Pinagsamang pagod at puyat mula sa mga pang-akademikong gawain at pagbiyahe papunta’t pauwi ng eskuwelahan ang kalbaryong kinahaharap ng mga estudyanteng gumagamit ng pampublikong transportasyon. Mistulang isang ekspedisyon at sagupaan ang araw-araw na larga dahil tanaw rito ang maiitim na usok at hanging nagdadala ng maruruming alikabok na direktang sasampal sa mga mukha’t kakapit sa kanilang mga suot. Tanaw rin ang kumpulan ng mga taong hindi alintana ang sakit ng tuhod sa paghihintay ng masasakyan patungo sa kani-kanilang mga lakad habang bitbit ang sama ng loob at pawis na unti-unting lumalapot. Ramdam sa loob ng transportasyong ito ang halo-halong amoy at distansyang mas maliit pa sa isang pulgada. Nagtitiis sa siksikan, tulakan, at walang kasiguraduhan ang lahat sa maaaring mangyaring krimen o panganib na nakaamba.
Sa unti-unting paglipas ng pandemya, mararanasang muli ang isang ekspedisyong papunta sa lugar ng pagkatuto at karanasang nakapapanibago. Sa kabila nito, nananatili pa rin ang tanong ng nakararami: Isa nga ba itong kapana-panabik na tagpo o sakit lamang sa ulo?
Tagpo sa mapanghamong sasakyang pampubliko
Nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel si Justine Rose Garcia, isang mag-aaral mula sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas sa Sta. Mesa, Maynila at ibinahagi niya ang kaniyang karanasan bilang isang estudyanteng komyuter. Ayon sa kaniyang salaysay, simula noong nasa ikapitong baitang pa siya nagsimulang matuto magkomyut. Aniya, “Noong pumapasok pa ako nung time [na] face-to-face pa, sobrang nakakatulong talaga, ‘yung public transportation papunta at pauwi galing school kasi syempre, mura lang ang bayad kada isa, lalo na’t may student discount pa pag sasabihin mong estudyante ka.”
Isa si Garcia sa mga estudyanteng nakadepende sa pampublikong transportasyon. Noon pa man, malimit na niyang nakikita ang pangangailangan ng pagbabago sa sistema nito, sapagkat may mga panahong mistulang bangungot para sa kaniya at sa kaniyang mga nakasasabay ang pangkalahatang kalagayan nito. “. . . Masasabi kong parang kulang at limitado talaga [ang pampublikong transportasyon] dahil andami kong nakakasabay na naghihintay, pero wala pa ring masakyan kahit marami na ang dumaang bus, jeep o taxi.” Kaakibat ng pagbabalik ng face-to-face classes ang muling pagharap sa sitwasyon ng lansangang susubukin ang pasensya ng isang mag-aaral. Aniya, “Mahirap para sa mga estudyanteng katulad ko kung ganito pa rin ang hamon na tatahakin namin bawat araw.”
Matagal nang nananawagan ang madla para sa mas maginhawang sistema ng pampublikong transportasyon. Kung gagawing halimbawa ang Metro Manila, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority noong taong 2020, isa ito sa mga lugar sa Pilipinas na mayroong pinakamataas na densidad ng populasyon; naitala na may tinatayang 21,765 katao kada kilometro kwadrado ang rehiyon. Sa gayon, pinaiigting nito ang pangangailangan ng pagpapabuti ng kalagayan ng pampublikong transportasyon upang mabawasan ang kalunos-lunos na sitwasyon ng trapiko sa bansa.
Sa muling pagtapak sa pamantasan
Nangangalay na mga binti, pawis na tumatagaktak, at mga katawang sabay-sabay na gumegewang habang siksikang nakatayo sa loob ng umaandar na bus. Wala pa sa eskwelahan ngunit masakit na ang mga kasu-kasuan, at halos maubos na ang enerhiyang dapat gagamitin sa pag-aaral. Para kay Garcia, tila walang positibong epekto ang paggamit ng pampublikong transportasyon sa kaniyang estadong pang-akademiko. Paliwanag niya, “Sobrang nakakapagod sumakay lalo na kung rush hour na, makikipagsiksikan at makikipagbalyahan ka pa sa ibang mga tao. . . Kung maagang-maaga naman pumasok, tapos kulang pa tulog mo, parang lantang gulay ka rin sa klase at hindi active ang isip.”
