PINUNDI ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang puwersa ng Jose Rizal University (JRU) Heavy Bombers, 74-62, sa FilOil EcoOil 15th Preseason Cup, Agosto 18, sa FilOil EcoOil Centre, San Juan City.
Pinangunahan ni Schonny Winston ang Taft-based squad matapos magpundar ng 27 puntos, dalawang steal, at isang assist. Kasangga naman ni Winston si Bright Nwankwo sa pagpapakitang-gilas nang magtala ang bigman ng 11 puntos, siyam na rebound, tatlong block, dalawang assist, at isang steal.
Bumida naman para sa Heavy Bombers si Agem Miranda nang umukit ng 14 na puntos, apat na rebound, limang assist, at dalawang block. Hindi rin nagpahuli si Ry Dela Rosa na nakapukol ng 14 na puntos at isang assist.
Umeksena sa unang kwarter ang matatag na depensa ng dalawang koponan. Kaakibat nito, palitan ng puntos, turnover, at fouls ang kinahinatnan ng Green Archers at Heavy Bombers. Sa kabila nito, nagawang makapukol ng puntos si Marwin Dionisio sa kanto para sa JRU, 0-2. Agad naman itong binawi ni Winston matapos ipamalas ang kaniyang nakamamanghang layup, 2-all.
Umarangkada man si Jonathan Medina sa pagpuntos, agad nagparamdam sina Francis Escandor at Mike Phillips sa opensa, 9-7. Sinundan pa ito ng kagilas-gilas na unselfish play ni CJ Austria kay Nwankwo sa ilalim, 11-all. Dagdag pa rito, agad nagpakitang-gilas si Nwankwo sa buong arena matapos supalpalin si Miranda sa ilalim. Sa kabilang banda, bumulusok si John Amores ng JRU ng tres bago matapos ang unang kwarter, 19-20.
Dikdikan naman ang naging tema ng ikalawang kwarter nang bumida sa depensa ang dalawang koponan na nagresulta sa palitan ng turnover. Subalit, nagawang pumiglas ng Green Archers nang dumakdak si Kevin Quiambao na sinundan pa ng isang umaatikabong tres, 26-22.
Gayunpaman, nagawang baliktarin ng Heavy Bombers ang sitwasyon nang magsanib-puwersa sina Miranda, Karl De Jesus, at Marj De Leon sa paghakot ng puntos, 30-33. Hindi naman nagtagal ang kalamangan ng kalalakihan mula sa Mandaluyong matapos makapukol ng tres si Winston, 33-all. Bagamat naiangat agad ni Miranda ang talaan matapos ang kaniyang matinding floater, sinagot naman ito ni Winston para selyuhan ang kwarter sa iskor sa 35-all.
Sa pagpasok ng ikatlong yugto, agad na bumulaga ang mabagsik na opensa ng Taft-based squad matapos sunggaban ng Phillips brothers ang depensa ng Heavy Bombers. Buhat nito, tila huminahon ang kilos ng Heavy Bombers na sinamantala kaagad ng Green Archers para itulak ang kanilang kalamangan, 44-35.
Lalo namang lumagablab ang mga galamay ni Winston matapos maipasok ang tatlong sunod-sunod na tira mula sa labas ng arko, 50-39. Sa kabilang banda, sinubukan ni Medina na lumusot sa depensa ng Green Archers matapos magpakawala ng malilinis na jumper, 55-45. Bukod pa rito, buena manong naihabol ni William Sy ang kaniyang tres para sa JRU na nagpalapit sa agwat ng dalawang koponan, 59-50.
Matinding depensa naman ang bumungad sa Mandaluyong-based squad sa pagbubukas ng ikaapat na kwarter. Dahil dito, naapula ang lumiliyab na momentum ng Green Archers at napako ang kanilang iskor sa 59. Agad naman itong tinapatan ng DLSU nang ipamalas ng koponan ang kanilang mabagsik na press na nagpahirap sa JRU na makapukol ng puntos. Gayunpaman, nagawang bumulusok sa tres si Miranda sa kanto, 59-53.
Nakamit man ni M. Phillips ang kaniyang ikalimang foul, hindi naman nagpatinag si Joaqui Manuel matapos magpakawala ng malabombang tirada sa labas ng arko, 62-53. Sinundan pa ito ng pagpapakitang-gilas ni Austria sa kaniyang pagsalaksak sa loob ng arko na may kasama pang foul, 65-55. Gayunpaman, binawian ito ni Miranda matapos tumikada ng tres, 65-58.
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang Green Archers na tapusin ang bakbakan matapos araruhin ni Winston ang paint, 66-58. Nakatulong din ang pagpasok ng mga free throw nina Raven Cortez at Quiambao upang angatan ang iskor ng kalalakihan ng Mandaluyong. Sinelyuhan naman ni Nwankwo ang bakbakan matapos ang kaniyang tirada sa ilalim, 74-62.
Malinis pa rin ang panalo-talo kartada ng DLSU sa torneo matapos mapasakamay ang kanilang ikaanim na panalo. Abangan ang laban ng Green Archers kontra CSJL Knights sa darating na Sabado, Agosto 20, sa ganap na ika-5 ng hapon.
Mga Iskor:
DLSU 74: Winston 27, Nwankwo 11, Quiambao 10, M. Phillips 7, Manuel 5, Nelle 4, Austria 4, Escandor 2, B. Phillips 2, Cortez 1, Robinson 1
JRU 62: Miranda 14, Dela Rosa 14, Sy 9, De Jesus 6, Medina 6, Guiab 4, Amores 3, Celis 2, Dionisio 2, De Leon 2
Quarterscores: 19-20, 35-35, 59-50, 74-62