BINASAG ng DLSU Lady Spikers ang kalasag ng CSJL Lady Knights matapos ang dominanteng pagkapanalo sa loob ng tatlong set, 25-14, 25-9, 25-18, sa Shakey’s Super League, Oktubre 9 sa Rizal Memorial Coliseum.
Pinatunayan ni Julia Coronel na maaasahan din siya pagdating sa opensa matapos maglaro bilang spiker at makapagtala ng limang atake, anim na service ace, at isang block. Bumida rin sa talaan si Thea Gagate na nakapagsumite ng walong atake at limang block.
Umarangkada ang Lady Spikers sa unang set matapos makapagtala ng 11 puntos para ungusan ang Lady Knights. Nagpasiklab din si Alleiah Malaluan matapos rumatsada ng limang puntos upang bigyan ang DLSU ng siyam na puntos na kalamangan, 11-3. Agad namang tumugon si Julienne Castro ng atake sa kwatro upang pigilan ang anim na sunod-sunod na pagpuntos ng Taft-based squad.
Hindi nagpahuli si Coronel matapos magtala ng dalawang puntos sa kort nang palitan si Leila Cruz sa kwatro. Bukod pa rito, nagpakitang-gilas si Coronel matapos itulak ang bola sa backline upang tapusin ang pinakamahabang rally sa set, 22-12. Tinuldukan naman ng sophomore setter ang sagupaan sa unang set sa pamamagitan ng isang malabombang atake sa opposite side, 25-14.
Maaksyong simula naman ang hatid ng ikalawang set nang magpalitan ng malalakas na atake ang magkatunggali. Gayunpaman, tinapos ito ni Jules Tolentino sa pamamagitan ng kaniyang drop ball, 1-0. Malaking tulong din ang pag-alalay ni Justine Jazareno sa depensa upang makapuntos ang koponan. Sa kabila nito, humirit din sa opensa ang Lady Knights nang magpakitang-gilas si Christine Calixto sa kwatro, 9-7.
Pinahirapan pa lalo ng Lady Spikers ang depensa ng katunggali at nakapagtala pa ng limang service ace sa kabuuang set. Nanatili rin hanggang sa huling bahagi ng set ang matinding opensa ng Taft-based squad matapos magpakawala sina Amie Provido at Julianne Levina ng malalakas na tirada upang angkinin ang ikalawang set, 25-9.
Nagpatuloy ang pagbulusok ng mga nakaberde sa ikatlong set nang magpaulan ng service ace si Coronel, 7-0. Naging kalbaryo naman sa gitna si Gagate para sa Lady Knights matapos magpakitang-gilas sa kaniyang quick attacks. Gayunpaman, nagpamigay ng libreng puntos ang mga kababaihan ng Taft bunsod ng kanilang sunod-sunod na attack error, 18-11.
Hindi naman nagpapigil ang Lady Knights nang mag-alab ang diwa ni Chamberlaine Cunada na nakapag-ambag ng magkasunod na puntos mula sa kaniyang off-the-block hit, 21-13. Gayunpaman, nagpasiklab si bagong salta Jade Fuentes sa pamamagitan ng kaniyang down-the-line hit na sinundan pa ng quick attack ni Fifi Sharma, dahilan upang makamit ang panalo para sa koponang Green and White, 25-18.
Bunsod ng tagumpay na ito, nananatili pa rin sa unang puwesto ng Pool D ang DLSU na may 3-0 panalo-talo kartada habang wala pa ring naitatalang panalo ang CSJL.
Hihintayin pa ng DLSU Lady Spikers ang resulta ng mga laro sa Pool A, Pool B, at Pool C upang matukoy ang koponang makahaharap nila sa susunod na yugto ng torneo.