NAILUKLOK MULI si dating Acting Punong Mahistrado Alexandra Tolisora, bilang punong mahistrado ng University Student Government (USG) – Judiciary para sa akademikong taong 2022-2023, Setyembre 28. Iprinesenta ni Tolisora sa sesyon ang mga plano at adhikain niya para sa Judiciary at sa pamayanang Lasalyano.
Pinangunahan ni Student Attorney General Rafael Ona ang pagpapaliwanag ng mga alintuntunin at pamamaraan sa pagboto. Si USG President Giorgina Escoto ang nangasiwa ng halalan habang si Tolisora ang tumanggap ng nominasyon mula sa lupon. Isinagawa ang halalan gamit ang Google Forms.
Karanasan sa Hudikatura
Sa simula ng talumpati ni Tolisora, inilahad niyang responsibilidad ng mahistrado ang lutasin ang mga aktwal at legal na alitan o kontrobersiya sa USG upang mapanatili ang checks and balances. Dagdag pa rito, unti-unti nang lilipat sa semi-face-to-face set-up ang yunit bilang tugon sa naging epekto ng pandemya sa kanilang naging pamamahala.
Ibinahagi rin niya ang kaniyang mga naging karanasan at naisakatuparan sa Judiciary tulad ng pagdagdag ng bagong posisyon sa magisterial affairs. “Administrative affairs have been divided to two, the internal and external divisions… One magistrate may focus on external relations by partnership and one may focus more on internal relations like administrative cases,” pagpapaliwanag ni Tolisora.
Nagkaroon din ng pagkakataong mamahala si Tolisora sa kauna-unahang Rules and Ethics Committee. Kasabay nito, binuo ni Tolisora at ng komite ang Rules of Procedure na hinango mula sa umiiral na proseso ng paglilitis sa korte at ng mga pagpupulong ng Judicial Board. Layon nitong mas madaling maipaunawa sa bawat miyembro ang proseso ng administratibong paghatol.
Mithiin para sa Hudikatura
“We envisioned a Judiciary that empowers its student to the new normal,” pahayag ni Tolisora ukol sa kaniyang plano sa kaniyang panunungkulan. Kaugnay nito, nais niyang maipasa ang mga resolusyong hindi pa rin naisusulong sa Judiciary sa nakalipas na taon. Tinalakay rin niya ang resolusyon ukol sa Rules on Evidence na naglalaman ng mga alituntunin para sa pamamahala ng mga ebidensiyang tinatanggap at hindi tinatanggap ng lupon.
Ipinakilala naman niya ang Judiciary identification and standardization system upang mapabilis at maisaayos ang pangangasiwa sa mga dokumento ng kanilang organisasyon. Bukod pa rito, nilalayon din niyang maipatupad ang Safe Spaces Act na hango mula sa alituntunin ng Pilipinas na “Bawal Bastos.”
Nais niya ring maipasa ang pagsasagawa ng hybrid mock trials at training sa kaniyang panunungkulan. “This maximizes the number of officers we can train and grant opportunities to all… even if their living situation or personal circumstances prohibits them from being on campus,” ani Tolisora. Sa pamamagitan nito, mabibigyan pa rin ng pagkakataon ang mga miyembro ng Judiciary na pure online learners na makilahok sa mock trials at training.
Ipatutupad din ang Comprehensive Training Program. “This initiative will make our current and future judicial officers well-rounded and well-prepared,” sambit ni Tolisora. Magsisilbing patnubay ang naturang programa na susundin ng lahat ng mga komite sa paggawa ng mga gawaing administratibo tulad ng logistik at dokumentasyon.
Gagawin namang opisyal na taunang proyekto ng Judiciary ang Sine Qua Non. Ipagpapatuloy ito para sa mga estudyante sa loob at labas ng Pamantasan. Nakasentro ang nasabing proyekto sa kahalagahan ng Hudikatura sa Philippine Legal System. Dinaluhan ito ng higit 300 katao noong nakaraang taon.
Magiging bukas din ang Judiciary sa pagbubuo ng isang central committee. Magbibigay ito ng karanasan at pagkakataon sa mga estudyanteng hindi pa ganap na miyembro ng Judiciary na makilahok at matuto sa mga aktibidad ng Judiciary. Kaugnay nito, iminungkahi ni Tolisora ang pagbuo ng taunang recruitment committee para sa mahistrado upang makahikayat ng mga estudyanteng Lasalyanong sumali sa Judiciary.
“My aspiration as the chief magistrate is to ensure a safe space while my constituent and the student body practice the law in their daily lives,” pahayag ni Tolisora. Nanalo si Tolisora bilang punong mahistrado matapos makatanggap ng boto 45 for, 0 against, at 0 abstain.