ITINAMPOK sa ikatlo at huling State of the Student Governance (SSG) ng University Student Government (USG) ang mga naisakatuparan at nakalatag pang mga proyekto sa ilalim ng panunungkulan ni USG President Giorgina Escoto, Oktubre 12. Isinagawa ito sa ika-11 na espesyal na sesyon ng Legislative Assembly (LA).
Layon ng SSG malaman at masuri ng pamayanang Lasalyano ang estado ng Pamantasan kada termino sa pamumuno ng mga opisyal ng USG alinsunod sa LA Act No. 2021-32 o The State of Student Governance Act.
Paggunita sa mga naipatupad na programa
Sa pagsisimula ni Escoto ng kaniyang talumpati, ibinahagi niyang nakaranas sila ng maraming pagsubok noong nakaraang mga termino bunsod ng mga pagbabago sa akademikong kalendaryo at pagpapalawig ng kanilang panunungkulan. Bungad niya, “This [SSG address is supposedly] meant for the summer term we never saw coming.”
Binalikan ni Escoto ang mga naging hakbang ng USG sa muling pagbubukas ng kampus para sa mga estudyante tulad ng pagsagawa ng Campus Reopening Survey at Campus Return Proposal. Binigyang-daan ng mga ito ang pagpapatupad ng mga polisiyang makatutulong sa transisyon ng mga estudyante sa pagbabalik ng face-to-face na klase. Kasalukuyan din nilang pinaghahandaan ang ika-188 hanggang ika-194 na commencement exercises.
Bukod pa rito, isinagawa rin sa ilalim ng pamumuno ng Office of the Vice President for External Affairs, katuwang ang iba’t ibang organisasyon sa loob at labas ng Pamantasan, ang mga proyektong Headstart Career and Development Initiative, Student Development Goals, Para Po: Pa-Consulta Po, Ligtas Lasalyano USG Hotline, at Singkwento: Paano Ba Ikwento ang Martial Law. Nakalikom din ang USG ng Php 600,000 na kita sa kanilang inilunsad na proyektong USG Merchandise.
Ipinagpapatuloy naman ang USG website, Global Alliance on Rapid Diagnostics 2022 Innovation Forum, Student Group Communications Alliance, at OSEC Centralized services sa ilalim ng Office of the Executive Secretary.
Proyekto ng mga kolehiyo
Inilatag din ni Escoto ang mga naisakatuparang programa at plataporma ng kanilang administrasyon katuwang ang mga college government sa Pamantasan. Kaugnay nito, ibinida niya ang mga naipamahaging pampinansiyal na tulong sa mga estudyante mula sa iba’t ibang kolehiyo sa tulong ng mga college president.
Nakapaglunsad ang Engineering College Government ng Sustainability Summit, isang programang nagtagal ng dalawang buwan upang mapataas ang kamalayan ng mga estudyante pagdating sa 17 Sustainable Development Goals ng United Nations.
Isinagawa naman ng College Government of Education ang Kumpas, ang kauna-unahang programa para sa Filipino sign language certification sa Pamantasan. Binanggit din ni Escoto ang Beyond COB ng Business College Government, isang kumbensyon para sa mga estudyante kasama ang ilang negosyante na tumalakay sa mga sosyo-politikal na isyung umiigting sa sektor ng negosyo.
Tungo sa mas inklusibong Pamantasan
Patuloy ang paghahanda at pagsusulong ng USG ng mga programang nakatuon sa karapatan at kapakanan ng mga Lasalyanong estudyante sa kanilang natitirang termino. Kaugnay nito, isinusulong ng tanggapan ni Escoto, katuwang ang College of Liberal Arts, ang institusyonalisasyon ng human rights and democracy elective. Kasalukuyan nilang dinidisenyo ang naturang kurso bago ibahagi at ipaapruba sa mga kaukulang opisyal ng Pamantasan.
Pagbabahagi niya, “The Office of the President, together with the entire University Student Government, is now focused on proposing changes in the Safe Spaces Policy of the University as well as the implementation of a policy that will protect and guarantee our rights to freedom of expression, speech, assembly, and organization in light of recent events.”
Maglulunsad din ang USG ng Lasallian Care Kits sa susunod na mga linggo upang matiyak ang kaligtasan ng bawat estudyante mula sa pandemya.
Patuloy naman ang pagtataguyod ng kanilang opisina, kasama ang Office of the Executive Treasurer, at pagsusulong ng mas marami pang scholarship tulad ng Lasallian Community Assistance Program at Alumni Student Leaders Grant. Inilahad din niyang patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa mga opisyal ng gobyerno upang masiguro ang karapatan at kaligtasan ng mga estudyante kahit nasa labas ng Pamantasan.
Sa pagtatapos ni Escoto sa kaniyang talumpati, ipinunto niyang kasama ng mga Lasalyano ang USG sa pagtataguyod ng kanilang mga karapatan sa Pamantasan. Pagwawakas niya, “We guarantee that we’ll continue to fight for making your student life better in the university.”