“Tagumpay.” Ito ang naging pahayag ng kasalukuyang Bise Presidente at Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon Sara Duterte nang mag-umpisa muli ang face-to-face classes nitong Agosto 22. Aniya, “Isang malaking tagumpay para sa mga kabataan[g] Pilipino ang muling pagsisimula ng in-person learning ngayong araw na ito [Agosto 22].”
Ito ay sa kabila ng samu’t saring alinlangan ng mga estudyante, guro, at mga magulang sa pagbabalik ng face-to-face na klase gayong kasalukuyan pa ring pangamba ang lumalaganap na COVID-19 at may umuusbong na naman na bagong sakit, sakuna, at panganib sa kalsada. Idagdag pa ang mga suliraning iniwan ng online na moda ng pag-aaral na hanggang ngayon ay iniinda pa rin ng iba. Isama pa ang malabong sistema ng pagpapatupad ng balik-eskwela na hanggang ngayon ay hindi pa nalilinaw gayong malawakan nang nagsimula ang klase. Hindi pa kasama sa listahan ang mga problemang kinahaharap mismo ng mga estudyante sa loob ng kanilang silid-aralan.
Inday, saang banda ba ng pagbabalik-eskwela ang sinasabi mong ‘tagumpay’?
Kung babalikan ang mahigit na dalawang taon, hindi talaga maikakaila kung gaano kalawak ang naging pinsala ng pandemyang kasalukuyan pa ring pangamba, lalong-lalo na sa sektor ng edukasyon. Hindi nito pinatawad ang anomang antas ng sistema ng edukasyon at uri ng institusyon. Maraming eskwelahan ang nagsuspinde ng mga klase at pansamantalang nagsara. Umusbong ang pagsasagawa ng online o birtuwal na klase na siyang nagbigay ng alternatibong paraan upang makapag-aral ang mga estudyante sa kabila ng pandemya at siya ring nagbigay ng samu’t saring suliranin sa ating mga mag-aaral, guro, at kani-kanilang mga pamilya.
Kabilang sa mga suliraning kanilang kinaharap at kinahaharap pa rin ay ang kawalan ng akses sa internet at kakulangan ng pondo pambili ng gadyet na dalawa sa mga pangunahing kailangan upang makadalo ang isang mag-aaral sa online na klase. Bukod pa sa mga nabanggit, naging suliranin din ang pagdausdos ng mental at pisikal na kalusugan ng mga mag-aaral at guro nang ipagpatuloy nila ang pag-aaral at pagtuturo sa kabila ng kasagsagan ng pandemya at mga nabanggit na suliranin. #PagodNaKami, #AcademicBreakNow, #AcademicEaseNow, at #LigtasNaBalikEskwela ang ilan sa maraming mga paulit-ulit na panawagan at litanya ng mga guro at mag-aaral sa social media. Ngunit sa kabila ng mga panawagang ito, patuloy pa ring nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan ang mga nakaupo sa gobyerno.
Nakagagalit isiping mas binigyang-pansin pa ang mga bagay na kung babalikan, ay hindi naman naging kapaki-pakinabang sa kahit sinong Pilipino. Kabilang dito ang pagpapasara ng ABS-CBN, pagsasabatas ng Anti-Terror Bill sa Kongreso, pagpapaganda ng Manila Baywalk Dolomite Beach, pagpapatupad ng malawakang jeepney phaseout, at marami pang iba. Pagkatapos ay bigla na lamang gugulantangin ang mga Pilipino ng malawakang anunsyo na isinusulong na ang pagbabalik-klase ng mga mag-aaral sa silid-aralan?
Hindi ka ba masyadong nabibilisan, Inday? Hindi pa nga direktang nasosolusyonan ang lahat ng mga suliranin sa ilalim ng online classes ay may panibago na namang transisyon na may kaakibat na suliranin silang kailangang kaharapin? Isinawalang-bahala pa ang banta ng kasalukuyang pandemya, unti-unting pagkalat ng monkeypox, maging ang bagyo, at mga bali-balitang panganib sa kalsada. Hindi ba naisip na kung ganito na lamang gapangin mga guro, magulang, at mag-aaral ang transisyon mula face-to-face classes to online classes sa araw-araw, ano pa kaya ang kinabukasang naghihintay sa kanila sa ilalim ng isinulong na puno ng alinlangang transisyon ng ating gobyerno?
Kahit man lang kasiguraduhan sa kung papaano ang magiging sistema ng pagbabalik-klase ay hindi naibigay. Marami pa rin ang naguguluhan sa sistema ng hybrid, blended, pure online, face-to-face, at iba pang mga termino. Maging sa susuotin ng mga mag-aaral ay marami ang naguguluhan: uniform pa rin ba ang susuotin o hindi? Ni hindi nga magkandaugaga ang mga magulang kung paano bang pagbabadyet ang gagawin dahil pamasahe pa lang ay ubos na agad ang baon ng mga bata. Idagdag pa ang bayarin sa internet kung sakaling hybrid at hindi full face-to-face ang moda ng pag-aaral ng bata. Ganito ba ang sinasabi mong tagumpay, Inday? Dahil kung susumahin, marami pang mga dapat isaalang-alang sa pagpapatupad ng ligtas na pagbabalik-eskwela.
Kaisa ako sa mga panawagan ng Rise For Education – UP Diliman na bigyang-solusyon ang krisis sa kalusugan, kabuhayan, at edukasyon ng mga mamamayan. Bigyan ng sapat na ayuda ang mga pamilyang may pinag-aaral at tiyaking may trabaho ang bawat pamilya. Siguraduhing ligtas ang mga paaralan sa pamamagitan ng paglalaan ng sapat na pondo para sa sanitasyon ng mga silid-aralan ng mga mag-aaral at mabigyan ang bawat estudyante ng hygiene kits. Tiyakin ang pagkakaroon ng edukasyong may kalidad at nakakamit ng lahat sa pamamagitan ng pagbibigay ng pangangailangan ng mga mag-aaral, pure online man, hybrid, o face-to-face. Higit sa lahat, maglatag ng demokratikong konsultasyon. Pakinggan ang hinaing ng mga guro, mag-aaral, at magulang ukol sa transisyon ng pagbabalik klase mula sa online na set up. Isali o ikonsidera sila sa pagbubuo ng mga pasya at patakaran dahil sa huli, #LigtasNaBalikEskwela ang panawagan at “tagumpay” na inaasam ng mga mamamayan, hindi #BalikEskwela lamang.