MAGPAPATULOY ang panunungkulan ng mga opisyal ng University Student Government (USG) ng Pamantasang De La Salle (DLSU), alinsunod sa Legislative Act No. 2022-18. Batay sa naturang dokumento, magtatagal ang kanilang termino hanggang sa unang termino ng akademikong taon 2022-2023 o sa oras na maiproklama ang mga mananalo sa susunod na General Elections.
Ipinanukala ang pagpapalawig ng kanilang termino bunsod ng pagtatanggal ng ikatlong termino at paghalili ng Summer Term para sa akademikong taon 2021-2022.
Nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) sina Vice President for Internal Affairs Britney Paderes, Vice President for External Affairs Lara Jomalesa, Executive Secretary Jewel Limjoco, Chief Legislator Francis Loja, at DLSU Commission on Elections (DLSU COMELEC) Chairperson Ram Vincent Magsalin upang alamin ang kanilang saloobin at plano hinggil sa pagpapalawig ng kanilang termino.
Pagpapatuloy ng serbisyo
Idiniin nina Paderes, Jomalesa, at Limjoco na magiging totoo pa rin sila sa kanilang pinanghahawakan na “One with the students, Together for the nation.” Ayon kay Paderes, “I have always mentioned that we will always put the students first. . . we really ensure that when students need us, we answer to them whatever their needs as well.”
Tututukan ni Paderes ang pagsulong ng mga polisiya sa nalalapit na transisyon ng Pamantasan sa face-to-face na klase. Ilan sa mga proyektong plano ng kaniyang administrasyon ang pagkakaroon ng Student Services Booth sa unang linggo ng klase, Pahiram Equipment, at Pahiram Locker. Isinusulong din ng kaniyang opisina ang pagsasagawa ng face-to-face Commencement Exercises.
Ninanais ng opisina ni Jomalesa na makapaghandog ng financial assistance para sa mga estudyanteng makikilahok sa mga lokal at internasyonal na patimpalak. Balak din niyang muling isagawa ang Filipino Youth Summit, isang conference para sa mga estudyanteng-lider upang tugunan ang mga pambansang isyu. Bukod dito, isinusulong din ng kaniyang opisina, katuwang ang ibang mga college unit ang paglulunsad ng Martial Law elective at Martial Law permanent exhibit.
Binanggit din ni Jomalesa na isa sa mga hamon na kinahaharap ng kaniyang opisina ang sunod-sunod na pagbibitiw sa puwesto ng mga opisyal. Ilan sa mga binanggit niyang rason ang pag-iiba ng kanilang priyoridad sa nalalapit na face-to-face na klase at pagtatapos ng ilang mga opisyal.
Ibinahagi naman ni Limjoco na mas naging makabuluhan ang “One with the students, Together for the nation,” dahil sa nalalapit na face-to-face na pagsasagawa ng klase. Dagdag pa rito, ipinaalam niya na magbibigay rin ng mga update ang USG sa kanilang mga opisyal na social media account upang maipabatid sa mga estudyante ang kanilang mga polisiya.
Inaasahan naman ni Limjoco na makararanas ang USG ng mga hamon sa muling pagbabalik ng mga Lasalyano sa Pamantasan at kinakailangan itong paghandaan ng USG. Aniya, “We will ensure this by providing live updates regarding our policies, proposal, and university updates to ensure transparency to the student body through our USG social media platforms.”
Ayon naman kay Loja, isinusulong ng LA ang pagbuo ng LA Vault, isang sanggunian para sa mga susunod na legislator at pagsasagawa ng Youth Legislator’s Summit, isang programang magbibigay-daan para sa mga estudyante na gumawa at makapagpasa ng mga panukalang nais nilang maisakatuparan ng USG. Bukod pa rito, isinusulong din ng LA ang pagkakaroon ng isang multi-faith room at SOGIESC Equality Policy.
Transisyon ng susunod na liderato
Ibinahagi ni Magsalin na walang pagbabago sa sistemang gagamitin ng DLSU COMELEC sa kabila ng pagpapalawig ng termino ng USG. Ipinahayag niyang hindi nakaangkla ang termino ng mga Commissioner ng DLSU COMELEC sa termino ng mga opisyal ng USG.
Pinag-aaralan din ng DLSU COMELEC ang posibilidad ng pagbabalik ng face-to-face na Debate at Miting De Avance, pati na rin ang pagboto ng pisikal bilang alternatibong pamamaraan sa pagboto. Ngunit ayon sa kaniya, nakadepende pa rin ito sa desisyon ng administrasyon ng DLSU. Isa sa mga magiging basehan din nito ang estado ng Pamantasan batay sa Learning and Work Continuity Plan na inilatag ng President’s Council sa isang Help Desk Announcement.
Bukod pa rito, binanggit din ni Magsalin na naghahanap sila ng iba pang mga paraan upang makaboto ang mga estudyanteng hindi makaboboto sa website. Isa rin sa mga tinitingnan nilang plataporma ang Google Forms at iba pang mga website na maaaring magamit ng DLSU COMELEC.
Sa kabilang dako, nais naman ni Paderes na maging maayos at mabilis ang transisyon sa susunod na liderato. Sambit niya, “Sana cleared na tayo sa mga offices natin. . . So ‘yun talaga i-e-ensure natin na hopefully talaga ma-clear tayo bago tayo mag-turnover sa next leaders para they have more time din to prepare na for their administration.” Sumang-ayon naman sina Jomalesa, Limjoco, at Loja.
Sinubukan din ng APP na makapanayam sina USG President Giorgina Escoto, Executive Treasurer Caleb Chua, at Laguna Campus President Elle Aspilla upang mas mabigyang-linaw ang mga detalye ng mga programang kanilang isasagawa para sa mga Lasalyano, subalit wala pang natatanggap na tugon ang Pahayagan mula sa kanila sa araw ng pagkakasulat ng artikulo.