Patuloy na nakikipagsapalaran sa hamon ng buhay ang bawat manggagawang Pilipino upang maitawid ang araw-araw na kalbaryo dulot ng malalaking gastusin, lalo na sa mga pangunahing pangangailangan. Habang pabigat nang pabigat ang pasanin dulot ng pandemya at nagtataasang presyo ng mga serbisyo at bilihin, hindi rin sila makatakas sa realidad ng kawalan ng seguridad sa trabaho ang mga Pilipino.
Upang panatilihin ang produktibong aktibidad ng mga manggagawa, kritikal na tinututukan ng gobyerno ang kanilang kalagayan, partikular ang mga underemployed o mga indibidwal na may trabaho ngunit hindi sapat ang oras at kinikita. Subukan mang ikubli, tunay na iba ang pasanin ng mga underemployed na manggagawa sa pabago-bagong klima ng ekonomiya sa bansa. Pilit nilang idinadaing at pinagkakasya ang kakapusang dinadanas habang inaasam ang tunay na kapanatagan at kaginhawaan.
Timbangan ng kalidad at bilang
Pinangungunahan ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pagkalap at pagsuri ng mahahalagang datos sa sektor ng manggagawa sa bansa. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Mitch Viernes, lead ng Income and Employment Statistics Division ng PSA, siniyasat niya ang konsepto at kalagayan ng underemployment rate ng Pilipinas.
Ipinaliwanag ni Viernes na nahahati ang sektor ng manggagawa sa mga may trabaho at walang trabaho. Mula sa bilang ng mga mayroong trabaho o negosyo, nahahati muli ang populasyong ito sa isa pang sektor na binubuo ng mga underemployed na manggagawa. Sa kabila ng oras na inilalaan sa trabaho, mayroong mga pagkakataong hindi sapat ang kanilang kinikita na nagdudulot upang naisin nilang maghanap ng karagdagang trabaho para mapunan ang kanilang pangunahing pangangailangan.
Batay sa datos ng Labor Force Survey nitong Hunyo 2022, nakapagtala ang ahensya ng 46.59 na milyong Pilipino na mayroong trabaho at tinatayang umaabot sa antas na 12.6% nito ang kabilang sa underemployed. Isiniwalat ni Viernes na ito na ang pangalawa sa pinakamababang ulat ng underemployment rate simula noong Abril 2005—isang manipestasyon umano na nagpapakita ng optimistikong kalagayan sa sektor ng manggagawa.
Samantala, mula sa kabuuang bilang ng mga underemployed na manggagawa, nahahati pa rin ito sa visible at invisible na pag-uuri. Ipinaliwanag ni Viernes na kapos sa karaniwang 40 oras ng trabaho sa isang linggo ang mga visibly underemployed. Habang umaabot o nahihigitan naman ng mga invisibly underemployed ang karaniwang bilang ng oras ng trabaho, ngunit naghahangad pa rin sila ng karagdagang oras o iba pang trabaho.
Sa kabuuang pagkilatis, maoobserbahan sa nakalap na datos ang taas-babang bilang ng underemployment sa bansa. Iniugnay ni Viernes ang resultang ito sa seasonality ng ilang industriya at restriksyon sa trabaho bunsod ng COVID-19. Dagdag pa niya, mahalaga rin ang gampanin ng underemployment rate upang masuri ang kalidad ng mga trabahong mayroon sa Pilipinas.
“Actually, itong ating underemployment na indicator ‘yung magsasabi kung ang mga jobs ba na [mayroon] tayo ngayon ay may quality. . . Although tumataas ‘yung bilang ng mga may trabaho, ‘yung trabaho na nakukuha nila ay hindi talaga ‘yung gusto nila or hindi siya enough na i-sustain ‘yung mga needs nila,” pagbibigay-linaw ni Viernes.
Bagamat mahirap matiyak ang pag-asa, nanindigan si Viernes na abot-kamay ang muling pagsigla ng ekonomiya ng bansa, lalo’t muli nang bumababa ang antas ng underemployment nitong Hunyo. Tulad ng karamihang Pilipino, umaasa siyang kaakibat nito ang pag-usbong din ng mga dekalidad na trabahong sasapat sa pangangailangan ng bawat manggagawang Pilipino.
Hakbangin ng ahensya
Sa panayam ng APP kay Acting Chief Labor and Employment Officer ng Department of Labor and Employment (DOLE) Emmanuel Villanueva isiniwalat niyang ang kalagayan ng ekonomiya at job skills mismatch ang sanhi ng underemployment sa bansa. Aniya, “Kung nag-stagnant ‘yung economy like what happened to the Philippines, and in many countries in the world, talagang hindi ka makaka-create ng trabaho.”
Ipinaliwanag niyang maraming maghahanap ng trabaho at mawawalan ng trabaho dulot ng mabagal na pagsulong ng ekonomiya ng bansa. Ito aniya ang nagtutulak sa mga Pilipino upang pasukin ang kahit anong trabahong maaari silang matanggap at makapagbigay-serbisyo. Tinukoy rin ni Villanueva bilang isang salik ang pagtaas ng halaga ng mga bilihin at gastusin upang mamasukan sila sa trabahong hindi angkop sa kanilang kakayahan o tinapos na kurso.