Halos walang kawala ang mga estudyante sa perwisyong dala ng paggamit ng pampublikong transportasyon sa bansa, at sa nalalapit na pasukan, mukhang ganito pa rin ang sitwasyong kahaharapin nila. Bukod sa tumataas na pamasahe, pati na rin ang mabigat na daloy ng trapiko, nasa ilalim pa rin ng pandemya ang bansa, kaya naman limitado pa rin ang person-to-person contact—hangga’t maaari, iniiwasan ang pagpupuno ng mga dyip, ang pagsisiksikan sa pila, at ang pagtatayuan sa mga bus. Sari-sariling diskarte tuloy ang isinasagawa ng mga estudyante upang masolusyonan ang mga limitasyong ito; nariyan ang paggising nang napakaaga para hindi makipagsiksikan habang rush hour, pagrenta ng condominium o apartment malapit sa pamantasang pinapasukan, at para kay Garcia, “[Mag-book] ng Angkas or Joyride, alin man ang available basta makasakay.”
Bukod sa kaginhawaang hindi natatamasa sa paggamit ng pampublikong transportasyon, marapat ding bigyang-pansin ang seguridad at kaligtasan ng mga komyuter. Hindi na bago ang kuwento ng mga mag-aaral na na-holdup habang binabaybay ang kalsada sa dilim, hindi na bago ang kuwento ng mga estudyanteng walang ibang nagawa kundi matulala nang mahablutan ng selpon habang nakasakay sa dyip, at lalong hindi na rin bago ang kuwento ng mga komyuter na nakararanas ng pamomolestiya habang sakay ng pampublikong sasakyan. Isa si Garcia sa mga naging biktima ng panghihipo. Paglalahad niya, “Naka-uniform naman ako at lahat, pero may lalaki pa ring tumabi sa akin para pagnasaan ako.”
Kisapmatang pag-asa sa pampublikong pasada
Sa paglipas ng dalawang taong pandemya, maraming nabago at may ilang sitwasyong lumala. Kasama na rito ang pampublikong transportasyong dagdag sakit sa ulo ng mga estudyanteng gustong kumawala sa bulok na sistema. Maayos na transportasyon, sapat na pasilidad, mas mabilis na daloy ng trapiko, at ligtas na biyahe ang hiling ng mga estudyanteng hindi magkamayaw sa pag-iintay sa kalsada.
Lumubog na ang araw at natapos na ang klase. Bagong kaalaman at karanasan nanaman ang natamo ng mga estudyante. Dumilim man ang paligid, tanaw pa rin ang nakabubulag na ilaw mula sa mga pampublikong sasakyang hindi magkamayaw sa pagkuha’t paghatid ng mga pasahero sa kalye. May konduktor at barker na humihiyaw, may mga businang nakaririnding tila sumisigaw. Sa bawat isang bababa, tatlo o higit pang katao ang sasakay. Papara, kakaway, at unti-unting sumisikip habang nakararamdam ng init at ngalay. Kung makikita, nababalot ng iba’t ibang emosyon ang kanilang mga mata—may mga dilat na tila walang pagod na iniinda at mga matang nauna nang pumikit upang bumawi ng enerhiya. Tumatakbo ang oras, tumatagal at dumarami na rin ang abala. Sa kanilang pag-uwi, imbes na magpahinga, nag-iintay na proyekto at mga takda ang bubungad pa sa kanila. Tunay na nakapapagod, ngunit ito ang pang-araw-araw na buhay na kanilang iniinda.
Pilipinas, kailan ba matatapos ang krusada sa kalsada?