SINELYUHAN ng DLSU Lady Spikers ang kanilang unang panalo laban sa umaatikabong puwersa ng FEU Lady Tamaraws sa loob ng limang set, 25-13, 19-25, 21-25, 25-22, 15-8, sa Shakey’s Super League, Oktubre 1 sa Rizal Memorial Coliseum.
Matagumpay na umarangkada ang 5’10 outside hitter Alleliah Malaluan para sa DLSU matapos makapagtala ng 13 attack, isang block, at isang ace. Katuwang naman niya sa pagpuntos sina Thea Gagate at Jyne Soreño nang mapasakamay ang panalo.
Maaksyong sinimulan nina Jolina Dela Cruz, Gagate, at Soreño ang unang set matapos tapatan ang maagang pagpapasiklab nina Barbie Jamili at Chen Tagaod. Matapos makamtam ng FEU ang kalamangan sa unang technical timeout, hindi nagpatinag ang blocking ni Gagate matapos payungan ang backrow hit ni Tagaod, 16-10. Sa huli, tinuldukan ni Soreño ang naturang set mula sa kaniyang sunod-sunod na puntos sa zone 1 ng kabilang panig, 25-13.
Agad namang giniba ng manipis na palo ni Mitzi Panangin ang depensa ng Lady Spikers sa pagbubukas ng ikalawang set, 5-8. Sinagot naman ito ng kargadong quick hit ni Ilongga Volleybelle Amie Provido, 8-12. Subalit, hindi nagpatalo ang pangingibabaw ng mga cut shot at off-the-block hit ni Tagaod kontra sa blockers ng DLSU, 17-21. Sa huli, tinuldukan ni Jean Asis ang naturang set mula sa kaniyang agresibong running attack, 19-25.
Pursigidong umarangkada ang Lady Spikers sa ikatlong set mula sa magkakasunod na free hit ni Malaluan sa zone 6 at quick attack ni Fifi Sharma, 4-6. Nagparamdam namang muli si Asis nang makakuha ng puntos mula sa kaniyang signature running move, 6-10. Sinubukan din ni Mars Alba na paliitin ang kalamangan ng katunggali gamit ang kaniyang madiskarteng hulog sa harap, 7-10.
Binasag naman ni Ann Monares ang kaniyang katahimikan nang makapaglapag siya ng solidong crosscourt attack, 11-13. Bagamat nagkamit ng maraming error ang Lady Spikers, nanatiling buo ang kompiyansa ni Malaluan nang magpakawala siya ng rolling ball, 21-24. Gayunpaman, bigong magwagi sa naturang set ang DLSU matapos umukit muli ng error, 21-25.
Bumida naman ang down-the-line hit ni Soreño sa pagbubukas ng ikaapat na set, 2-all. Sunod nito, namayagpag ang matayog na block ni Leila Cruz matapos niyang mabasa ang galaw ni Asis, 6-all. Sa kabilang panig, umalingawngaw ang tatlong sunod-sunod na puntos ni Monares, 9-11. Sa huli, tagumpay na sinelyuhan ng Lady Spikers ang set bunsod ng kanilang matayog na depensa, 25-22.
Nanaig naman ang straight attack ni Malaluan sa huling set, 3-all. Hindi rin nagpapigil sa pagpuntos sina Sharma at Soreño upang makamtan ang 4-0 run, 11-6. Sunod nito, hindi nagpaawat si Malaluan sa kaniyang crosscourt attack upang tuldukan at mapasakamay ang kauna-unahang panalo ng Lady Spikers sa torneo, 15-8.
Abangan ang susunod na laban ng DLSU Lady Spikers sa Shakey’s Super League kontra College of Sanit Benilde Lady Blazers sa darating na Sabado, Oktubre 8 sa ganap na ika-3 ng hapon.