PUMALYA ang DLSU Green Archers sa kanilang panimulang laban kontra UP Fighting Maroons, 69-72, sa UAAP Season 85 Men’s Basketball Tournament, Oktubre 1 sa SM MOA Arena, Pasay City.
Nabinyagan man ang karera ng Green Archers mula sa pagkatalo, umarangkada naman si Schonny Winston sa kaniyang unang laro sa UAAP Season 85 nang makalikom ng 27 puntos, dalawang rebound, dalawang assist, tatlong steal, tatlong turnover, at isang block. Hindi rin nagpatalo sa pagpuntos si Evan Nelle matapos umukit nang siyam na puntos, apat na rebound, at limang assist.
Pinangunahan naman ni Gilas Standout Carl Tamayo ang Fighting Maroons nang tumikada siya ng 18 puntos, 19 na rebound, at dalawang assist. Kaagapay naman niya sa pagbuno ng bentahe si Terrence Fortea matapos umukit ng 15 puntos, limang rebound, at siyam na assist.
Maliksing binuksan ni Tamayo ang unang kwarter mula sa kaniyang tirada ngunit nagpasikat din si Winston matapos umukit ng magkasunod na dos, 6-2. Nagsilbing panimulang puntos naman ni Cyril Gonzales ang kaniyang dos nang magdikit ang talaan ng dalawang koponan, 9-10.
Nagtapatan naman sa two-point line ang magkatunggaling sina Tamayo at Mark Nonoy. Sunod nito, waging makalusot si Nonoy sa depensa ng Fighting Maroons matapos nitong umalagwa ng tres, 15-14.
Pagdako ng ikalawang kwarter, agad humataw ng dos si Gonzales. Matapos maipasok ni Nonoy ang kaniyang dalawang free throw, nagpakitang-gilas si Lucero at umukit ng pinagsamang limang puntos. Gayunpaman, lumuwag ang depensa ng UP nang basagin ito ng dos na tirada ni Jcee Macalalag mula sa assist ni Kevin Quiambao, 24-23.
Hindi rin nagpahuli si Winston nang lumiyab ang kaniyang mga galamay at makapag-ambag ng magkakasunod na dos, 28-25. Gayunpaman, kumalas sa depensa ng Green Archers si James Spencer matapos humakot ng tres. Subalit, patuloy na pinalawak ng tambalang CJ Austria at Nelle ang talaan matapos umukit ng pinagsamang apat na puntos, 33-29.
Ipinagpatuloy naman ng Green Archers ang kanilang momentum matapos magpakawala ng rumaragasang dos si Mike Phillips. Bumida ring muli si Winston nang humakot siya ng magkasunod na dos, 39-29. Sa kabila nito, malakuryenteng itinudla ni Fortea ang depensa ng DLSU nang wakasan niya ang ikalawang kwarter sa pamamagitan ng dalawang tres, 42-34.
Sa pagbubukas ng ikatlong kwarter, bumulaga ang bagsik ni Tamayo nang gumuhit siya ng umaatikabong drive sa ilalim ng kort, 42-34. Gayunpaman, agad iwinasiwas ng UP ang nabubuong momentum ng DLSU matapos nitong kumana ng 6-0 run mula sa mga wing shot ni Zavier Lucero at fastbreak ni Gonzales. Sa huli, hindi na nagpaawat pa ang nagngangalit na opensa ng Katipunan-based squad mula sa mga tirada nina Harold Alarcon at Gonzales, 54-50.
Gumulantang para sa huling kwarter ang sunod-sunod na pagpukol ng puntos ng UP sa pangunguna nina Tamayo at Fortea, 54-all. Gayunpaman, hindi nito napigilan ang pag-ambag ni Bright Nwankwo matapos pumasok ang kaniyang unang shot, 56-54.
Sa pagpapatuloy ng mainit na sagupaan, bumaliktad ang takbo ng laro matapos magpakawala ng tirada si Malick Diouf para sa UP, 61-66. Sanib-puwersang sinubukan ng Green Archers na lamangan ang UP ngunit kinapos ang tangka ni Nelle na pumuntos ng tres, 69-70.
Tunghayan ang susunod na laban ng DLSU Green Archers kontra UST Growling Tigers sa darating na Miyerkules, Oktubre 5, ika-4:30 ng hapon sa Philsports Arena Pasig.
Mga iskor
DLSU – Winston 27, Nelle 9, Nonoy 8, M. Phillips 8, Quiambo 5, Austria 4, Manuel 4, Nwankwo 2, Macalalag 2
UP – Tamayo 18, Fortea 15, Diouf 9, Spencer 8, Lucero 7, Gonzales 7, Alarcon 5, Ramos 3
Quarterscores: 17-16, 42-34, 54-50, 69-70