Uhaw sa kasiyahan ang mga kabataang dating lango sa aliw. Bunga ito ng mga ipinagkait na sandali ng nakaraang dalawang taong mistulang tumigil ang mundo. Binalot ng katahimikan ang paligid ng mga dating umiindak sa saliw ng nakabibinging tugtuging pilit itinikom ng COVID-19. Pawang liwanag ang natatanaw ng mga dating mulat sa madidilim na gimikan at nabubulag sa makukulay na ilaw na humahampas sa paningin. Nabakante na ang mga Biyernes ng gabi na dating siksik sa mga kaibigan at estrangherong nakadadaupang-palad sa sayawan. Sa paglaganap ng pandemya, napuno ng pangamba ang isip ng maraming kabataan sa takot na makaligtaan ang maliligayang saglit. Namuo rin ang pananabik sa kanilang mga puso na punan ang mga nawalang pagkakataon.
Marami sa kabataang bahagi ng Gen Z ang tumungtong sa legal na edad sa gitna ng pandemya kaya naudlot ang sandamakmak na planong dumalo sa mga kasiyahan at pagsabak sa sinasabing ‘nightlife.’ Naging kapansin-pansin din ang madalas at walang tigil na pag-party ng karamihan sa kasalukuyan upang habulin ang mga oras na lumipas. Tinawag itong “revenge party” o paghihiganti sa mga panahong ninakaw ng bantang dala ng COVID-19. Ngayong lumuluwag na ang sitwasyon sa bansa, maaalis na nga ba sa mga kabataan ang pangamba o magdudulot ba ito ng mas matinding pagkabahala bunga ng pagsisiwalat ng marami pang limitasyon sa kani-kanilang mga sarili?
Udyok ng kasiyahan
Lubos na kasiyahan ang dulot ng nakabibinging tugtugang umaanyaya sa iilan na umindak at lubusin ang kanilang kabataan. Katulad ni Patricia Joei Enriquez, isang 21 taong gulang na partygoer, isinalaysay niyang naging mahirap para sa kaniya ang mga restriksyong dulot ng pandemya. Sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP), ibinahagi niyang tila ninakawan siya ng karanasan at alaala dahil sa biglaang pagkansela ng harap-harapang klase na humantong sa pagbabawal sa mga okasyong minsan niya lamang mararanasan, gaya ng mga seremonya para sa pagtatapos at prom.
Sa higit dalawang taong pagkakulong sa apat na sulok ng kaniyang tahanan, inamin ni Enriquez na marami itong negatibong epekto sa kaniyang nakagawian sa pang-araw-araw. Umabot pa ito sa puntong hindi na niya nasisilayan ang pagsikat ng araw dahil hapon na siyang nagigising. Aniya, “Nakasasawa na nga ‘yung pareho na lang [ang] ginagawa ko araw-araw, kaya medyo nakaka-drain din.” Dahil sa nakasasakal na paghihigpit, nagkaroon ng isyu sa mental na kalusugan si Enriquez. Aniya, “[Pumapasok] na ‘yung frustration na gusto ko makita at mayakap mga kaibigan ko sa personal!” Bukod pa rito, kaniya ring inilahad na lalong nagpalala sa estado ng kaniyang mental na kalusugan ang hindi pagpunta sa mga pampublikong tagpo, gaya ng mga konsiyerto at parties.
Sa panunumbalik ng kasiglahan ng nightlife sa siyudad, hindi maitago ni Enriquez ang kaniyang pananabik na makapunta sa mga pagtitipon. Bagamat may pag-iingat, “Masaya na [nakapag-party] ako ulit kasi madami akong bagong nakilala! Pati mga taong nakilala ko sa internet, pati na rin mga schoolmates na sa screen ko lang ng computer nakikita sa buong 2 years ko sa [De La Salle University],” paglalahad niya. Naiintindihan ni Enriquez na hindi pangunahing pangangailangan ang pagpunta sa mga party, ngunit kaniya pa ring sinambit na, “Since matagal ngang restricted, [nakami-miss] talaga ito.”
Sa kabila ng kaniyang pananabik, iginiit ni Enriquez na, “Hindi naman kasi ako [‘yung] tipo ng tao na guguho [ang] mundo kapag hindi nakakalabas or nakakapag-party.” Para sa kaniya, mas matimbang pa rin ang kaniyang kaligtasan kaysa sa Fear Of Missing Out (FOMO) dahil nariyan pa rin ang takot na baka maiuwi niya ang lumalaganap na virus sa kaniyang tahanan.