Ibinahagi naman ni DOLE Acting Supervising Labor and Employment Officer Sean Pablico sa APP, ang mga programa na kanilang inilunsad upang lutasin ang underemployment sa bansa. Inilahad niyang bahagi ng programa ng kanilang ahensya ang pagkakaroon ng Public Employment Services Offices (PESO) na matatagpuan sa mga lokal na pamahalaan na pangunahing tumutulong sa mga manggagawang underemployed. Sa ilalim nito, naglalaan ang PESO ng career guidance at coaching, pagsusuri sa kanilang kakayahan, at pagtalakay sa nais na karera sa trabaho nang maitugma ito sa mga oportunidad na maaaring ibigay sa kanila.
Samantala, inilahad rin ni Pablico ang Public Employment Information System o ang pagkakaroon ng isang database ng aktibong manpower supply na nagbibigay ng impormasyon ukol sa mga kasanayan ng mga aplikante at mga kwalipikasyong hinahanap ng mga employer sa bansa. Bagamat sinusubukang tugunan ang malaking hamon sa sektor ng manggagawa, kinakailangan din ng ahensya ng konkretong aksyon mula sa pamahalaan. Inaasahan ni Pablico na maisasagawa ng administrasyong Marcos ang pagbibigay ng employment facilitation services at pagsasanay, pagiging digitized ng labor market information services, pagpapabuti ng social protection programs, paglikha ng resilience fund, pagiging responsive ng mga batas paggawa, at pagpapalakas ng mekanismong bipartite at tripartite.
Pasanin ng mga manggagawa
Ipinahayag naman ni Joshua Luz, isang working student, sa APP ang kaniyang pagkadismaya sa kalagayan ng pagkakaroon ng trabaho sa bansa. Aniya, nakapanghihinayang ang pagsusumikap ng mga Pilipino na hasain ang kanilang kaalaman at kakayahan, lalo na kung hindi rin naman sila nakatatanggap ng sapat na sahod.
“Bilang isang mag-aaral at malapit nang makatapos sa kursong pagiging guro, nakalulungkot na hindi ko muna ito ipagpapatuloy sa katuwirang hindi makabubuhay ang buwanang sustento ng propesyong ito [lalo na] kung ikaw ay kinokonsiderang breadwinner ng isang pamilya,” pagbabahagi ni Luz.
Batay sa kaniyang obserbasyon sa kalagayan ng bansa, naniniwala siyang nangangailangan ang Pilipinas ng gobyernong tapat sa serbisyo, malawak ang kaalaman sa ekonomiya, at lubos na nauunawaan ang pagpapatakbo sa sistema nito. Higit pa rito, inaasahan niyang matutugunan ng kasalukuyang administrasyon ang krisis sa pamamagitan ng paglikha ng mga produktibong trabaho na makapagbibigay ng sapat na sahod sa mga manggagawa—nakapagtapos man o hindi.
Sa huli, nanawagan si Luz sa administrasyong Marcos na magkaroon sana ito ng pusong may layuning tumugon sa pasaning pangmanggagawa ng mga Pilipino. Hinihiling niyang patunayan sana nitong nagkamali siya sa hindi pagsang-ayon sa kanilang ideolohiya sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na trabaho at sahod para sa lahat ng manggagawang Pilipino. Hinahangad din niyang makita na napupunta ang ibinabayad na buwis ng taumbayan sa mga makabuluhang programa at inisyatiba para sa ikabubuti ng sektor ng paggawa.
Sa unti-unting pagbubukas ng ekonomiya, nadadagdagan ang oportunidad ng mga Pilipino upang makahanap ng trabaho. Gayunpaman, hindi maikakaila na patuloy pa rin ang paghina nito dahil sa pagtaas ng bilang ng mga underemployed. Bukod sa kakarampot na sahod na natatanggap, hindi nila magamit sa angkop na trabaho ang kanilang kakayahan at natapos na edukasyon. Bagamat patuloy na kinakapos, wala silang ibang magagawa kundi magkompromiso na lamang sa kalakaran ng trabaho upang mabuhay.
Samakatuwid, nararapat lamang na magtatag ang gobyerno ng isang maagap at komprehensibong plano na tutugon sa problemang kaakibat ng underemployment sa bansa. Kinakailangan ng mga manggagawa ng progresibong polisiyang tunay na didinig sa kalbaryong pinagsusumikapan nilang lampasan sa araw-araw. Kasabay ng pagpasan nila sa hirap na magkaroon ng komportableng buhay, kinakailangang panindigan ng gobyerno ang kanilang responsibilidad na makapagbigay ng makatao at makatarungang pagtugon sa krisis. Sa huli, nakasalalay sa pangangasiwa ng gobyerno ang tungkulin na ayusin ang sistemang patuloy na nagpapasakit sa mga manggagawang Pilipino.