob ng paint at makapagpana ng umaatikabong tres sa tulong ni Winston, 69-40. Sa kabilang panig, naging bentahe ng Tamaraws ang pag-ukit ng marka sa three-point line sa pangunguna nina Gonzales, Patrick Sleat, at Xyrus Torres, 74-49.
Sinubukan pang humirit ng Morayta-based squad sa simula ng huling kwarter nang mapaliit nito sa 11 puntos ang bentahe ng Green Archers, 79-60. Gayunpaman, hindi ito nagtagal at nakuha rin ng Taft-based squad ang kanilang porma, 81-61. Nagtuloy-tuloy pa ang momentum ng DLSU hanggang matapos ang ikaapat na kwarter at tuluyan na nilang nasungkit ang panalo, 87-70.
Bunsod nito, umakyat sa 3-2 ang panalo-talo kartada ng Green Archers. Nalasap naman ng Tamaraws ang 0-5 na rekord katumbas ng kanilang ikalimang pagkatalo.
Tunghayan ang susunod na laro ng Green Archers kontra NU Bulldogs sa darating na Miyerkules, Oktubre 19, sa ganap na ika-11 ng umaga sa SM MOA Arena.
Mga Iskor
DLSU 87 – Winston 23, Quiambao 16, Manuel 14, Nelle 8, Austria 7, Nwankwo 6, Estacio 5, Cortez 4, Abadam 2, B. Phillips 2.
FEU 70 – Gonzales 16, Sajonia 15, Sleat 12, Torres 10, Bagunu 8, Tchuente 3, Tempra 2, Ona 2, Anonuevo 1, Celzo 1.
Quarterscores: 18-10, 50-25, 74-49, 87-70.