Paglubog sa kulturang komparahan
Bagamat naging hadlang ang pandemya sa pakikisalamuha sa ibang tao, napunan ng teknolohiya, partikular ng social media, ang pagnanais ng mga taong ipagpatuloy ang mga nabuo nilang koneksyon sa kanilang mga minamahal. Sa kabila ng magandang dulot nito, naging rason din ito upang hikayatin ang pagkokompara ng sarili sa karangyaang ipinapamalas ng mga nakikita sa social media. Sa panayam ng APP kay Dr. Raul Gaña, isang behavior specialist, kaniyang ipinaliwanag ang implikasyon ng social media sa mental na kalusugan ng isang tao. Aniya, “‘Yung time ninyo ng mga kabataan na [mayroong] IG, may Facebook, may Twitter, [kaya] nagi-iincrease ‘yung [FOMO na] behavior kasi you keep comparing yourself with others.”
Bunsod ng patuloy na pag-usbong ng kultura ng pagkokompara, nakaapekto ito sa pamumuo ng FOMO sa isang tao. “Ito ‘yung kinatatakutan ng mga bata na sila ay mabalewala. . . minsan, [wala silang] alam sa mga nagaganap sa paligid nila. Minsan ito rin naman ‘yung kaganapan na parang hindi sila ‘in’ sa isang bagay na feeling nila dapat sila ay kasali,” pagpapaliwanag ni Gaña. Dagdag pa niya, mayroong pagkakataong nagdudulot ng FOMO ang hindi pagsali ng isang tao sa mga aktibidad. Maaari ding magdulot ng FOMO ang pagtanto ng isang indibidwal na hindi pasok sa kaniyang kakayahang pinansyal ang pakikilahok sa mga aktibidad. Para naman sa ilan na mayroong social communication disorder, nahihirapan silang ipabatid ang kagustuhang makiisa sa aktibidad ng iba.
Sa kaniyang karanasan bilang isang behavior specialist, malaki ang epekto ng pagkakaroon ng FOMO sa paraan ng pag-iisip ng tao. Ibinahagi niyang nagiging magagalitin, nawawalan ng ganang kumain o makihalubilo, at lumiliban sa klase ang ilan. Sa pagtaas ng kanilang anxiety at depression, mas kapansin-pansin din ang negatibong epekto nito sa kanilang buhay. Samantala, nabanggit niyang mayroon ding ilang pagkakataong nagiging positibo ang epekto ng FOMO, tulad na lamang ng pagtaas ng marka sa eskuwelahan at pagiging mas malapit sa mga magulang.
Kaniya ring ipinaliwanag na ang pagkakaiba sa psychological makeup ang rason sa iba’t ibang epekto ng FOMO sa bawat indibidwal. Para sa mga hindi gaanong naaapektuhan ng FOMO, mas malaki ang posibilidad na umani sila ng mga positibong epekto, habang kabaligtaran naman sa iba dahil sa impluwensiya ng biyolohikal at sosyal na salik sa kanilang paglaki. “Lagi kong sinasabi sa mga magulang [ng mga pasyente] na hindi nila ito kasalanan, bagkus, kailangan natin silang suportahan, kailangan natin silang tulungan,” paghihikayat ni Gaña.
Sa pagbalik, pananatili, at pag-usad
Tunay ngang nagsilbing salamin ang pandemya upang mapalinaw ang mga kakulangang nais punan ng bawat isa sa kani-kanilang mga buhay. Gayunpaman, payo ni Gaña sa mga kabataang nakararanas ng FOMO, “. . . Magpasalamat tayo sa kung anoman ang meron at kaya nating magkaroon.” Hindi man madaling lagpasan ang mga pangamba, huwag pa rin nating hayaang hadlangan nito ang sari-sariling abilidad na bumuo ng kasiyahan. Lalo pa’t ngayon na mayroon na tayong tyansa na muling malasing sa ligaya, magsayaw sa kumakabog na awitin, masdan ang mga nakasisilaw na dagitab, at makipagdikitang-siko muli sa mga kabarkada. Subalit gaya ni Enriquez, laging pakatandaang mag-ingat at pangibabawin pa rin ang kaligtasan ng isa’t isa kaysa sa pansamantalang ligaya. Sapagkat, kung nais nating sulitin ang ating buhay, dapat muna natin itong pahalagahan.