Ika nga ng isang kasabihan—sa lupa nagmula ang buhay, at sa lupa rin magbabalik, subalit paano magsisimula ang lahat kung lupa mismo ang patuloy na ipinagkakait? Para sa isang magsasaka, lupa ang batayan kung may buhay pang naghihintay sa susunod na umaga. Kasabay ng pag-iral ng hangin, kailangan nila ang lupa sa bawat paghinga.
Isa lamang ang kawalan ng lupa sa mga umiigting na krisis sa hanay ng mga magsasakang Pilipino. Humahantong ito sa pagkabaon nila sa utang dahil sa mataas na renta at kakarampot na kita. Kung walang lupa, wala ring kalayaan—patuloy lamang na nakatali ang kanilang mga paa sa kamay ng mga panginoong may lupa. Magtatanim ng binhi, aalagaan nang ilang buwan, at sa oras ng anihan, mas makikinabang pa rin ang mga nasa kapangyarihan. Sila itong naglilikha ng ihahain sa hapag, ngunit sila rin itong salat sa ipanlalaman sa kanilang sariling sikmura.
Hanggang ngayon, laganap ang opresyon sa mga magsasaka at sinomang lumalaban para sa kanilang karapatan. Subalit lumalala man ang pang-aapi at panggigipit, patuloy rin ang mga progresibong grupo, katulad ng National Network of Agrarian Reform Advocates Youth (NNARA-Youth) upang itambol at iparinig ang panawagan ng mga magsasaka at tumugon sa kanilang mga pangangailangan.
Musika para kay Karina at mga magsasakang Pilipino
Idinaos nitong Agosto 14 sa Jess & Pat’s Maginhawa, Quezon City ang Kahilwayan, isang benefit concert na tumutugon sa pangangailangang-pinansyal ni Karina Dela Cerna, isang politikal na bilanggo, at ng mga magsasaka ng San Jose Del Monte, Bulacan (SJDM). Pinangunahan ito ng NNARA-Youth, isang pambansang organisasyong nagsusulong ng tunay na reporma sa lupa. Maingay at masaya ang naging pagtitipon sa pangunguna ng mga artista at banda, tulad nila Alfonso Manalastas, One Take Pit, ACT!, BP combo, Sinangag, Plagpul, Nicole Joslin, Krit, at Rural Women Advocates upang ipakita ang kanilang pakikiisa sa layunin ng nasabing konsiyerto.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Melo Cabello, pambansang tagapagsalita ng NNARA-Youth, inilahad niya ang ilang dahilan sa pagpili sa pangunahing benepisyaryo ng Kahilwayan. Nagbunsod ito ng direkta nilang pagtulong kay Dela Cerna bilang deputy secretary general ng kanilang organisasyon. Isa si Dela Cerna sa mga politikal na ibinalanggo matapos ang isang raid sa Negros noong Oktubre 2019. Aniya, “Isa sa mga ni-raid ‘yung opisina ng Bayan Muna kung saan nagtatanghal o nagpa-praktis para sa kultural na pagtatanghal si Karina at ‘yung kaniyang cultural group na part ng NNARA-Youth.” Sa kasamaang palad, nananatiling nakakulong si Dela Cerna.
Ikalawang benepisyaryo ng konsiyerto ang mga magsasaka sa San Jose Del Monte, Bulacan na napipintong mapalayas sa kanilang mga lupang sakahan dahil sa pangangamkam ng lupa at mga imprastrakturang pinaplanong itayo rito. Pagdidiin ni Cabello, “Ang mga magsasaka sa SJDM ay wala pa ring sariling lupa, kaya naman pinagbigkis namin dito sa event ang panawagan ng mga peasant advocates at mga magsasaka dahil ultimately ang panawagan ng sambayanang Pilipino ay iisa lang din naman.”
