OPISYAL NANG INILUNSAD ang De La Salle University Sentro sa Pagsasalin, Intelektuwalisasyon, at Adbokasiya (DLSU SALITA), Setyembre 28. Isinagawa nang HyFlex o pinagsamang online at face-to-face ang nasabing programa sa Philippe Jones Lhuillier Conference Room (PJLCR) ng Henry Sy Sr. Hall sa ganap na ika-3 hanggang ika-5 ng hapon.
Magsisilbing sentro para sa pagbibigay ng mga serbisyong propesyonal sa larangan ng pagsasalin at edukasyong pangwika ang DLSU SALITA. Bukod pa rito, layunin din ng DLSU SALITA ang pagtataguyod ng koordinasyon ng mga gawaing pagsasalin sa Filipino para sa pamayanang Lasalyano. Magiging tuon din nito ang pagpupunyagi ng intelektuwalisasyon ng wikang Filipino at adbokasiyang pangwika.
Mithiin ng DLSU SALITA
Binigyang-diin ni Propesor at Dekano ng Kolehiyo ng Malalayang Sining Dr. Rhoderick Nuncio na kailangang maisulong ang intelektuwalisasyon ng wikang Filipino. Aniya, makakamit lamang ito kapag nagkaroon ng koordinasyon ang mga iskolar ng Pamantasan.
Nagpahayag naman ng pambungad na pananalita si DLSU President Br. Bernard Oca FSC ukol sa pagtatatag ng DLSU SALITA. Iginiit ni Oca na kailangang gamitin ang wikang Filipino dahil ito ang wikang naiintindihan ng nakararami. Paglalahad niya, itinatag ang DLSU SALITA upang maitaguyod ang Pilipinisasyon para sa kaunlaran ng kaisipang Filipino at kapakinabangan ng sambayanang Pilipino.
“Kailangang matutong gamitin ang wikang Filipino. Kailangang ma-popularize ang ating mga pananaliksik upang mabasa rin ito ng marami nating kapwa Pilipino na nais din nating maging kritikal, malikhain, makaagham at tunay na makabayan,” banggit ni Oca ukol sa kahalagahan ng wika. Ipinayo rin ni Oca na magandang tumbasan ng paggawa ang bawat salita.
Ibinahagi naman ni Dr. Arthur Casanova, tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na matagal nang intelektuwalisado ang wikang Filipino. Dagdag pa niya, kinakailangan lamang na mas isulong pa ang paggamit ng wikang Filipino upang matamo ang tugatog ng intelektuwalisasyon ng wikang pambansa.
Inilahad din ni Casanova na tutugon ang DLSU SALITA sa paglinang ng mga pananaliksik na may kinalaman sa wika, panitikan, at kultura. Aniya, layunin ng organisasyong makalikha ng mga pananaliksik at makapaglimbag ng mga libro na may kinalaman sa pagka-Pilipino.
Pagpapakilala sa lupon ng tagapayo
Pinangunahan naman ni Dr. Ernesto Carandang II mula sa Departamento ng Filipino ang pagpapakilala sa mga lupong tagapayo ng DLSU SALITA. Inilahad niya ang kahalagahan ng mga punong tagapayo sa katagumpayan ng programa at pagtataguyod ng wikang Filipino sa loob at labas ng Pamantasan.
Ayon kay Carandang, mahalaga ang gampanin ng bawat miyembro ng lupon dahil sila ang pangunahing kasangguni para sa pagtiyak at lalong pagpapalinaw ng mga magiging programa at tatahakin ng DLSU SALITA. Wika pa niya, “Sila ang mga buhay na halimbawa ng gilas at talas ng kaisipang Pilipinong may tunay na malasakit sa wika at sambayanang [Pilipino].”
Kinabibilangan ng mga guro, mananaliksik, iskolar, administrador, at lingkod bayan ang mga punong tagapayo.
Binubuo ng mga sumusunod ang lupon ng mga tagapayo: Casanova, KWF Retiradong Director III Dr. Aurora Batnag, Propesor mula sa University of the Philippines-Diliman (UPD) Departament of Filipino and Literature Pamela Constantino, at Ateneo De Manila University (ADMU) Department of Filipino Propesor at Chair Dr. Michael Coroza.
Kasama rin sina Nuncio, Vice President at Dekano ng DLSU-Laguna Dr. Jonathan Dungca, Chair ng Departamento ng Kasaysayan sa DLSU-Manila Dr. Jose Rhommel Hernandez, DLSU-Manila Advanced Research Institute for Informatics at Computing and Networking Direktor Dr. Joel Ilao, Retiradong DLSU Chancellor University Fellow Dr. Gerardo Janairo, at Propesor sa DLSU-Manila Department of Psychology Dr. Roberto Javier Jr.
Kasapi rin ng lupon sina DLSU-Manila Chancellor Emeritus and University Fellow Dr. Carmelita Quebengco, Propesor at Tagapangulo ng Theoretical Physics mula sa DLSU-Manila Department of Physics Dr. Emmanuel Rodulfo, Fellow at Ideacorp Dr. Rachel Edita Roxas, DLSU-Manila University Fellow at Assistant Dean for Quality Assurance Dr. Rosemary Seva, University Fellow at Professor Emeritus Dr. Tereso Tullao, Jr., UPD Department of Filipino and Literature Propesor Dr. Galileo Zafra.
Pagkamit sa layunin ng DLSU SALITA
Ibinahagi naman ni Dr. Leni Garcia, kawaksi ng PROVOST, ang mga pangunahing gawain ng DLSU SALITA. Wika niya, “Ang SALITA ay nabigyang-katuwiran dahil sa madalas na kahilingan na magkaroon ng salin sa Filipino ng mahahalagang dokumento, materyal panturo, at pampananaliksik sa loob at labas ng Pamantasan.”
Inilahad din ni Garcia ang tunguhin at bisyon ng sentro na pangunahing pagtuunang-pansin ang intelektuwalisasyon ng wikang Filipino. Maisasakatuparan ito sa pagbibigay ng mga serbisyong propesyonal sa larangan ng pagsasalin, pananaliksik, edukasyong pangwika sa Filipino at pagsulong ng mga adbokasiyang pangwika.
Layon ding maisulong ang paggamit ng wikang Filipino bilang wika ng kamalayan at wika ng diskursong intelektwal sa mga batayang kurso ng Lasalyano. Bukod pa rito, hiling din ni Garcia na mabigyang-artikulasyon ang mga mahalagang patakarang pangwika na maaaring magsilbing gabay sa pagsulat ng mga pananaliksik at pagsalin sa Filipino.
Ipinabatid din ni Garcia na isusulong ang mithiing pangwika hindi lamang sa kampus sa Maynila maging sa lahat ng kampus ng Pamantasang De La Salle at iba pang paaralang De La Salle.
Sa huli, nagbigay ng mensahe ng pasasalamat si Propesor mula sa Departamento ng Filipino Deborrah Anastacio. Pagwawakas niya, “Sa ngalan ng DLSU SALITA lubos po kaming nagpapasalamat sa hindi matawarang suporta. . . padayon, malayo pa ang daan na tatahakin ng DLSU SALITA. . . tunay na nakakapanabik ang daan na ating tatahakin.”