Naghihigpit na muli ng sinturon ang maraming Pilipino bunsod ng tumataas na presyo ng petrolyo na siyang pinagbabatayan ng maraming aktibidad na konektado sa ekonomiya. Maraming mga pangyayari ang nagtutulak sa pagmahal ng presyo ng langis, tulad ng digmaang nangyayari sa Ukraine at mga parusang pang-ekonomiyang ipinapataw sa Russia ng ibang bansa.
Hindi na rin maiwasan ng mga Pilipino ang pagdaing at paghahanap ng solusyon mula sa pamahalaan upang tugunan ang paghihirap na dala nito. Isa sa matutunog na panawagan ang pagsuspinde ng fuel excise tax na itinuturong dahilan sa pagtaas ng presyo ng langis. Subalit, tila hindi tinutumbok ng panawagang ito ang ugat ng naturang suliranin.
Sablay na sisi
Taliwas sa paniniwala ng karamihan, hindi maisasalba ng pagsuspinde ng fuel excise tax ang mabigat na pasaning dulot ng pagtaas ng presyo ng langis sa mga Pilipino. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Dr. Tereso Tullao, isang ekonomista at propesor mula sa Pamantasang De La Salle, isiniwalat niyang hindi solusyon ang pagsuspinde ng takdang buwis sa langis sa nakaambang krisis sa ekonomiya. Aniya, “Ang excise ay dagdag na gastos sa halaga ng anomang produktong langis. Ngunit ang takdang buwis na ito ay hindi nagbabago kahit tumataas ang presyo ng mga produktong langis.”
Dagdag pa ni Tullao, tumataas ang presyo ng langis hindi dahil sa fuel excise tax, kundi sa mga pagbabago ng presyo nito sa pandaigdigang merkado at ang pagpataw ng value-added tax (VAT). Inaasahan ding tataas pa ang presyo ng langis dahil malaking bahagi ng mga produktong petrolyo ang inaangkat ng bansa at apektado rin ito ng mga isyung pandaigdig, tulad ng digmaan sa Ukraine at Russia.
Bukod rito, suportado ni Tullao ang desisyon ng administrasyong Marcos na panatilihin ang fuel excise tax dahil malaking bahagi ng pondo ng pamahalaan ang nagmumula sa fuel excise tax at VAT sa langis. Binanggit din niya ang mungkahi ng Department of Finance (DOF) upang magsilbing solusyon sa naturang problema.
“May mungkahi ang DOF na bigyan ng tulong ang mga maralitang [pamilyang] mabigat na pinapasan ang pagtaas ng presyo sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng transfer. Manggagaling ang tulong sa tumataas na koleksiyon ng VAT sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo,” paliwanag ni Tullao.
Pinasang pasakit
Bagamat unti-unting nagkakaroon ng pagbaba sa presyo ng langis sa mga nakalipas na mga linggo, hindi maikukubli ang malaking pasakit na idinulot ng mahigit Php80 kada litro ng gasolina sa bulsa ng mga drayber at komyuter. Kaakibat ng Php30 hanggang Php40 na pagtaas ng naturang presyo ang mas mababang kita na maiuuwi ng mga namamasada.
Sa kabila ng masamang epekto nito sa sektor ng transportasyon at iba pang sektor ng lipunan, patuloy pa rin ang pangongolekta ng gobyerno ng buwis sa mga produkto ng langis. Sa halip na pansamantalang suspendihin ang polisiya, piniling tugunan ng administrasyong Marcos ang krisis sa pamamagitan ng pagbibigay ng ayuda na sinimulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong huling bahagi ng kaniyang panunungkulan.
Gayunpaman, tila hindi sapat ang naging pagtugon ng nakaraang administrasyon at sa ilalim ng bagong liderato, mas bumaba pa ang matatanggap na ayuda ng mga kabilang sa sektor ng transportasyon. Mula sa Php6,500 na ipinamamahagi ng administrasyong Duterte, makatatanggap na lamang ang 337,000 drayber at opereytor ng pampublikong sasakyan ng Php6,000 sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Habang mayroong kompiyansa ang gobyerno sa ipinagmamalaking subsidiya, tila bulag sila sa realidad na ang dagdag na malaking patong sa buwis ang nagdudulot ng kawalan ng sapat na kita upang tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan. Iginiit ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) na hindi sapat ang binibigay na ayuda, lalo na sa ekonomiyang humihina ang halaga ng piso at tumataas ang presyo ng langis.
“The higher the oil prices get, the bigger the VAT collection. It is simply oppressive. . . Government’s refusal to suspend this tax regime shows it places more importance on debt payments rather than people’s welfare,” paninidigan ni BAYAN Secretary General Renato Reyes.
Sigaw ng nasa laylayan
Sa panayam ng APP kay Philip Lansangan, isang drayber, binigyang-diin niya na sa paglaganap ng pandemya at pagtaas ng bilihin, hindi na sumasapat ang kaniyang dating kinikita upang matustusan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya. Dagdag pa niya, “Kung [wala kang] diskarte o sideline, hindi mo mabubuhay ang pamilya mo. . . dahil ngayon mataas na mga bilihin.”
Gayunpaman, sinusuportahan ni Lansangan ang anomang nais ilatag na desisyon ng gobyerno kabilang na ang hindi pagsuspinde sa buwis basta’t nakaangkla sa ikabubuti ng bansa. Subalit, bago pa man matapos ang rehimeng Duterte, marubdob nang nanawagan ang Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na ibasura ang fuel excise tax sapagkat lubos nitong naaapektuhan ang kanilang kabuhayan. Matatandaang hinimok ni Mody Floranda, presidente ng PISTON, noong Mayo 17 ang bagong uupong administrasyon na kagyat na rebisahin o ibasura ang batas na Oil Deregulation law, TRAIN law, e-VAT, o fuel excise tax.
“Nandyan po ‘yung malalaking mga negosyante na dapat ito ‘yung isa pangunahing hinahabol ng gobyerno na magbayad talaga na sapat na mga buwis, dahil ang usapin po ng pagtaas ng produktong petrolyo, sabi nga natin ang sinasagasaan nito ‘yung mga maliliit eh, ‘yung nasa mga laylayan, ‘yung mga kapos ang kita,” pagbibigay-diin ni Floranda.
Habang binababaan ng gobyerno ang buwis ng mga korporasyon at binibigay sa kanila ang kakayahang kontrolin ang suplay ng langis, hindi naman dinidinig ang interes ng masa na suspendihin ang buwis sa langis upang makaahon mula sa pagkakasadlak. Higit kailanman, mas kinakailangan ng gobyernong unahin at pakinggan ang panawagan ng mga labis na naaapektuhan. Lalo na’t hindi mag-aatubili ang masang mangalampag, itigil ang pamamasada, at pagpasok sa opisina upang isulong ang kanilang interes at bawiin ang kanilang ipinagkatiwalang kapangyarihan sa pamahalaan.