MAINIT NA TINANGGAP ng Pamantasang De La Salle ang mga estudyanteng ID 122 sa ginanap na Lasallian Personal Effectiveness Program (LPEP) na may temang Animo Adventure: Seek the Animo sa pangunguna ng Lasallian Ambassadors at Council of Student Organizations, Agosto 25.
Nailunsad muli nang pisikal ang programa matapos ang dalawang taong pagsasagawa nito online. Nakibahagi ang 5,606 na freshman sa kabuuan ng face-to-face na LPEP Kumustahan.
Pagtapak sa Pamantasan
Unang nagsagawa ang Pamantasan ng college plenary noong Agosto 20 na ipinalabas sa pamamagitan ng YouTube livestream. Nilayon ng naturang programa na mailatag sa mga estudyante ang iba’t ibang polisiya at patnubay na sinusunod ng Pamantasan. Itinuon din sa programa ang pagpapakilala ng mga opisina at tanggapan sa loob ng Pamantasan. Ipinaalala rin dito ang mga kaugalian at prinsipyong pinanghahawakan ng mga Lasalyano.
Nakibahagi naman sa unang araw ng LPEP Kumustahan session ang mga ID 122 na nagmula sa College of Liberal Arts (CLA) noong Agosto 25. Nahati sa dalawang hanay ang mga estudyanteng mula sa CLA at nakidalo ang ikalawang hanay noong Agosto 26, kasabay ang mga estudyante mula sa College of Computer Studies.
Sinalubong din ang dalawang hanay ng mga estudyanteng nagmula sa Ramon V. del Rosario College of Business noong Agosto 30 at 31. Nakiisa rin ang mga freshman na nagmula sa College of Science at Br. Andrew Gonzalez FSC College of Education noong Setyembre 1. Nagtapos ang LPEP Kumustahan noong Setyembre 2 na dinaluhan ng mga estudyante mula sa Gokongwei College of Engineering at School of Economics.
Kabilang sa Kumustahan session ang pagsasagawa ng tradisyunal na Frosh walk ng mga ID 122. Tinahak ng mga estudyante ang ruta na nagsimula sa Don Enrique T. Yuchengco Hall tungo sa Cory Aquino Democratic Space. Sinundan naman ito ng pagbabaybay sa St. Miguel Hall at Velasco Hall.
Tumungo rin ang mga estudyante sa pinakahuling istasyon ng kanilang Frosh Walk na kinabibilangan ng Gokongwei Hall, Science and Technology Research Center, Brother Andrew Gonzalez Hall, at Enrique M. Razon Sports Center.
Binati rin ng mga kapwa estudyante mula sa higit 90 na organisasyon ang mga bagong Lasalyano sa mga itinayong booth sa kahabaan ng Yuchengco Lobby at Corazon Aquino Democratic Space. Nagbigay ng mga munting regalo ang bawat organisasyon upang maipadama ang malugod na pakikibahagi nila sa programa.
Matapos ang pagsasagawa ng face-to-face na LPEP Kumustahan, inilunsad naman ang Online Kumustahan Session noong Oktubre 1 upang mabigyang-pagkakataon ang mga estudyanteng hindi nakadalo sa pisikal na programa.