Nakabibighaning masaksihang nagsama-sama sa iisang entablado ang mga nagpipitagang kandidatang handang ipamalas ang kanilang kompiyansang makapagpabago—tangan ang kanilang mga pinaiigting na adbokasiya. Nakakubli man ang pangangamba sa nakapanghahalinang mga ngiti at eleganteng tindig, pinangibabawan pa rin ito ng kanilang simbuyo ng dedikasyon at pagpupunyagi. Kawangis ng kanilang marilag na tikas, nilalayon din nilang ipadama at ipaalala sa ibang kababaihan ang kumikinang nilang pag-iral at halaga sa mundong kanilang kinabibilangan.
Sa pagbabalik at pagsulpot ng mga nalimitahang beauty pageants sa lokal na eksena, muling pasisiklabin ng mga kalahok ang namutla nitong liwanag at unti-unting pasisiglahin ang namahingang lalamunan ng mga masugid na tagahanga. Nakasasabik nga namang bumalik sa nakagisnang gawi na panoorin ang kani-kaniyang mga pambatong taglay ang makukulay na palamuti sa mukha at suot-suot ang ipinasadyang mga bestido habang rumarampa. Dala-dala man ng bawat marahan at matikas na mga yabag ang pag-asang mapasakamay ang korona, paano nga ba nila pinaghahandaang muli ang pagsalang sa mga pinagbubunying beauty contest?
Pagsilip sa labas ng entablado
Sa bawat tapak ng takong sa entablado, masisilayan ang mga dilag na abot-langit ang kariktan. Gamit ang kanilang kagandahan, kompiyansa sa sarili, at hinasang katalinuhan, unti-unti nilang pinaiibig at pinupukaw ang atensyon ng sandamakmak na manonood. Umaabot ito sa puntong natatapalan ng kanilang matitikas na signature walk at mga marilag na ngiti ang mga paulit-ulit na pagsubok na kanilang hinarap upang makarampa. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Michele Angela Okol, isang beauty queen at model na lumahok sa Miss Universe Philippines (MUP) 2021 at Miss Philippines Earth 2022, masisilayan ang mga karanasang tinatahak ng mga beauty queen upang makamit ang koronang inaasam-asam.
Bago magsimulang rumampa si Okol, kaniya nang sinusubaybayan, kasama ng kaniyang pamilya, ang iba’t ibang beauty pageant. Sa kabila ng kaniyang pagkahumaling sa mga patimpalak na ito, inamin niyang noong una, mali ang kaniyang pagkakaintindi sa esensya nito. Nakita niya ito bilang isang pagkakataon upang magtagisan ng nakamamanghang paglakad, kariktan, at katangkaran. Naglaho lamang ang maling pag-unawa’t persepsyon niya noong tumanda na siya dahil napagtanto niyang paraan ito upang maging representatibo’t tagapagsalita para sa mga adbokasiya at isyung pambansa. Dahil sa pagbabago ng kaniyang perspektiba, nagbigay-inspirasyon ito kay Okol upang sumali sa mga beauty pageant.
Kahanga-hanga man ang kaniyang naging dahilan sa pagrampa, marami pa rin siyang hinarap na balakid sapagkat baguhan pa lamang siya sa larangan. “Pageant newbie ang tawag sakin noong sumali ako sa MUP 2021. . . [kaya] kinapa ko lahat kasi biglaan [ang pagsali ko rito] kaya sobrang grateful ako sa mga advice na nakuha ko sa pageant sisters ko,” pagsasalaysay niya. Maliban dito, naramdaman din niya ang mabigat na tungkuling kaniyang tangan bilang kinatawan ng mga Surigaonon dahil siya ang una nilang pambatong galing sa Siargao.
Sa kabila ng mga naranasan niyang hamon, laging nakatanaw si Okol sa positibong aspekto ng pagrampa. Ibinahagi niyang kahit hindi pa siya nanalo, naniniwala siyang mahalagang natutuhan niyang mahalin ang sarili, gayundin ang kahalagahan ng nakuhang sisterhood sa mga kasama niyang beauty queen. Kaya bilang payo sa mga hindi pa natatamo ang kanilang korona, iginiit ni Okol na, “Don’t go after the title; go after the learnings and changes you can make after it.”
