MALIKSI at matatag—ito ang mga katangiang ipinamalas ng tambalang Noel Kampton at Vince Maglinao nang sumalang sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Men’s Beach Volleyball Tournament. Sa tinagal-tagal na burado ang Green Spikers sa final four ng naturang torneo, hindi nagpatinag at taas-noong hinarap ng mga atleta ang mga katunggali matapos ibulsa ang tansong medalya at patunayang may ibubuga pa ang kalalakihan ng Taft sa paglalaro sa ibabaw ng buhangin.
Dala-dala ang kagalakan sa naging resulta ng kampanya, ibinahagi nina Kampton at Maglinao sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang kanilang saloobin ukol sa mga kinaharap na pagsubok at nakamit na parangal sa UAAP Season 84 bilang mga kinatawan ng Pamantasang De La Salle (DLSU). Bukod pa rito, inihayag ng dalawang atleta ang kanilang mga hangarin sa nalalapit na pagbubukas ng UAAP Season 85 sa Oktubre.
Inspirasyon sa karera
Lingid man sa kaalaman ng karamihan, nagkasama na sa isang koponan ang mga alas ng Taft noong nag-aaral pa lamang sila sa sekondaryang edukasyon. Bilang kinatawan ng Pilipinas, naunang nagsama sina Kampton at Maglinao noong sumalang sila sa 10th Association of Southeast Asian Nations School Games na ginanap sa Malaysia noong 2018.
Bunsod ng kanilang karanasan sa internasyonal na torneo, nagsilbi itong bentahe para sa dalawang atleta sa pagsalang sa pangkolehiyong lokal na kompetisyon na UAAP. “Alam mo ‘yun, ‘yung koneksyon namin sa isa’t isa, parang tinginan na lang namin alam na namin ‘yung gagawin,” ani Kampton.
Matatandaan ding hinirang na UAAP Season 84 Men’s Beach Volleyball Rookie of the Year si Kampton. Gayunpaman, para sa kaniya, walang kabuluhan ang kaniyang indibidwal na parangal kung hindi nanalo ang Green Spikers ng tansong medalya. “Kasi ‘yung award ko, kumbaga bonus lang ‘yan eh, ako lang makakatanggap noon. Kung bronze ‘yun, edi buong Lasallian community hawak ‘yun. Kami, teammates ko, coaches ko, may medal kami, eh ‘yung Rookie of the Year, isang trophy lang ‘yun,” wika ni Kampton.
Sa likod ng kanilang matamis na pagsikad, nagsilbing pundasyon at sandalan ng Green Spikers ang mga taong sumuporta sa kanila upang maabot ang kanilang pangarap na makatungtong sa final four ng UAAP Season 84. Buhat nito, lubos na nagpapasalamat sina Kampton at Maglinao sa kanilang pamilya, sa Office of Sports Development ng DLSU, at pamayanang Lasalyano sa walang humpay na pagsubaybay sa kanilang paglalakbay sa naturang torneo.
Ibinahagi rin ni Maglinao ang kaniyang motibasyon upang magpatuloy sa pag-eensayo at pagsalang sa UAAP bilang atletang Lasalyano. Ayon sa naturang Green Spiker, nagiging motibasyon niya ang kaniyang mga pangarap para sa sarili, suporta ng pamayanang Lasalyano, at ang kaniyang pamilya na sumusubaybay sa kaniyang mga laro.
Katatagan sa gitna ng mga pagsubok
Sa likod ng maliksing paglalaro ng tambalang Kampton at Maglinao nitong UAAP Season 84, nakaranas sila ng samu’t saring pagbabago at pagsubok sa kanilang karera. Pagbabahagi ng mga atletang Lasalyano, ang kakulangan sa panahon ng pag-eensayo para sa naturang torneo ang kanilang naging pangunahing hamon.
“One month lang kaming nag-training ng partner ko kasi ‘di naman namin inexpect na magkakaroon ng UAAP Beach Volley[ball],” paliwanag ni Kampton. Maliban dito, ibinahagi nina Maglinao at Kampton sa APP na nagsimula lamang silang maging magkakampi sa beach volleyball nitong UAAP Season 84 kaya naging hamon para sa kanilang mag-ensayo sa loob lamang nang isang buwan.
Sinubok din ng pandemya ang katatagan ng Green Spikers. Bunsod ng restriksyon na dulot ng kumakalat na sakit, nagsagawa ng bubble training ang Green Spikers upang mas mapaigting ang kanilang kemistry at laro sa UAAP Season 84 Beach Volleyball. Gayunpaman, kinakailangan nilang manatili lamang sa loob ng dormitoryo habang sinusunod ang mga tuntuning pangkalusugan. Buhat nito, tiniis ng Green Spikers na hindi makasama pansamantala ang kanilang mga pamilya habang umuusad ang mga laro sa UAAP Season 84.
Inalala rin ni Maglinao ang kaniyang mga tinahak na pagsubok tungo sa pagkamit ng tansong medalya. “Hindi madali [lahat ng pinagdaanan] coming from bottom rank na napunta kami sa bronze medal. ‘Yung pagiging malayo sa family, nasa bubble set up, at sa training na sobrang mahirap. Sobra lang talagang worth it,” pagbabahagi ng naturang Green Spiker.
Pag-abot ng mithiin
Kaabang-abang na karera sa UAAP Season 85 ang naghihintay para sa tambalang Maglinao at Kampton. Ayon kay Kampton, mas paghahandaan nila ang paparating na season ng UAAP upang mahigitan ang nakamit na tansong medalya nitong Season 84. “We will do our best para maging proud kayo [mga tagahanga at pamayanang Lasalyano] sa amin and lalaban kami para sa La Salle,” pangako ng UAAP Season 84 men’s beach volleyball Rookie of the Year.
Sa kabilang banda, hindi lamang sa ibabaw ng buhangin masasaksihan ang maaksyong laro ng Green Spikers. Hindi man napasama sa katatapos na UAAP Season 84, inihayag ni Kampton sa APP na magbabalik na ang UAAP Men’s Indoor Volleyball sa darating na Season 85. “Sa February raw po, magkakaroon na ng indoor [volleyball]. . . Iyon talaga ang pinakapinaghahandaan ko kasi ‘di naman talaga ako beach volley[ball] player eh, ang pinaka-main laro ko talaga [ay] indoor so ‘yun ang pinakamagandang abangan nating lahat,” aniya.
Asahang paghahandaan at paghuhusayan pa ng Green Spikers ang kanilang karera sa darating na UAAP Season 85 upang makamit ang inaasam-asam na gintong medalya. Gamit ang kanilang matatag na kalooban at maliksing paglalaro, tiyak na hindi lamang sa beach volleyball magpapakitang-gilas ang Taft-based squad, bagkus pati na rin sa indoor volleyball.