IPINASA sa ikasiyam na espesyal na sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang ilang pagbabago sa Omnibus Election Code at ang pagpapahaba sa termino ng mga opisyal ng University Student Government (USG) nitong Setyembre 28.
Inaprubahan din sa sesyon ang pagdeklara kay Lorraine Badoy, dating tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), bilang persona non grata sa USG matapos niyang akusahan ang USG na may koneksyon sa mga komunista.
Pagbabawal kay Badoy sa USG
Pinangunahan ni Aeneas Hernandez, EXCEL2022, ang panukalang nagdedeklara kay Badoy bilang persona non grata matapos ni Badoy ired-tag ang USG sa paghikayat nito sa pamayanang Lasalyano na magsuot ng kulay itim noong Setyembre 19 bilang paggunita sa ika-50 anibersaryo ng batas militar.
Inihayag din ni Badoy na dapat matutong mag-isip nang kritikal at huwag makinig sa mga grupong konektado sa komunista ang pamayanang Lasalyano. Sagot naman ni Hernandez, tungkulin ng USG na mapayabong ang kakayahan ng mga estudyanteng mag-isip nang kritikal at mahikayat ang pamayanang Lasalyano makapag-ambag sa pagpapaganda at pagsasaayos ng ating bansa.
Ipinataw ang persona non grata kay Badoy, o sa madaling salita hindi siya tinatanggap ng USG na maging bahagi ng ano mang proyekto at kaganapan nito sa loob ng Pamantasan sa hinaharap.
Isinakatuparan ang panukalang pagdeklara kay Badoy bilang persona non grata sa DLSU USG sa botong 18 for, 0 against, 0 abstain.
Pag-amyenda ng Omnibus Election Code
Tinalakay rin sa sesyon ang pagsusog sa ilang nilalaman ng Omnibus Election Code bilang paghahanda sa isasagawang face-to-face na eleksyon sa Pamantasan. Pinangunahan nina Raphael Hari Ong, BLAZE2024, Mikee Gadiana, EXCEL2024, at Sebastian Diaz, CATCH2T25, ang pagtalakay sa naturang panukala.
Iminungkahi nina Hari Ong, Gadiana, at Diaz na tanggalin ang huling sugnay ng seksyon 4.8 ng ikaapat na artikulo tungkol sa pagpapaapruba ng campaign materials. Anila, hindi na kakailanganin ng mga kandidato at partidong magpasa ng pisikal na campaign paraphernalia sa DLSU Commission on Elections (COMELEC) dahil ipinasa naman ang soft copy nito.
Nagdagdag din sila ng seksyon sa ikalimang artikulo ukol sa pagpapadala ng voting credentials sa loob ng 48 oras bago ang simula ng eleksyon. Ani Diaz, inilakip ito upang magkaroon ng sapat na oras ang COMELEC na tugunan ang mga kahaharaping problema sa eleksyon.
Bibigyang-pagkakataon ding makaboto gamit ang Google Forms bilang online backup ballot ang mga estudyanteng hindi makaboboto sa voting website. Tanging mga estudyanteng pasok sa sumusunod na mga kondisyon lamang ang papayagan na makaboto sa online backup ballot—hindi nakatanggap ng kredensyal, nailagay sa maling kampus o kolehiyo sa website, at ang mga hindi makaboto kahit pa nabigyan na ng pangalawang kredensyal.
Ipinaliwanag naman ni DLSU COMELEC Commissioner Vincent Magsalin na magkakaroon ng itinakdang Google Sheets bilang listahan ng mga estudyanteng padadalhan ng online backup voting ballot link sa botohan, matapos usisain ni Hernandez ang proseso ng online backup voting ballot. Paalala niya, mga estudyanteng pasok sa nabanggit na mga kondisyon lamang ang pahihintulutang gamitin ito.
Nilinaw pa ni Magsalin, “Once they input the necessary information in the Google Sheets like proof of the error or what error they are experiencing… they can answer the Google Forms that is meant for them. It is not meant for the general student body because it is assumed the voting website works for them.”
Ibinahagi rin niyang padadalhan ng randomly generated passcode sa email ang mga estudyanteng gagamit ng online backup ballot. Ito ang ilalagay ng mga estudyante sa Google Forms pagkatapos bumoto. Ipinaliwanag din niyang mapasasawalang-bisa ang boto ng estudyanteng boboto sa Google Forms nang walang generated passcode sa database.
Magkakaroon na rin ng pagkakatataon ang mga estudyanteng isuplong ang mga kandidato at mga partidong sangkot sa voter harassment. Paglalahad nina Hari Ong, Gadiana, at Diaz, bahagi na ng voter harassment ang pagtatanong sa mga estudyante ng sino ang nais o binotong kandidato. Ipinaalala rin nilang ituturing ding minor offense ang pagkampanya sa mga silid-aralan nang walang pahintulot sa mga kinauukulan tulad ng mga propesor na nagklaklase roon at COMELEC .
Ipinasa sa LA ang rebisyon ng Omnibus election code sa botong 19 for, 0 abstain, 0 against.
Pananatili sa posisyon ng mga opisyal ng USG
Tinalakay naman nina Gadiana at Hari Ong ang resolusyon ukol sa pagpapahaba ng panunungkulan ng mga kasalukuyang opisyal ng USG hanggang sa katapusan ng unang termino ng akademikong taong 2022-2023. Iminungkahi rin ni Hari Ong na tanggalin na ang saknong na “until the proclamation of next USG officers” sa naturang panukala upang maiwasan ang kalituhan dito.
Ipinahayag ni Hari Ong na ito na ang magiging pinal na mga pagsusog dahil rekomendado na ito ni Chief Legislator Francis Loja. Binigyang-diin din ni Hari Ong, “…it is not required for the COMELEC to approve this bill. We consulted them also when we asked regarding the COMELEC plans. So, we told them that we will be having this bill extending all USG officers will [stay in their position] until [end of] Term 1.”
Isinapinal ang mga pagsusog sa panukalang LAA 2022-18 sa botong 18 for, 0 abstain, 0 against.