Tagisan ng mga taga-Taft: DLSU Green Archers, inungusan ang CSB Blazers tungo sa semifinals!

Kuha ni Monique Arevalo

ITINUDLA ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang De La Salle College of St. Benilde (CSB) Blazers, 83-74, sa FilOil EcoOil 15th Preseason Cup quarterfinals, Agosto 23, sa FilOil EcoOil Center, San Juan City.

Nagpakitang-gilas para sa Green Archers si Kevin Quiambao bitbit ang 18 puntos, limang rebound, at pitong assist. Katuwang naman niya sa pagpuntos si Mike Phillips na nakapag-ambag ng sampung puntos at walong rebounds.

Bumida naman para sa Blazers si Will Allen Gozum matapos tumikada ng 26 na puntos, sampung rebound, at isang block. Katulong niya sa pagbitaw ng puntos si Miguel Ives Corteza bitbit ang 14 na puntos, pitong rebound, at dalawang block. 

Sa pagbukas ng unang kwarter, agad tumambad ang nagngangalit na opensa nina M. Phillips at Schonny Winston sa loob ng arko, 6-5. Sinundan naman ito nang swak na swak na 6-0 run ng CSB sa pangunguna ng tres ni Miguel Oczon, 6-11.

Matapos ang halfway mark huddle ng DLSU Green Archers head coach Derrick Pumaren, tila umayon ang ihip ng hangin sa kanilang panig simula sa pagpapamalas ng one hander ni Raven Cortez, 8-11. Pinalasap naman ng Green Archers sa Blazers ang kanilang hagupit matapos ang sunod-sunod na tres nina Quiambao, Mark Nonoy, at Cortez, 17-13.

Sa pagbubukas ng ikalawang kwarter, agresibong rinesbakan ni Joaqui Manuel ang pag-iskor ng katunggali matapos magpakawala ng atake mula sa three-point line, 20-15. Sunod na lumikha ng ingay ang pag-dunk ni Quiambao mula sa mabilis na pasa ni CJ Austria, 24-15. Tila napundi pa ang apoy ng Blazers matapos lomobo sa 11 ang kalamangan ng Green Archers sa unang limang minuto ng yugto. 

Nagtuloy-tuloy pa ang opensa ng Green Archers sa pamamagitan ng swabeng layup ni Nonoy, 26-15. Para sa depensa, naging pisikal ang sagupaan ng dalawang panig dulot ng dikitang pagbakod ng Blazers kina Manuel at Quiambao. Bagamat unti-unting pumapalag sina Mark Sangco at Corteza, hindi natigil ang pag-abante ng Green Archers nang humirit pa sa ilalim si Aaron Buensalida upang tuldukan ang ikalawang kwarter, 42-28.

Namayani naman ang perimeter shots ng Phillips brothers sa pagbubukas ng ikatlong yugto, 46-30. Binawi man agad sa three-point line ng Blazers, hindi alintana ni M. Phillips ang depensa ng katunggali nang magsalaksak ng dos sa ilalim ng rim, 48-35. 

Tila naging maalat ang pag-ukit ng puntos ng Green Archers nang maglipana ang mga turnover at foul. Naging oportunidad ito upang umalagwa ang CSB at ibaba ang bentahe sa dalawa, 52-50. Hindi naman nagpatinag ang Green Archers matapos maglista ng power plays mula kina Nonoy, Quiambao, at Austria, 58-52. Bago matapos ang ikatlong kwarter, nakapuslit pa ng scoop shot at wing shot sina Quiambao at Austria, 66-61.

Sunod-sunod na nagpakawala ng atake sina Buensalida at Nonoy upang palayuin ang kampanya ng Green Archers, 70-61. Kasunod nito, nabuhayan ang Blazers matapos magpaulan ng dalawang tres si Robi Nayve bago sumapit ang five minute mark, 70-67. 

Bagamat tagumpay ang Blazers na paliitin ang kalamangan ng Green Archers sa apat, nagparamdam sina Evan Nelle at Quiambao mula sa perimeter line, 78-70. Hindi pa nagpaawat si Winston matapos magpakitang-gilas sa three point line sa huling dalawang minuto ng yugto, 81-71. Sa huli, napaangat pa ni Nelle ang kalamangan ng Green Archers mula sa kaniyang dalawang free throw, 83-71.

Sa post-game interview ni coach Pumaren, aminado siyang hindi naging maaliwalas ang naging laro ng Green Archers. “Medyo naging off ‘yung game namin kanina from the start,” aniya. 

Bukod dito, sa pagkakaroon ng sunod-sunod na laro ng Green Archers sa PBA D-League at FilOil, ibinahagi ni coach Pumaren ang kaniyang saloobin ukol dito. Aniya, “Hindi madali pero we try to balance their time.”

Abangan ang susunod na laban ng DLSU Green Archers para sa semifinal ng torneo sa Huwebes, Agosto 25.


Mga Iskor:

DLSU 83: Quiambao 18, M. Phillips 10, Nonoy 9, Cortez 9, Manuel 8, Austria 8, Buensalida 6, Winston 5, Macalalag 4, Nelle 4, B. Phillips 2

CSB 74: Gozum 26, Corteza 14, Carlos 9, Pasturan 9, Nayve 8, Oczon 6, Sangco 2

Quarterscores: 17-13, 42-28, 66-61, 83-74