Pagtapak sa hekta-hektaryang lupain, masisilayan ang tahimik at maaliwalas na kalikasang hindi pa nababahiran ng kahit anomang bakas ng urbanisasyon. Marahil sa lantad nitong kariktan, hindi kadalasang maiisip na sa likod ng napakagandang kapaligiran, may masasalimuot na karanasang dulot ng hindi matapos-tapos na sigalot at sagupaan. Kaya hindi naiisip ng nakararaming may mga dugo nang dumanak, pangarap na naglaho, at kabataang napariwara ang buhay upang ipagtanggol ang kanilang pamilya’t kultura.
Sa panulat at direksyon ni Carlo Obispo, inihandog ng Cinemalaya 18: Breaking Through The Noise, ang pelikulang pinamagatang The Baseball Player. Mahusay na inilatag nito ang nakapanlulumong pasakit na idinudulot ng madudugong bakbakan sa bawat sulok ng Pilipinas, lalo na sa Mindanao. Isiniwalat din sa pelikula ang realidad na winawasak ng armadong labanan ang kamusmusan at mismong buhay ng kabataan.
Marapat na buksan ang puso’t isipan sa obrang lubos na mamumulat sa mga hindi natatanaw na kagipitan, kawalan ng katarungan, at pagdurusang malimit na nararanasan ng ating kababayang Pilipino. Sa gayon, gamit ang ating kamalayan—matutulungan natin ang pagwawaksi sa sigalot na sumisira sa kanilang payapang buhay.
Labi ng bakbakan
Bago lusubin ang mga problemang ihahain ng buhay, maglalakbay muna sa kagubatan ng pagkatuto ang mga batang walang muwang sa daigdig. Kaniyang lilibutin ang paligid upang maunawaan ang pasikot-sikot na lugar sa oras na kaniyang tahakin ang daanan nang walang patnubay ng iba. Subalit, hindi nakararanas ang lahat ng parehong yugto ng pagkabata sapagkat may iilang kabataang nalansag na ang buhay simula noong isinilang sila sa mundong maraya. Paglabas pa lamang sa sinapupunan, nakatatak na ang kanilang kinabukasang puno ng madudugong labanan dahil sa kanilang tangan na pagkakakilanlan.
Sinimulan ang pelikula sa dagliang pagsilip at pagbibigay-pahiwatig sa sinapit ng buhay ni Khalid, na ginampanan ni JM San Jose, na kasalukuyang nagdadalamhati dahil sa pagpanaw ng kaniyang buong pamilya. Dulot ng pagkawala ng kaniyang mahal sa buhay, binibigyan siya ng pagkakataong magkaroon ng panibagong makakasama—ang angkan ng bidang si Amir, na ginampanan naman ni Tommy Alejandrino.
Matapos nito, dahan-dahan nang hinimay ang mapanglaw na kalagayan ni Khalid. Masisilayan sa bawat yugto ng pelikula ang kaniyang malumbay na mga mata at ekspresyon dahil sa pagkabigla sa mabilis na daloy ng panahon. Sinasalamin nitong hindi pa hilom ang kaniyang sugat; hangad pa rin niyang makasama ang kaniyang pamilya. Sa kabilang banda, ipinakita naman ang pangarap ni Amir na maging baseball varsity player. Makikita sa kabuuan ng pelikula ang kaniyang pagpupursigi para makamtan ang hangarin para sa kaniyang kinabukasan. Gayunpaman, maririnig sa kaniyang mga buntong-hininga ang inaasahang bigat ng pangarap—na kahit naisin man niyang abutin ito, tiyak na hindi madali ang mga haharapin niyang pagsubok.
May pira-pirasong aberya man, naging mapayapa pa rin ang buhay ng dalawa. Nag-iba na lamang ang takbo ng kanilang buhay noong nabahiran ng takot ang malungkot ngunit matiwasay na pamumuhay dahil sa pag-alingawngaw ng balitang magkakaroong muli ng labanan sa pagitan ng Philippine Armed Forces at Moro Freedom Movement. Sa pagkakataong ito, sinukat ni Amir ang kahalagahan ng kaniyang pangarap at pamilya. Bilang wakas, napuno man ng pag-aalinlangan at pagdadalawang-isip ang kaniyang isipan, nanaig pa rin ang kaniyang pagmamahal sa pamilya nang sumali siya sa grupo ng kabataang magtatanggol sa mga taong maaaring maapektuhan ng sagupaan.
