SOLIDONG SINELYUHAN ng EcoOil-De La Salle University (DLSU) Green Archers ang panalo kontra Marinerong Pilipino Skippers, 91-78, sa PBA D-League Aspirants’ Cup 2022 finals, Agosto 31, sa Smart Araneta Coliseum.
Tangan ang perpektong tangka sa free throws at 41% efficiency sa loob ng arko, nagsilbing tanglaw si Schonny Winston sa kalalakihan ng DLSU laban sa mga gutom na katunggali. Buhat nito, matagumpay na nakapagsalaksak ang naturang scoring machine ng 16 na puntos at limang assist.
Kapit-bisig namang umalalay ang tambalang Mark Nonoy at Mike Phillips kay Winston matapos kumana ng umaatikabong tig-15 puntos. Kasabay nito, matatag na suporta ang inialay ni Kevin Quiambao sa koponan tangan ang kaniyang pitong assist at anim na puntos. Hindi rin nagpahuli ang makapangyarihang alas ng DLSU na si Evan Nelle matapos sumibat ng 13 puntos at limang assist.
Sa kabilang banda, pinangunahan ng nagbabagang laro ng conference Most Valuable Player Juan Gomez De Liaño ang kampanya ng Marinerong Pilipino matapos makapagtala ng 30 puntos, anim na rebound, at tatlong assist. Nagpakitang-gilas din sa pakikipagbakbakan sina Adrian Nocum at Arvin Gamboa matapos lumista ng pinagsamang 30 puntos at apat na assist.
Bumulaga ang bagsik ni Winston sa unang kwarter matapos pumukol ng dalawang swak na free throw, 2-0. Bunsod naman ng turnover ng Marinerong Pilipino, hindi nag-alinlangan si M. Phillips na magsalaksak ng drive at tumudla ng tres, 6-4.
Dikdikang sagupaan at sumbatan ng puntos ang natunghayan sa halfway mark ng yugto sa pangunguna nina Evan Nelle at Gamboa, 11-7. Nagtuloy-tuloy man ang pagragasa ng Green at White squad, nagpakawala naman sina De Liaño at Soberano ng maliliksing perimeter shot upang idikit ang talaan sa apat, 23-19.
Agaw-eksena ang ipinakitang gigil at listo ni Nonoy matapos niyang dominahin ang ikalawang kwarter. Sa katunayan, nagmula sa naturang yugto ang kaniyang makapanindig-balahibong siyam na puntos mula sa kaniyang kabuuang 15 iskor. Kaugnay nito, pinaralisa ni Nonoy ang naghihingalong depensa ng Skippers matapos sumibat ng sunod-sunod na tres na nagsilbing susi sa 8-0 run ng kaniyang koponan, 34-22.
Maangas na paghihiganti naman ang ikinasa ng Marinerong Pilipino matapos pumundar ng kagila-gilalas na 7-0 run upang ibaba ang kalamangan ng DLSU. Gayunpaman, agad rumesbak ang tambalang Nelle at Ben Phillips upang gisingin ang diwa ng DLSU matapos nilang magpaulan ng sunod-sunod na tres, 45-33. Sa huli, hindi na nakaalpas pa mula sa lusak ang kampanya ng Skippers sa unang kalahati ng sagupaan, 51-36.
Bumulaga naman sa ikatlong kwarter ang buzzer beater shot ni Kemark Cariño, 51-38. Sa pagpatak ng nine-minute mark, pinatawan si Jolo Go ng flagrant foul penalty 2 dahilan upang mabawasan ng key players ang Marinerong Pilipino. Buhat nito, nagsilbing bentahe para sa Green Archers ang pag-alis ni Go sa kort matapos nilang magtala ng 7-0 run sa pangunguna nina Nelle, Winston, at B. Phillips.
Umahon naman si De Liaño mula sa lumulubog na kampanya ng mga Marinero nang makapukol siya ng isang fastbreak shot na may kasama pang foul, 57-41. Gayunpaman, nagpaulan ng magkakasunod na dos ang DLSU bilang tugon sa nagbabantang clutch plays ni De Liaño, 66-46. Sinubukan mang makabawi ng Skippers mula sa mga turnover at free throw ng DLSU, hindi naman nagpaawat si Nonoy matapos magpaulan ng tres at umarangkada sa ilalim ng rim, 74-57.
Bibit ang kompiyansang tuldukan ang bakbakan pabor sa kaniyang panig, lumagablab ang mga galamay ni CJ Austria sa huling kwarter upang pangunahan ang kampanya ng Green Archers. Tangan ang nasamsam na walong puntos, tuluyan nang sinalanta ng dekalibreng atleta ang pag-asa ng Skippers na makalamang para sa kampeonato.
Sinubukan namang kumapit ng Skippers matapos bumulusok si MVP De Liaño mula sa kaniyang dalawang tirada sa labas ng arko, 77-65. Tila ayaw ring bumitaw ni Nocum nang sagutin ang matatag na momentum ng DLSU.
Gayunpaman, hindi na nagpatumpik-tumpik pa sina Austria, Winston, at Bright Nwankwo na selyuhan ang laban mula sa kanilang mga pangwakas na puntos. Bunsod nito, waging mapasakamay ng DLSU ang gintong medalya matapos tuldukan ang serye sa iskor na 91-78.
Determinasyon, tapang, at kompiyansa sa sarili ang naging sandata ni Nonoy at ng kaniyang mga kakampi upang selyuhan ang kanilang karera sa torneo bilang kampeon. “Nandoon ‘yung gigil namin sa game three kasi gustong-gusto namin mag-champion dito sa D-League,” giit ng UAAP Season 82 Rookie of the Year.
Bagamat dumulas sa kanilang mga palad ang kampeonato sa Filoil EcoOil 15th Preseason Cup, buong pusong pinatunayan ng DLSU Green Archers na kaya nitong pumuslit ng gintong medalya sa PBA D-League. Dumausdos man sa naturang laban, nasungkit naman ng Marinerong Pilipino ang pilak na medalya sa torneo.
Mga Iskor:
DLSU: Winston 16, Nonoy 15, M. Phillips 15, Nelle 13, Austria 8, Manuel 7, Quiambao 6, Nwankwo 6, B. Phillips 5.
Marinerong Pilipino: Gomez De Liano 30, Nocum 18, Gamboa 12, Soberano 7, Manlangit 5, Pido 2, Go 2, Cariño 2.
Quarterscores: 25-19, 51-36, 74-57, 91-78