Mapaglaro ang tadhana—binabaybay tayo nito sa mga sitwasyong hindi natin inaasahang darating. Minsan, pumapabor ito sa atin dahil may hatid itong oportunidad na hindi natin inakalang posible, ngunit sa isang iglap, kaya rin nitong bawiin lahat ng bagay na malapit sa ating puso. Marahil nananaig ang pagnanasa ng ilan na baguhin ang kanilang kapalaran, mas masakit pa ring mawalan ng kasiyahan at karangyaan kaysa hindi ito maasam.
Handog ng Cinemalaya 18: Breaking Through The Noise, ang pelikulang Kargo, sa ilalim ng direksyon ni TM Malones na hango sa isinulat ni Joseph Israel Laban. Ipinalabas ito nitong Agosto 7 hanggang 14. Ginawaran naman ito ng Audience Choice Award Full-Length nitong Agosto 15.
Matapos makapiling ang kaniyang pamilya sa isang dapat na masayang okasyon, nauwi ito sa pagkaulila ni Sara bilang ina at asawa. Puno ng poot at galit, buong paninindigang hinanap ni Sara ang maysala para makapaghiganti. Ngunit bago pa siya makarating sa kaniyang paroroonan, mag-iiba ang landas na kaniyang tatahaki’t madadaanan.
Sistematikong kamalasan
Unang haplos, unang halik at yakap, unang bugso ng pagmamahal—tanging ina lamang ang may kakayahang magpamalas nito sa isang nilalang na wala pang kamuwang-muwang. Mula pa lamang sa pagkabuo ng sanggol sa kaniyang sinapupunan, konektado na ang kanilang kapalaran, hanggang kamatayan. Wala siyang hahangarin pa kundi ang ikabubuti ng kaniyang supling. Kaya naman para kay Sara, tanging poot at galit lamang ang natira sa kaniyang puso nang mawalan ng buhay ang kaniyang anak.
Matapos makawala sa landas ng pagiging stripper, kinailangan niyang dumaan sa butas ng karayom para lamang maipagbuntis ang kaniyang nag-iisang anak na si Teresita. Habang papauwi silang mag-anak galing sa pagdiriwang ng kaarawan ni Sara, biglang natamaan ang kanilang sinasakyang motor ng isang malaking trak, dahilan para mawalan sila ng malay. Tila naligo sa dugo ang mag-anak sa dami at laki ng sugat na kanilang natamo. Sa pagbalik ng kaniyang malay, narinig ni Sara na umiiyak ang kaniyang anak sa tindi ng sakit at hinihingan siya ng saklolo. Nang malaman ng nakabanggang drayber ng trak na buhay pa ang bata, sinadya niyang umatras upang tuluyang maagawan ng buhay si Teresita. Sa saglit na pagkakataong dumungaw ang drayber sa kaniyang bintana, nasilayan ni Sara ang salarin na si Hesus.
Sa halip na maghiganti, nakahanap ng bagong patutunguhan ang nagbabagang pagmamahal ni Sara—ang tumungtong bilang ina ng batang nakilala niya sa kaniyang paglalakbay na si Kara. Isang ulilang ina at anak ang pinagtagpo at pareho nilang pinunan ang malaking kahungkagang iniwan sa kanila ng mga yumaong mahal sa buhay sa pagtanggap nila sa isa’t isa bilang bagong pamilya.
Sa madilim at buhol-buhol na pag-iisip ng isang ulilang ina at asawa, tanging dahas lamang ang nakita niyang paraan upang mabigyang-hustisya ang pagkamatay ng kaniyang pamilya. Sinigurado ng pelikulang palitawin ang mga karanasan at isyung panlipunang nakapagmumulat sa mata ng mga manonood. Isa na roon ang pag-iisip na makatarungang makamit ang hustisya gamit ang dahas, maaaring dahil hindi sapat ang serbisyo ng batas kaya hindi ito ang itinuturing na kanlungan para sa mga krimen at aksidente. Sa kabuuan ng palabas, isang beses lamang naipakita ang kapulisan, at masasabing hindi sapat ang kakayahan nila dahil hindi nila napansing may dalang baril ang bida.
