NAKAMIT ng DLSU Green Archers ang kanilang unang panalo kontra UST Growling Tigers, 83-63, sa UAAP Season 85 Men’s Basketball Tournament, Oktubre 5 sa Philsports Arena, Pasig City.
Nagpakitang-gilas para sa Taft-based squad si Schonny Winston nang pumundar ng 19 na puntos, limang rebound, tatlong assist, at dalawang steal. Katuwang naman ni Winston sa pagpuntos si CJ Austria matapos magtala ng 13 puntos, tatlong rebound, at tatlong assist. Umambag din sina Gilas standout Kevin Quiambao at Motor Mike Phillips bitbit ang kanilang pinagsamang 22 puntos.
Bumandera naman para sa UST si Miguel Pangilinan matapos umiskor ng 11 puntos, siyam na rebound, tatlong rebound, at isang block. Naging matikas na sandalan din ng koponan sina Dom Cabañero, Paul Manalang, at Adama Faye matapos kumana ng tig-10 puntos.
Pagdako ng unang kwarter, nakapuntos kaagad ang Green Archers mula sa violation ni Faye at umaatikabong jumper ni CJ Austria na may kasamang foul, 5-0. Agad namang nagpakilala si Cabañero matapos bumuno ng sunod-sunod na puntos sa loob at labas ng kort, 14-8.
Tila napawi ang pait ng mga tirada ni Quiambao sa laro kontra UP nang magpaulan siya nang sunod-sunod na tres, 20-11. Hindi naman nagpaawat sa pagpapasiklab ang magkabilang panig nang bumira ng tres si Pangilinan, 26-17. Pagsapit ng huling mga segundo ng bakbakan, nakapuslit ng drive si Joaqui Manuel, 30-21.
Sa pagbubukas ng ikalawang kwarter, agad nagpakawala si Jr Calimag ng mainit na tirada sa labas ng arko, 30-24. Lumiyab man ang galamay ni Calimag, sumiklab naman ang Fil-Aussie rookie Earl Abadam sa kaniyang open lane drive, 32-24. Gayunpaman, bumulusok ang mga tigre ng Espanya matapos makamit ang kanilang umaatikabong 7-0 run, 32-33.
Bagamat uminit ang opensa ng UST, hindi nagpatinag sina M. Phillips, Mark Nonoy, at Winston matapos ang kanilang kaliwa’t kanang pagpuntos, 38-33. Nagpakitang-gilas naman si Faye matapos magkamit ng malahalimaw na dunk, 38-35. Bumida rin si Winston mula sa kaniyang tres at nakamamanghang alley-oop play sa tulong ni Austria, 47-38.
Sa pagpasok ng ikatlong kwarter, agad na umalagwa si M. Phillips tungo sa basket, 49-40. Tila lakad-pagong naman ang pag-usad ng Growling Tigers nang mapako sa 40 puntos ang kanilang talaan, 56-40.
Nagpamalas naman ng tikas si Faye matapos bumitaw ng dalawang swak na slam, 57-44. Matapang namang sinuong ng Phillips Brothers ang kalalakihan ng España nang gumuhit ng tig-isang floater, 63-44. Bago matapos ang ikatlong yugto, humirit pa ng puntos mula sa paint si Austria, 65-46.
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang Taft-based squad na tapusin ang bakbakan matapos lumiyab ang kanilang opensa. Walang takot ding sumalaksak sa ilalim sina Penny Estacio at Abadam upang palawigin ang kanilang kalamangan, 69-47. Kasunod nito, lumiyab ang mga galamay ni Estacio nang magpakawala ng mainit na tirada sa labas ng arko, 74-54.
Naging mapusok man ang Green Archers, tila ayaw pang sumuko ni UST star Cabañero matapos araruhin ang paint na may kasama pang foul, 78-56. Gayunpaman, nagpakitang-gilas muli si Quiambao matapos umarangkada ng nakamamanghang reverse layup, 80-59. Hindi naman nagpahuli si Ice Blanco matapos magpakawala ng maanghang na tres upang tapusin ang bakbakan, 83-63.
Abangan ang susunod na pag-alagwa ng DLSU Green Archers laban sa ADMU Blue Eagles sa darating na Linggo, Oktubre 9, ika-4:30 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Mga Iskor:
DLSU – Winston 19, Austria 13, M.Phillips 11, Quiambao 11, Abadam 6, Estacio 6, B. Phillips 5, Nonoy 3, Blanco 3, Manuel 2, Nwankwo 2, Cortez 2.
UST – Pangilinan 11, Cabanero 10, Manalang 10, Faye 10, Garing 6, Lazarte 5, Escubido 4, Mantua 3, Calimag 3, Laure 1.
Quarterscores: 30-21, 47-40, 65-46, 83-63