KINAPOS ang EcoOil-De La Salle University (DLSU) Green Archers na patumbahin ang Marinerong Pilipino Skippers, 67-72, sa kanilang unang paghaharap sa finals ng PBA D-League Aspirants’ Cup 2022, Agosto 21, sa Smart Araneta Coliseum.
Nanguna para sa Taft-based squad si Schonny Winston bitbit ang 21 puntos, dalawang rebound, at isang assist. Katuwang naman niya sa pagpuntos si CJ Austria matapos makapaglista ng 15 puntos, isang rebound, at isang assist.
Binitbit naman ni Adrian Clarence Nocum ang solidong laro ng Marinerong Pilipino Skippers matapos magtala ng 22 puntos, limang rebound, at tatlong assist. Katulong naman ng atleta sa pagkapanalo sina Jollo Go at Arvin Gamboa na nagpakawala ng pinagsamang 29 na puntos.
Agarang sumiklab sa pagbubukas ng unang kwarter ang opensa ng Marinerong Pilipino. Umarangkada para sa Skippers si Nocum matapos ipasok ang kaniyang tirada sa paint, 0-2. Nagpamalas din ng matitinik na tres ang dating Green Archer na si Jolo Go, 3-8.
Gayunpaman, hindi natinag ang Taft mainstays matapos bumulusok ni Mike Phillips sa ilalim at magpakawala si Winston ng nagbabagang tres para itabla ang bakbakan, 8-all. Sa kabila nito, humagupit ang Skippers ng 8-0 run upang makalayo sa talaan ng Green Archers, 8-16. Mahigpit na depensa at fast plays ang mga naging armas ng Marinerong Pilipino sa umaatikabong scoring run.
Bukod pa rito, nagkaroon ng foul trouble ang DLSU na sinamantala ng Skippers upang patuloy na mamayagpag sa pagpuntos. Bagamat nanigas ang opensa ng koponang Green and White, natunaw ito matapos lumiyab si Winston mula sa kaniyang nakamamanghang layup, 10-16.
Hindi rin nagpaawat ang motor ng DLSU nang gulatin ni M. Phillips ang buong arena sa kaniyang malahalimaw na highlight dunk, 12-18. Gayunpaman, muling nagparamdam ang dating Green Archer Go matapos ipasok ang mainit na buzzer beater three-pointer para sa Skippers, 12-21.
Matapos ang dalawang minutong alat ang magkabilang koponan sa pagpuntos, tila binasag ni Jeric Pido ang katahimikan sa ikalawang yugto matapos makapukol ng puntos sa loob ng arko, 12-24. Dahil sa tinamong injury ni Bright Nwankwo sa kanilang nakaraang laro kontra Colegio de San Juan de Letran, tila nahirapan pumoste ng puntos ang kalalakihan ng Taft nang bigong makapaglista ng puntos sa halfway mark ng naturang yugto.
Sinubukan mang palapitin ni Penny Estacio ang kargada ng Green Archers mula sa kaniyang nagbabagang tres, dali-dali naman itong binawi ng Skippers, 15-27. Nagkapagtala man ng dalawang magkasunod na offensive foul sina Arvin Gamboa at Kemark Cariño, mainit na nagpatuloy ang momentum ng Marinero matapos malusutan ni Nocum ang depensa ng Green Archers mula sa kaniyang fastbreak layup. Umukit man ng puntos si Austria sa ilalim ng rim, malayang nakaalpas si Nocum ng dos upang tapusin ang kwarter, 23-33.
Binigyang-buhay naman ni Winston ang paghahabol ng Green Archers matapos makapaglista ng 11 puntos sa ikatlong kwarter ng laro. Hindi rin nagpatinag si Gilas forward Quiambao matapos angasan ang kalaban sa kaniyang malahalimaw na dunk, 40-45.
Tinangka man nina Nocum, Warren Bonifacio, at Juan Gomez De Liaño ng Skippers na panatilihin ang pabor sa kanilang kampo, nanaig ang sunod-sunod na tirada nina Winston at Quiambao upang makamit ang unang kalamangan ng Green Archers sa buong laro, 52-51.
Dikdikan naman ang naging tema ng laban pagpasok sa ikaapat na kwarter. Matinding depensa ang ipinamalas ng dalawang koponan na naging susi upang mapigilang makapuntos ang isa’t isa. Gayunpaman, nakaisip ng paraan si Pido para sa Skippers matapos ipasok ang kaniyang tirada sa loob ng arko, 52-53.
Tila nabasag pa ang depensa ng Skippers nang ipinamalas ni Gilas standout Quiambao ang kaniyang bagsik sa loob matapos araruhin ang paint, 54-56. Sinundan pa ito ng pagbulusok ni Austria sa layup upang itabla ang bakbakan, 56-all.
Hindi naman nagpadaig si Austria matapos sagutin ang tirada nina Bonifacio at Gomez De Liaño sa loob ng arko, 60-all. Bigla namang nabuhayan ng diwa ang dating Fighting Maroon Gomez De Liaño nang ipasok ang mala-dagger na layup, 64-68.
Gayunpaman, hindi sumuko si Nelle matapos ipasok ang kaniyang makapigil-hiningang tirada sa labas ng arko, 67-68. Sa hulu, sinelyuhan ni Nocum ang panalo para sa Skippers matapos ipasok ang kaniyang dalawang free throw, 67-72.
Subaybayan ang muling pagtutuos ng DLSU Green Archers at Marinerong Pilipino sa ikalawang laban sa best-of-three finals ng PBA D-League sa darating na Huwebes, Agosto 24, sa ganap na ika-12 ng tanghali.
Mga iskor:
DLSU 67: Winston 21, Austria 15, Quiambao 9, Nelle 8, M. Phillips 7, Estacio 4, B. Phillips 3
Marinerong Pilipino 72: Nocum 22, Go 15, Gamboa 14, De Liano 9, Bonifacio 5, Pido 4, Manlangit 3
Quarterscores: 12-21, 23-33, 52-51, 67-72