Paghinto at pagpapatuloy ng nakagawiang proseso
Maliban sa personal na karanasan, binigyang-pansin din ni Okol ang pagbabago ng kultura sa loob ng mga beauty pageant. Marahil dulot ng mabilis na pag-ikot ng mundo, hindi nananatiling hawig ng mga nakaraang proseso ang pagsabak sa pageantry at ang pagpapasiya ng mga mananalong beauty queen.
Inihayag ni Okol na nag-iba na ang daloy ng panahon pagdating sa pamantayang ginagamit upang maghirang ng panalo. Aniya, “Times have changed [naging] diverse na rin ang konsepto ng beauty. Nag-aayos pa rin [naman] kami para sa pageant pero mas tinitingnan na ngayon ang karakter at overall performance.” Napansin niya rin ito nang nakasali siya sa mga pageant dahil hindi na pinahahalagahan ang katangkaran, isang nakasanayang katangian ng mga beauty queen para makasali sa mga patimpalak.
Sa kabilang dako, kaniya ring inilahad ang pagbabagong nagsisimula na niyang maramdaman ngayong unti-unti nang bumabalik sa normal ang buhay ng lahat—pagbabagong dulot ng pagkakulong sa loob ng parisukat na iskrin dahil sa pandemya. Ibinahagi ni Okol na dumadaghan na ang mga aktibidades na isinasagawa nang face-to-face dahil kadalasang hybrid na ito; kalahating nasa online at face-to-face.
Sa kabila ng mga pagbabago, naniniwala siyang nananatili pa rin ang mga kalakip na responsibilidad ng pagrampa. “Maraming sumusubaybay sa pageants kaya dapat aware kami sa mga napapanahong isyu [dahil kung magsasabi kami] ng hindi totoo, maaaring marami ang maniwala,” pagpapaalala niya. Kaniya pang idinagdag na dapat ding gamitin ng mga beauty queen ang kanilang boses sa mahahalagang adbokasiyang makatutulong sa kanilang sarili, masang Pilipino, at buong mundo.
Pagputong sa tumatanglaw na korona
Hindi nangangahulugang hindi ka kagandahan o wala ka nang kakayahang masungkit ang inaasam na korona dahil sa unang pagkabigo sa sinalihang maringal na paligsahan. Mainam na alalahaning hindi na lamang nakatuon sa tradisyonal na imahen ng kagandahan ang mga beauty pageants ngayon. Nagkakaroon na rin ng timbang ang pagtatangkang husgahan ang mga kalahok sa kanilang talento at maging sa katalinuhan.
Ipinababatid din ni Okol sa mga hindi pa naiuuwi ang korona na isaalang-alang ang panahon para sa pagpapahinga. Dagdag pa niya na dahil madaling ubusin ng mga beauty pageants ang kanilang enerhiya, “[There] is a certain pressure given that we wear our respective areas’ names on our sashes, but don’t let it overtake who you are as a person.” Ipinaalala rin niyang ituring na isang pangarap lamang ang pagsali rito dahil may buhay pa sa labas ng pageantry. Para sa mga nagbabalak na sumabak at makipagsapalaran muli, kinakailangan na lamang ipagpatuloy ang masikhay na pagsasanay upang magkaroon ng tapang na haraping muli ang mahigpit na kompetisyon nang may sukdulang kinang at kariktan.
Muling magbibihis at maglalakad sa pasarela ang mga binibining nasadlak ang pangarap dahil sa pandemya. Ipagpapatuloy ang laban kahit madapa sa entablado, mautal sa pagsasalita, o ‘di kaya naman makatanggap ng mga nakahihilakbot na pagpupuna, nakatingalang babangon pa rin mula sa pagkalugmok at babawi muli sa mapait ngunit mapagpupulutang aral na karanasan.