Lambing—salitang madalas nauuwi sa isang halik na tila nakatutunaw sa kilig. Tila mapapalitan ang maliliit at matatamis na halik ng mahahaba at madidiin na pagsiil ng mga labi. Madudugtungan ng mga yakap na nagbibigay-init sa buong katawan—init na nakapapaso sa bawat dampi ng mga daliri sa balat. Kasunod nito ang tuluyang pagpaparaya sa tawag ng lamang nagpapatibay umano at lalong nagpapainit ng pagmamahalan sa isa’t isa. Sinasabing may mararamdamang mga paruparo sa tiyan tuwing nagmamahal, tila nagliliyab ang mga ito upang magbunga ng matatamis na halik, mahihigpit na yakap, at maiinit na pagtatalik. Kusang gumagalaw ang katawan sa tawag ng laman dahil sa mga nagbabagang paruparo, ngunit paano nga ba kung maikli o walang mitsa ang mga paruparong dapat na nagliliyab?
Madalas na usapin ang pagtatalik pagdating sa mga relasyon ng mga indibidwal na miyembro ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, and Queer (LGBTQ+) community. Mula sa midya hanggang sa mga normal na pag-uusap, lagi’t laging nababanggit ang pagtatalik. Lingid sa kaalaman ng iba, nakakubli sa simbolong + ng LGBTQ+ ang isang letrang kumakatawan sa komunidad na hindi sa sexual attraction umiikot ang salitang pag-ibig. Kumakatawan ang letrang “A” para sa mga ace o mga asexual. Sa kasamaang palad, puno pa rin ng mga haka-haka at maling paniniwala tungkol sa depinisyon at pamumuhay ng mga taong ace.
Pagtuklas sa mga pakpak
Isa si Lara* sa mga ace na patuloy na binibigyang-kahulugan ang salitang “asexual” sa lipunang nakapikit pa rin ang mata sa tunay nitong depinisyon. Ipinaliwanag niyang may kaunti o walang sexual attraction ang mga taong asexual ang kasarian. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Lara, ibinahagi niyang hindi agad nangangahulugang walang romantic attraction ang mga ace. “That’s not always the case. There are cases na there are asexuals who do experience little sexual attraction—specifically sexual attraction—and they can still be considered asexual,” aniya. Samakatuwid, isa itong spectrum na hindi nakakulong sa salitang “asexual” para sa mga ace.
Isinalaysay rin ni Lara na nadiskubre niya ang tunay niyang kasarian noong Pride Month, taong 2021. Hindi agaran ang kaniyang pagkatuto sa kaniyang tunay na pagkatao. Inilarawan niya ito bilang isang proseso ng paglalakbay na unti-unting tumulong sa kaniya upang matukoy ang kasariang nararapat sa kaniya; sa bawat kuwentuhan kasama ng kaniyang mga kaibigan o kaya naman dahil sa mga sariling repleksiyon.
Gayunpaman, mahirap mamuhay bilang isang asexual sa mundong hindi lubusang naiintindihan ang konsepto nito, at gayundin, mahirap magladlad o umamin sa pagkakaroon ng kakaibang perspektibang dumadaloy sa puso’t isipan. Bagamat hindi nahirapan si Lara na magladlad sa kaniyang kapatid sapagkat nakapagbahagi siya ng kaalaman tungkol sa kaniyang kasarian, batid niya ang kakulangan ng edukasyon ng lipunan ukol sa iba’t ibang mga kasarian, tulad ng asexuality. “And then there are some that were like, “maybe [she hasn’t found] the right person yet. Maybe you just haven’t found the one? How would you know if [you’ve never] engage[d] in sex yet?” And that wasn’t really a great response [for] me,” pagsisiwalat niya. Dahil dito, nakaramdam siya ng kirot sa dibdib mula sa tugong nakuha niya sa mga taong naging bahagi sa proseso ng kaniyang pagladlad.
Ipo-ipo laban sa paglipad
Madalas makatanggap ng negatibong komento si Lara patungkol sa kaniyang napagtantong kasarian. Aniya, bagamat may mga taong bukas sa pagtanggap, mas nakalalamang pa rin ang mga pagdududa o pangungutya—nakapanlulumo dahil galing pa mismo sa ibang miyembro ng LGBTQ+ community.
Pagdating naman sa pakikipagrelasyon, inamin niyang nahirapan siya sa paghahanap ng taong tanggap ang kaniyang kasarian. “A lot of the people around me are sexually active,” pagbabahagi niya. Bago mahanap ang kaniyang kasalukuyang karelasyon, ibinahagi niya ring naranasan niyang mahusgahan ng dati niyang karelasyon dahil sa pagiging asexual niya. “Sabi niya, “Ay, so ‘di ka naman pala fun” and I was like, “Huh?” nagulat ako doon,” paglalahad niya. Bukod dito, minsan na rin siyang nahingian ng nudes o malalaswang retrato. Nang tumanggi at inilahad na asexual siya, pinagdudahan siya ng kaniyang kausap at tinanong pa kung sigurado ba siya sa kaniyang kasarian.
Mga paruparong minsanang hindi nagliliyab
Langit na maituturing ang kilig at sayang dala ng pakikipagtalik. Walang mapaglagyan ang mga nagliliyab na paruparo sa tiyan, at tila nakaaadik ang malalambot na labing maingat na dumadampi sa katawan. Tunay ngang para sa iba, isang paraan ng pagpapalagayang-loob ang pakikipagtalik o maski ang simpleng paglapat lamang ng mga kamay sa mainit na balat ng minamahal.
Ngunit minsan, wala o maikli lamang ang mitsa ng mga paruparong dapat na nagliliyab—pero hindi ito dapat ikabahala ninoman. Bilang miyembro ng isang komunidad na patuloy na naglalakbay upang makamit ang isang lipunang ganap na inklusibo’t malaya, may nais ipabatid si Lara sa mga kapwa niyang ace: “No one has to tell you that you’re not something that you are. Don’t listen to people who are judging you for being ace because they don’t know you. . . If you’re ace, that’s okay.”
Maraming klase ng pag-ibig—mayroong nakabibingi’t nakasisilaw, matapang at agresibo, nag-iinit at masidhi, at mayroon ding tahimik at kalmado—isang klase ng pag-ibig na binubuhay hindi ng mga nagliliyab na paruparo sa tiyan, kundi ng isang dalisay na koneksyon sa pagitan ng dalawang taong nagmamahalan. Batid sa mga karanasan ni Lara ang aral na bagamat sanay sa tawag ng laman ang mundong ating ginagalawan, hindi lamang nasusukat sa malalagkit na halik at maiinit na yakap ang tunay na pagmamahalan.
*hindi tunay na pangalan