BINIGYANG-PAGKAKATAON ang mga Lasalyanong estudyante ng Laguna mula ID 120, 121, at 122 na masilayan ang kampus at maranasan ang face-to-face na frosh welcoming sa temang “Be the Spark: Animo Adventure,” Setyembre 3. Pinangunahan ito ng College of Student Affairs (CSA) ng kampus ng Laguna sa tulong ng Lasallian Ambassadors.
Isinapubliko rin ang aktibidad sa Facebook Page ng CSA upang maiwasan ang pagtitipon at mahigpit na maipatupad ang isang metrong social distancing.
Pinangunahan nina College of Liberal Arts (CLA) Chairperson for Marketing and Communications Janah Zerina Doroteo at Laguna Campus Secretary Angel Lopez ang LPEP 2k22 Frosh Welcoming na ginanap sa Radio Lab ng Milagros V. del Rosario Building. Dinaluhan ito ng mga estudyante mula CLA, College of Science, Br. Andrew Gonzalez FSC College of Education, Gokongwei College of Engineering, at Ramon V. del Rosario College of Business.
Ibinahagi ni Vice President for Laguna Campus at Dean of the College Dr. Jonathan Dungca ang mga marapat asahan mula sa kampus ng Laguna sa mga susunod na buwan. Aniya, maraming pasilidad at imprastraktura ang nakatakdang itayo sa kampus, partikular na ang mga laboratoryong gagamitin sa pagtuturo. Ililipat na rin sa susunod na taon sa bagong gusali ang mga estudyanteng nasa antas ng kolehiyo dahil sisimulan nang gamitin ang Milagros Building para lamang sa mga estudyante ng senior high school.
Ibinida rin niyang katatanggap lamang ng kanilang opisina ng mga kagamitang kakailanganin para sa mga nabanggit na itatayong laboratoryo. Samantala, ipinaliwanag ni Associate Dean Dr. Fides del Castillo ang organizational chart para sa akademikong taong ito, partikular na ang pagkakaroon ng mga bagong program director at coordinator. Ibinahagi rin niya ang mga programa at serbisyong handog ng Pamantasan para sa mga estudyante ng Laguna tulad ng academic advising, program linkage, at lecture assistance.
Nakapokus naman sa pagpapaliwanag ng buhay estudyante ang talumpati ni Dean of Student Affairs Dr. Nelca Villarin upang bigyang-linaw ang magiging karanasan ng mga estudyante sa Laguna. “Hindi kayo nag-iisa. Your Lasallian family is here,” paalala ni Villarin.
Ipinakilala rin niya ang mga taong magiging bahagi ng kanilang buhay estudyante sa Laguna Campus. Paliwanag ni Villarin, nakasentro sa pagpapatibay ng komunidad at pagpapaunlad ng makabuluhang karanasan ng mga estudyante ang mga hakbang na kanilang isinasagawa upang patuloy na mapagbuti ang matatanggap na kalidad ng buhay estudyante ng mga Lasalyano.
Nagtapos ang programa sa Frosh Walk at Campus Tour. Dito pormal na sinalubong ang mga estudyante sa Pamantasan at hinati ang mga kolehiyo sa iba’t ibang grupo upang mapanatili ang isang metrong ligtas na distansiya. Samantala, pinasigla naman sila ng Animo Squad sa isang pagtatanghal sa Frosh Walk. Lubos ding nagpasalamat si del Castillo sa mga dumalo sa araw na iyon habang kanilang isinasagawa ang Campus Tour.