Pagsuri sa katotohanan
Malapit sa realidad ang inilantad na kuwento sa pelikulang The Baseball Player. Isiniwalat nito ang kalunos-lunos na sitwasyong kinahaharap ng mga batang napapagitnaan ng mga armadong labanan sa Mindanao. Maigi nitong binuksan ang isyung madalas na isinasawalang-bahala at nakaliligtaan ng masa dahil sa limitadong impormasyong nakararating sa publiko. Ngunit, matatanaw na nagkulang pa rin ito sa pagtalakay sa mismong kadahilanan ng mga sagupaan na makatutulong upang mapalalim ang pag-unawa tungo sa panig ng mga rebelde. Dahil dito, posibleng may mga manonood na hindi lubusang maiintindihan ang dahilan nila upang labanan ang mga awtoridad. Gayunpaman, naipakita ng pelikula ang pangunahing layunin nitong bigyang-diin ang pagdurog sa pangarap at pagwasak sa mga pamilyang biktima ng giyera.
Sa kabilang banda, ipinakita rin dito ang kabuluhan ng pamilya sa buhay-Pilipino, na kahit anomang mangyari, bumagyo man o sumikat ang araw, kapit-bisig pa ring sasabay sa daloy ng buhay. Hindi man sumang-ayon sa kanilang nais gawin o subukan mang takasan ang mga ipinataw na tungkulin, nananaig pa rin ang lukso ng dugo. Sa bahaging ito, masisilayan din ang nakalalasong kamandag sa kulturang Pilipino. Marahil sanhi ng malalim na ugnayan ng mga pamilya, daghan sa mga Pilipino ang nagpapasiyang ialay ang sariling kinabukasan; ang pagtapyas sa kanilang pangarap upang maisaayos ang kapakanan ng mga mahal sa buhay.
Mapangahas din ang puntong ibinahagi ng naging wakas ng pelikula bagamat wala ni-isang nairesolba sa mga pangunahing isyung kinaharap ng mga bida. Nakawiwindang isiping, sa isang iglap, dagliang nagkaroon ng pulang kulay ang iskrin habang unti-unting nawala ang putukan ng mga baril. Sa unang minuto matapos ang pelikula, posibleng maguluhan ang mga sumusubaybay sa wakas dahil hindi nito naipakita ang sinapit ng dalawang bata. Mistulang naging bukas ang pagtatapos sa kahit anomang interpretasyon ng mga manonood. Subalit, lubusang mag-iiba ang pag-unawa sa oras na ihambing ito sa kasalukuyang nangyayari sa bansa—na kahit sa realidad, wala pa ring resolusyon sa nagaganap na labanan. Katulad ito ng buhay nina Amir at Khalid; hindi pa ito tapos at maaari pa rin nilang maabot ang mga hangarin sa buhay sa pagkakataong napaunlakan silang lisanin ang madugong kapaligiran.
Sinakmal ng labanan
Sa pagnanais na makamtan ang katarungan at kaunlaran, dumadanak ang dugo ng sandamakmak na Pilipino na walang tigil na ipinaglalaban ang kanilang sarili sa harap ng mabagsik na mundo. Binigyang-diin ng pelikula ang pagsasabuhay ng mga sakripisyong ginawa ng kabataan upang ituloy ang mithiin ng kanilang kababayang sugpuin ang kawalang katarungang dulot ng bulok at balikong sistema ng gobyerno. Handa silang makipagsapalaran sa kasalukuyang unos alang-alang sa kinabukasang payapa’t maaliwalas.
Sa kabila nito, hindi dapat kaligtaan ang masalimuot na katotohanang patuloy pa ring sinisira ng mararahas at mababagsik na armadong labanan ang buhay ng bawat isa. Sabihin mang isinasagawa ito upang ipaglaban ang sari-sariling mithiin at karapatan, lantaran pa rin nitong naaapektuhan ang kinabukasan ng kabataan. Sa gayon, kabataan pa rin ang sasalo ng negatibong epektong dulot ng hindi pagkakaunawaan; sila pa rin ang talunan sa nangyari o magaganap pa lamang na sigalot.
Kaya naman, ngayong namulat na ang isipan, panahon nang gumalaw at himukin ang gobyernong ayusin ang bulok na sistema upang walang maging katulad nina Khalid at Amir—mga batang nawalan ng mahal sa buhay at pinagkaitang magkaroon ng pangarap dahil sa madugong sigalot at bakbakan.