Nagsisilbing pundasyon ang edukasyon hindi lamang sa pang-akademiyang larangan, subalit pati na rin sa pang-araw-araw na buhay. Nagsisilbi itong tagapaghubog ng pagkatao at identidad at nagmumulat ukol sa iba’t ibang isyung panlipunan. Kaya naman, marapat lamang na masiguro na malalim at dekalidad ang edukasyong nakukuha ng bawat kabataang Pilipino.
Nitong Agosto 22, muli nang binuksan ang mga paaralan para sa unti-unting pagsisimula ng face-to-face na klase para sa mga nasa primarya at sekondaryang edukasyon. Sinalubong ito ng iba’t ibang reaksyon, subalit nakapanlulumong isa rin ang kakulangan sa mga gamit at pasilidad ang sumalubong sa mga estudyante. Sa loob ng mahigit dalawang taon na pagsasagawa ng online learning, hindi lihim na naapektuhan ang pagkatuto ng bawat isa. At ngayon, sa pagbabalik ng face-to-face na klase, nagsisilbing pag-asa sana ito para masiguro ang tunay na pagkatuto ng bawat estudyante. Gayunpaman, napapawi ang pag-asang ito ng realidad na napakarami pa ring problema sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas na hindi pa rin pinagtutuunan ng pansin.
Nanguna sa mga suliraning ito ang tinatawag na learning poverty o sitwasyon kung saan hindi nakababasa o nakaiintindi ng simpleng konteksto ang isang batang nasa sampung taong gulang. Ayon sa tala ng World Bank (WB), isa ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamataas na porsiyento ng learning poverty sa Silangang Asya at rehiyong Pasipiko. Pumalo sa 90.9% ang learning poverty sa bansa. Ibig-sabihin, siyam sa sampung mag-aaral ang nahihirapang bumasa at umintindi. Kung ikokompara sa mga karatig-bansa, mas mataas ng 56.4% ang antas ng kahirapan sa pagkatuto—higit sa doble ito sa average na rehiyonal na pagkatuto na nasa 34.5%. Dagdag pa nito, ayon din sa WB, isa sa mga dahilan nito ang mababang pondong inilalaan ng pamahalaan sa sektor ng edukasyon na nagbubunsod ng kakulangan sa kagamitan upang mas matuto ang mga bata. Bukod pa rito, isa rin sa mga nakaaapekto sa mababang antas ng pagkatuto ang balikong sistemang pang-edukasyon na umiiral sa bansa—mabigat na bagahe ang dala ng mga guro dahil hindi lamang pagtuturo ang kanilang inaatupag, kundi mga iba pang trabahong pang-administrador.
Sa mga nabanggit, malaking hudyat na ito na kinakailangang lubos na pagtuunan nang pansin ang sektor ng edukasyon sa bansa, lalo na sa primaryang edukasyon o ang basic education dahil ito ang tumatayong pundasyon ng isang mamamayang kabataan. Nananagawan ang Ang Pahayagang Plaridel sa bagong administrasyon, lalo na kay Bise Presidente at Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon Sara Duterte na bigyang-priyoridad ang edukasyon sa bansa, maglaan ng sapat na pondo, at higit sa lahat, maglatag ng konkreto at nagkakaisang plano upang maitaas muli ang antas ng pagkatuto. Huwag na sanang magpanukala ng mga batas na papabor lamang sa interes ng mga nasa kapangyarihan dahil mananatiling lugmok ang bansa kung iilan lamang ang nakaangat.
Tandaang isang karapatan ang edukasyon at hindi isang pribilehiyo. Tandaang nag-aaral ang lahat hindi upang makapagtapos lamang at maging bahagi ng lakas-paggawa. Nag-aaral ang kabataan upang linangin ang kanilang kakayahan, pagyabungin ang kanilang hiraya, at marahuyo sa mundo ng kaalaman. Hindi pawang mga numero ang nabanggit, kundi mga kinabukasang nakataya para sa kabataang Pilipino at bansang Pilipinas.