ITINAMPOK sa ikapitong espesyal na sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang pagpapatupad ng Unconstitutional Materials and Statements Act of 2022 at University Student Government (USG) Code of Violations, Setyembre 14. Isinapormal din ang planong pagsasagawa ng face-to-face na sesyon matapos ianunsyo ni Chief Legislator Francis Loja ang natanggap na pahintulot mula sa Office of Student Leadership Involvement, Formation and Empowerment (SLIFE).
Paglaban para sa demokratikong prinsipyo
Itinaguyod nina Jericho Jude Quiro, FAST2018, at Aeneas DR Hernandez, EXCEL2022 at minority floor leader, ang panukalang nagpaparusa sa mga opisyal ng USG sa pagpapalaganap ng mga pahayag na taliwas sa nakasulat sa USG Constitution. “It is high time that the USG Legislative [Assembly] change in perception, one that will respect human rights and acknowledge history,” pahayag ni Quiro ukol sa kaniyang naging motibasyon sa pagsusulong nito.
Binigyang-pansin sa resolusyong ito ang pagpapalaganap ng disimpormasyon ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kaniyang isinagawang pangangampanya nitong nagdaang halalan at ang paglilinis ni Senator Imee Marcos ng kanilang pangalan. Kaugnay nito, itinuturing na taliwas sa itinataguyod na demokratikong prinsipyo ng USG at ng Pamantasan ang anumang paraan ng pagpapahayag ng suporta sa pamilyang Marcos.
Binanggit din ni Quiro na ilegal na ipinasara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang De La Salle University (DLSU) Student Council na naging dahilan sa pagkawala ng pagkakataong magluklok ng mga lider para sa pamayanang Lasalyano. Bunsod nito, maituturing na pinakamataas na uri ng pagtataksil para sa isang opisyal ng USG ang pagsuporta sa pamilyang Marcos.
“There is a need to protect the democratic rights of our students from political extremism which threatens to drown out opposing views and threatens students with harassment, red-tagging, and violence,” wika ni Quiro. Dagdag pa niya, mapatutunayan ang paglaganap ng red-tagging matapos itaguyod ni Vice President for Lasallian Mission Fritzie Ian de Vera ang DLSU Law Clinic para sa mga kasong may kaugnayan sa red-tagging ng mga Lasalyano.
Bunsod nito, itinaas ni Didi Rico ng 75th ENG, ang klaripikasyon ukol sa pagkakaiba ng isinusulong na resolusyon ni Quiro sa nakalakip sa Student Handbook ukol sa red-tagging. Tugon ni Quiro, umiiral sa buong unibersidad ang nakasaad sa Student Handbook samantalang mga opisyal ng USG lamang ang sakop ng resolusyong kaniyang isinusulong. Iba rin ang matatanggap na parusa ng isang opisyal sakaling masangkot siya sa gawaing taliwas sa konstitusyon ng USG. “There’s a difference between being punished as an undergraduate and being punished as a USG officer,” ani Quiro.
Ipinasa ang resolusyon matapos makatanggap ng botong 20 for, 0 against, at 0 abstain.
Pinalawig na pananagutan
Itinuloy naman ni Quiro ang pagpanukala ng panibagong resolusyon matapos niyang ihain ang USG Code of Penalized Acts sa ikalawang bahagi ng sesyon. Subalit, walang isinagawang pormal na presentasyon matapos niyang ipaalam sa kapulungan na kaniya nang ipinadala sa kanilang Telegram Group Chat ang nilalaman nito ilang araw bago isagawa ang sesyon.
“There exist a multitude of violations that have yet to be legislated and penalized,” panimula ni Quiro kasama ang iba pang tagapagtaguyod ng resolusyon na sina Hernandez, Alijaeh Joshua Go ng 76TH ENG, at Jansen Lecitona ng FAST2019. Matatandaang mayroon nang inaprubahan na Code of Violations noong 2021 sa pangunguna nina Bryan Reyes ng BLAZE2023 at Sophia Beltrano ng BLAZE2021. Ani Quiro, maituturing na kabiguan sa hustisya sakaling hindi magawang protektahan ng LA ang kapakanan ng mga estudyanteng Lasalyano at hindi mapanagot ang mga manlalabag.
Nakapaloob sa nasabing resolusyon ang General Provisions at Violations and Offenses and their Penalties upang magsilbing gabay sa mga opisyal ng USG at matiyak ang mga kaukulang kaparusahan na kanilang matatanggap sa bawat magagawang paglabag. Matatagpuan ang buong dokumento sa link na ito: https://drive.google.com/file/d/1U97fuc1FozBW9ByIFrB46I4ypPDv4L0i/view
Ipinasa ang resolusyon matapos makatanggap ng botong 20-0-0. Wala rin itong natanggap na anumang komento mula sa mga kinatawan ng LA.
Iba pang mga isinaayos
Inaprubahan ang buod ng mga isinagawang pagpupulong noong nakaraang termino. Unang inilatag ng Students’ Rights and Welfare Committee ang mga iniatas na buod sa kanilang komite, partikular na ang ikaapat na espesyal na sesyon, ika-12 na regular na sesyon, at ika-14 na regular na sesyon. Subalit, tanging buod para sa ikaapat na espesyal na sesyon lamang ang naaprubahan ng kapulungan dahil sa mga kulang pang detalye sa ibang nabanggit na dokumento.
Inaprubahan din ang buod para sa ikatlong espesyal na sesyon, ikawalong regular na sesyon, at ikasiyam na regular na sesyon matapos pangasiwaan ng Rules and Policies Committee. Ipinagpaliban din muna ang pagtalakay para sa buod ng ika-13 na regular na sesyon dahil sa parehong dahilan. Ipinasa rin ang buod ng ika-10 at ika-11 na regular na sesyon sa pangangasiwa ng National Affairs Committee.
Bilang pagtatapos, ipinaalam ni Loja na magsisimula na ang pagsasagawa ng face-to-face na sesyon sa susunod na linggo. Ayon sa kaniya, pinayagan na ng SLIFE ang kanilang yunit matapos bawasan ng opisina ang paghihigpit nito sa mga patakaran. Isasagawa ito sa USG Session Hall sa Br. Connon Hall. Magpapadala na lamang si Loja ng karagdagang impormasyon sakaling may kakailanganing mga kagamitan sa pagdalo.