Paghawan ng pamahalaan sa mga magsasaka
Inilarawan ni Sita*, isang magsasaka mula sa San Jose Del Monte, Bulacan, sa APP ang kalupitan ng gobyerno laban sa kanilang hanay. Kapalit ng pagmamalabis ng pamahalaan ang pagsasakatuparan ng mga naggagarbuhang mga Public-Private Partnership (PPP) project. Aniya, malaking epekto ang dulot ng mga proyektong ito sa kanilang kabuhayan. Pinalalayas umano sila ng pamahalaan sa kanilang lupang binubungkalan upang tayuan ito ng mga imprastraktura, gaya ng MRT. Bunsod nito, halos mawalan na sila ng kabuhayan dulot ng pangangamkam ng lupa ng pribadong sektor na may pahintulot ng pamahalaan. Ikinuwento niya na kahit magpunta sila sa mga nararapat na awtoridad, gaya ng korte, hindi rin sila napakikinggan dito at bagkus, halos katulong din sila ng mga panginoong may-lupa.
Bukod sa mistulang pagnakaw sa kanilang kabuhayan, inilahad din niya ang pagmamalabis ng mga awtoridad upang paalisin sila sa kanilang lupang sinasakahan. Paglalahad niya, noong Enero 28, walang awang pinaputukan ng mga pulis ang kanilang lugar upang manakot para matuloy ang demolisyon sa lupang tinitirikan ng kanilang mga pamamahay. Hindi lamang sila ang nakararanas ng ganitong uri ng pagtrato dahil pinaalis din ang kanilang mga kapatid na magsasaka sa Norzagaray at pinagsasampahan pa ng kaso. Para sa iba nilang mga kasama, hindi lamang pagbabanta ang ganitong pagtrato dahil marami na rin sa kanila ang pinaslang, gaya noong 2006, kung kailan napaslang ang isang kasamahan nilang mag-asawa, at noong 2018, noong may riding-in-tandem na pumatay rin sa isa nilang kasamahan. Ikinuwento rin niyang mayroon ding kasong natagpuan si Torres*, isang kasamahan din nila, na walang buhay sa Biak-na-Bato sa Bulacan. Dahil sa pangyayaring ito, nagkaroon ng banta sa kaniyang buhay. Ibinahagi niyang napapadpad siya kung saan-saan upang masiguro ang kaniyang kaligtasan.
Dahil sa mga pangyayari, nagkaroon ito ng negatibong epekto sa kalusugang pangkaisipan ni Sita. Traumatiko niyang inilarawan na nakakikita siya ng anino ng isang baril sa tuwing ipinipikit niya ang kaniyang mga mata. Bukod pa rito, inamin din niyang sumisiksik din siya kahit saan tuwing inaatake siya ng niyerbos sa tuwing maaalala niya ang sinapit ng kaniyang mga kapwa-magsasaka.
Paglaban ng mga kabataan
Bilang pagtatapos, itinatak ni Sita sa isipan ng mga dumalo na, “Huwag titigil hangga’t ‘di nakakamit ang tagumpay. Ang tunay na reporma sa lupa ang magpapalaya sa atin sa kahirapan.” Sa pagkamit ng tagumpay, kaniyang binigyang-halaga ang mahalagang gampaning hinahawakan ng kabataan sa pagsasakatuparan nito. Aniya, “Malaki ang gampanin ng mga kabataan [dahil] kabataan ang pag-asa ng bayan. Lalong lalo na sainyo, tulungan ninyo ang mga naaapi.”
Patunay ang kahanga-hangang inisyatiba ng NNARA-Youth na maraming paraan upang lumubog sa danas ng masang minorya ang kabataan. Kasabay ng kanilang pagtulong sa mga magsasaka, kanilang naipakita ang kanilang angking talento sa pagtula, pag-awit, at pagtugtog. Sa pagtatapos ng naturang proyekto, nakalikom ng Php39,171.47 ang programa na siyang magagamit para sa pagpapalaya kay Karina Dela Cerna at para sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga magsasaka sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Taas-kamao pa ring itutuloy ang laban kontra sa patuloy na pagkamkam sa mga lupa. Walang maihahain sa hapag-kainan kung walang lupang sasakahan. Sino ang magbubungkal at mag-aani kung uubusin hindi lamang ang mga lupain, kundi pati ang mga magsasaka? Tunay ngang sa lupa nagmumula ang buhay—dahil sa lupa rin binabalik ang mga magsasakang walang-awang pinapatay. Ngunit para sa mga kagaya ni Sita, hindi rito nagtatapos ang laban.
*hindi tunay na pangalan