Mas pinadaling proseso ng mga transaksyon sa Pamantasan, hatid ng The CONCiERGE Support Portal

Dibuho ni Hana Tanaka

PINASINAYAAN ng Office of the Vice President for Administration, katuwang ang 15 piling mga opisina, ang The CONCiERGE Support Portal, Hunyo 13. Ayon kay Kai Shan Fernandez, vice president for administration ng Pamantasang De La Salle (DLSU), binubuo ng iba’t ibang pasilidad na may kaugnayan sa mga transaksyong pampamantasan ang naturang portal.

Kaugnay nito, sinuri ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang tugon ng pamayanang Lasalyano ilang buwan matapos ang naturang paglulunsad.

Isinaayos na proseso 

Dinisenyo ang The CONCiERGE Support Portal upang makapagbigay-serbisyo sa pamayanang Lasalyano gamit ang blended na pamamaraan. Batay sa inilabas na End-User Guide, magsisilbi itong daan upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan at katanungan ng mga Lasalyano, gaya ng mga isyung may kinalaman sa pagsasagawa ng enrollment, pagbabayad sa matrikula, at paggamit ng shuttle service ng Pamantasan.

Magagamit ang portal na ito ng mga estudyante, kawani, alumni, at bisitang dadalaw sa lahat ng kampus ng Pamantasang De La Salle. Kaugnay nito, mapabibilis nito ang kabuuang proseso dahil sa ipinatutupad na sistematikong panuntunan sa pagtugon at pagdulog ng mga isyu. Matatagpuan sa portal ang nakalatag na listahan ng Frequently Asked Questions (FAQs), kabilang na ang proseso sa pagbuo ng ticket.

Maaari ding ipadala nang direkta sa opisinang kanilang pinatutungkulan ang kanilang mga mensahe upang mas mapabilis ang proseso ng pagtugon. Kailangan lamang bumuo ng ticket sa portal o hintayin sa e-mail ang itinakdang ticket kaugnay ng kanilang ipinadalang mensahe. Dahil dito, mabibigyang-pagkakataon ang mga Lasalyanong masubaybayan ang estado ng kaniyang mga ipinadalang kahilingan. Ilan sa mga serbisyong saklaw nito ang HR Services, Information Technology (IT) Services, at Venue Reservations.

Nilalaman din ng CONCiERGE End-User Guide ang listahan ng mga malimit na isyung kinahaharap ng mga estudyante at kawani ng Pamantasan. Kabilang din sa naturang plataporma ang mga scholarship na iniaalok ng Pamantasan para sa mga freshman na estudyante. Dagdag pa rito, mayroong inihandang talaan ang website sa mga serbisyong pinamamahalaan ng bawat opisina sa Pamantasan. 

Matatagpuan ang kabuuan ng gabay sa link na ito: https://theconcierge.dlsu.edu.ph/support/solutions/articles/19000054754. Samantala, maaaring magamit ang serbisyong hatid ng The CONCiERGE Support Portal sa link na ito: https://theconcierge.dlsu.edu.ph/support/home

Tugon ng pamayanang Lasalyano

Kinapanayam ng APP ang ilang Lasalyano ukol sa kanilang pananaw sa bisa ng The CONCiERGE Support Portal.

Ayon kay Marie*, ID120 na kumukuha ng Bachelor of Arts in International Studies Major in European Studies, nagagamit niya ang The CONCiERGE Support Portal tuwing mayroon siyang konsern sa cashier at IT services. Bagamat inamin niyang mayroong katagalan sa kanilang tugon, iginiit niyang nakatutulong pa rin ang portal upang epektibong maipadala ang kaniyang mga katanungan sa iba’t ibang sangay ng Pamantasan. Aniya, “Mas [mapadadali] ang pagsagot sa tanong nila para hindi na maghihintay ng e-mail ng ilang araw.” 

Gayundin, nagagamit ni Drix Lazaro, ID 120 mula sa Bachelor of Science in Manufacturing Engineering and Management with Specialization in Mechatronics and Robotics Engineering, ang portal na ito sa tuwing kinakailangan niyang magbayad ng kaniyang matrikula. “Mabuti nga ‘yan, isang programa ng DLSU na sa wakas naranasan ko,” panimula niya. 

Naniniwala rin siyang natutugunan ng naturang portal ang kaniyang mga hinaing bilang estudyante dahil dito na ginaganap ang kabuuang proseso ng pagbabayad ng kaniyang matrikula. Nabibigyang-pagkakataon din siyang masubaybayan ang kabuuan ng pagproseso ng kaniyang ibinayad na salapi.

“Kung dati, nababalisa ako dahil wala akong nakukuhang confirmation o kung [anoman] na [makapagpapatunay] na natanggap na nga nila ‘yung payment slip ko, ngayon ay tila napapanatag na ang loob ko dahil dito,” wika pa ni Lazaro. Ibinahagi rin niyang mairerekomenda niya ang portal na ito sa ibang mga estudyante dahil mabibigyan sila ng pagkakataong masubaybayan ang espesipikong estado ng kanilang mga payment slip. 

Mungkahi ng mga estudyante

Nalaman naman ng APP na marami pa ring estudyante ang walang sapat na kaalaman sa portal na ito sa kabila ng paglulunsad nito noong nakaraang mga buwan. Dulot ito ng kinagisnang paggamit ng mga estudyante sa e-mail bilang pangunahing pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa mga opisina sa loob ng Pamantasan.

Paglalahad ni Park*, ID 120 mula sa kursong Bachelor of Science in Civil Engineering, nahirapan siyang unawain ang mga inilathalang impormasyon sa website ukol sa tamang paggamit ng nasabing portal. Kaugnay nito, iminungkahi niyang isapubliko rin sa mga social media page ng University Student Government ang komprehensibong gabay ukol sa bagong pasilidad na ito. Dagdag pa niya, maaari din itong ilakip sa mga aaraling impormasyon ng mga frosh sa kanilang oryentasyon.

Ipinaalam naman ni Marie* na kinakailangang maging mabilis ang pagtugon ng mga opisina sa mga katanungan, lalo na ang mga isyung maaaring makaapekto sa enrollment ng mga estudyante. Kaugnay nito, nais ni Lazaro na magkaroon ng organisadong sistema sa portal at gawing magkaugnay ang estadong inilalahad sa kanilang tiket sa portal at e-mail. 

“Hiling ko lang sana na matapos talaga nilang i-process yung payment slip namin ay i-update naman nila ‘yung status sa [CONCiERGE] kasi being processed pa rin [‘yung] nakalagay,” saad niya ukol sa kaniyang kinaharap na suliranin sa paggamit ng portal. Bukod pa rito, inirekomenda rin niya ang pagpapadala ng e-mail na naglalaman ng mga impormasyon ukol sa kanilang tiket kapag matagumpay na itong nairesolba ng opisina. 

Batay naman sa inilabas na anunsyo ng opisina ng vice president for administration noong Hunyo 13, nasa soft-launching na yugto pa lamang ang pagpapatupad ng CONCiERGE. Kasalukuyan ding inaalam ng Pahayagan ang mga karagdagang impormasyon at mga nakahaing plano ng mga kinauukulan ukol sa ganap na paglulunsad ng plataporma.

Samantala, sinubukan din ng APP na makapanayam si Ms. Karen Hebron, executive director for campus services, ukol sa naging proseso ng paglulunsad ng The CONCiERGE Support Portal. Subalit, wala pang natatanggap na tugon ang Pahayagan sa araw ng pagkakasulat ng artikulong ito.

*hindi tunay na pangalan