Hindi rin pinalagpas ng palabas ang pagkakataong maikuwento ang mga kahihinatnan ng rape culture sa pang-araw-araw na pamumuhay ng kababaihan. Tatlong beses nakaranas ng sexual harassment ang karakter ni Sara, mula sa lalaking nagbayad ng kaniyang tiket sa roro, sa mga kapwa drayber ng trak na kaniyang nakasalubong, at sa mga lalaking nakaharap niyang nagpanggap bilang pulis. Mabalasik ang pagpapakita ng mga pangyayaring ito sapagkat higit na desensitasyon na lamang sa pambabastos ang kaniyang naging reaksyon. Nakababahala rin na nakaranas ng pambabastos ang palaboy na batang si Kara na hindi nakatanggap ng tulong hangga’t pinaputukan ng baril ni Sara ang mga nambabastos sa bata.
Mistulang natunaw parang yelo ang lahat ng intensyon ni Sara na maghiganti kay Hesus. “Mas mahal magpaospital kaysa magpalibing,” pagpapaliwanag ni Hesus. Taos-puso siyang humingi ng tawad sa kaniyang pagkakamali. Maaaring ito ang dahilan kaya mas nangibabaw ang awa at pag-unawa sa damdamin ng biyuda. Marahil tila batid din niya ang mga pagsubok na dala ng kahirapan sa buhay. Matalinong komentaryo ito sa kahihinatnan ng buhay dulot ng kahirapan—na hindi laging likas sa lahat ng gumagawa ng krimen ang maging masamang tao, dahil maraming salik ang maaaring makapagtulak sa kanila para gawin ito, tulad na lamang ng kanilang sosyo-ekonomikong katayuan sa lipunan. Gayunpaman, hindi ito sapat na dahilan upang takbuhan ni Hesus ang kaniyang responsibilidad sa kaniyang pagkakamali lalo pa’t buhay ang naging kapalit.
Sa likod ng tanghalan
Sa talkback session na ginanap nitong Agosto 13, ibinahagi ng mga aktor ang mga pangyayari sa produksyon ng pelikula. Binigyang-linaw ni Nathan Sotto, gumanap bilang asawa ni Sara na si Eric, na hango sa tunay na karanasan ang aksidenteng naganap sa pelikula. Aniya, habang nasa biyahe ang direktor sa Iloilo na kaniyang kinalakihan, nakabangga siya ng taong tuluyang namatay. Paglalarawan niya, mistulang kargo-de-konsensya ito ng direktor kaya naman inabot siya ng sampung taon bago niya nakuhang ibahagi ito sa iba.
Ibinida ang wikang Hiligaynon sa pelikula dahil ito ang ginamit na primaryang wika sa kabuuan ng palabas. Ipinaliwanag ni Alex Poblete, isa sa mga producer ng pelikula, na mahalaga ang paggamit nito sa konteksto ng kuwento. Kaya naman, malalim ang naging paglubog ng mga aktor, lalo na ang bidang si Max Eigenmann na gumanap bilang Sara, dahil hindi naman siya matatas sa pagsasalita nito. Dagdag pa niya, hindi nawala ang diwa ng mensahe ng pelikula dahil lamang hindi wikang Tagalog ang ginamit sa palabas, “Pinoy pa rin naman ‘yan eh,” giit niya.
Pagsilip ng bukang-liwayway
Tulad ng araw, parehas na dumudungaw ang liwanag at kadiliman sa ating buhay. Hindi kailanman maipapangako sa atin ang buhay na puno lamang ng galak at ginhawa dahil mahalaga ang mga matututuhan natin sa mga hamong ibabato sa atin ng tadhana upang maunawaan natin ang tunay na kahulugan ng kaligayahan.
Isang pagsubok sa ating karakter ang bawat pagpihit ng tadhana sa panibagong direksyon, kaya hindi ito dahilan para bitawan natin ang mga aral at prinsipyong natamo sa panahon ng kaginhawaan, bagkus, paraan ito upang lalong mapagtibay ang ating pagkatao.
Hindi tatak ng kabiguan ang pagtanggap sa realidad ng buhay kundi tanda ng kalakasan—kalakasang harapin ang mundo nang may panibagong bitbit na aral upang mapagtagumpayan ang mga darating pang hamon sa ating buhay.