Nitong mga nakaraang buwan, nasaksihan ng bawat mamamayang Pilipino ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin bunsod ng patuloy na pagtaas ng inflation rate sa bansa. Simula Pebrero 2022, hindi na bumaba pa sa 3.3% ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at nitong Hulyo, halos dumoble ito dahil pumalo sa 6.4% ang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa bansa. Ito na ang pinakamataas na antas ng inflation rate sa bansa sa nakalipas na apat na taon.
Dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ayon sa inilabas na Price Situationer ng Philippine Statistics Authority, nitong huling kalahating yugto ng Hulyo, umabot sa Php0.01 ang itinaas na presyo ng bigas sa Kalakhang Maynila at umabot naman sa pagitan ng Php1.05 hanggang Php22.37 ang naitalang pagtaas ng presyo ng asukal sa buong bansa. Nakakalula kung susumahin ngunit bakit nga ba ganito ang nangyayari sa merkado ng bansa? Ayon sa mga eksperto, ang pagbaba ng halaga ng salapi ang isa sa mga pangunahing dahilan ng mataas na inflation rate sa Pilipinas, na sinamahan pa ng isyu sa suplay at pagtaas ng presyo ng langis.
Hindi lingid sa ating kaalaman na sa pagtaas ng mga presyo ng mga kalakal, kinakailangang umayon ang mga Pilipino upang makasabay at mabuhay. Sabihin mang maparaan ang mga Pilipino, kapag pangunahing pangangailangan na ang pinag-uusapan, hindi pagtitipid at diskarte ang solusyon sa inflation. Sa lahat ng Pilipino na walang pagpilian kundi umayon na lamang sa mga presyong nagtataasan, ang mga bulnerable at nasa laylayan ang pinakaapektado’t nahihirapan. Habang ang pangulo ay puma-party’t nagkakasiyahan, ang kaniyang nasasakupan ay nagdarahop dahil sa kaniyang kapabayaan. Walang nagagawa ang pagtitipid at diskarte sa isyung responsibilidad ng pamahalaan.
Mawalang-galang na po, Mr. President, hirap na hirap pong pumila ang mga tao sa ayudang handog ng DSWD at namumuti na ang mata sa kahihintay na maging Php20 ang bigas. Panahon na po upang magising, itigil ang pagliwaliw sa mga party—bagkus bigyang-pansin ang hinaing ng mga Pilipino dahil ito po ang iyong gampanin at sinumpaang trabaho.
Nananawagan ako sa administrasyong Marcos na ibasura ang TRAIN Law, itaas ang sahod, at ibaba ang presyo ng mga bilihin at langis. Kung totoo ang inyong mga ipinangako noong kayo ay nanliligaw pa lamang ng boto, bigyang-priyoridad ang pang-araw-araw na pamumuhay ng mga ordinaryong tao.
Dahil kung mananatili kayong bulag, hindi kami magkikibit-balikat na magtanong, golden era na nga ba talaga para sa taumbayan o golden era na ulit ng kasakiman sa ating bayan?