Tila pagkakagapos sa tanikala ang pagkuwestiyon sa kakayahan ng mga miyembro ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex, at Asexual (LGBTQIA+) community na maging isang lider. Kapansin-pansin ito sa mga nakalipas na panahong bihira silang tinatanggap ng lipunan, lalo na ng mga nagpapahayag na relihiyoso, dahil sa hindi kinukunsinting sekswalidad at sinasabing mahalay na imahen nitong ipinipinta sa mga mata ng bawat indibidwal. Kung susuriin nang mabuti, ang mapanghamong panahong hinaharap nilang sumisilong sa bahaghari ang siyang pinagmumulan ng boses at nag-aalab na pusong kanilang kasangga sa paglilingkod at pagbibigay-inspirasyon sa kanilang pinamumunuan. Dahil dito, mas pinipilit nilang maipakita sa madla ang kayang gawin ng mga miyembro ng nasabing komunidad at ipabatid ang kanilang pambihirang potensyal na bubuwag sa mapanghusgang lipunan.
Kasabay sa paglipas ng panahon ang pagbabago sa baluktot at nakasanayang sistema. Tumatayo bilang patunay nito ang kuwento ng isang estudyanteng lider sa Pamantasang De La Salle (DLSU) na patuloy na itinataas ang bandera ng matingkad at makulay na bahaghari. Kaibigan, pakinggan ang kaniyang istorya.
Diwang handang sumanggalang
Matapang na tinanggap ni Verrick Sta. Ana, kasalukuyang pangulo ng Arts College Government sa DLSU, na maging isa ring tagapagtaguyod ng karapatan ng pamayanang LGBTQIA+ sa loob ng Pamantasan. Bilang isang estudyanteng lider at miyembro ng LGBTQIA+ community, hangad niyang ikawing ang mga tunay na kuwento ng mga LGBTQIA+ sa mga programang kaniyang ipinapanukala upang maging mas ligtas at inklusibo ang sistemang kanilang sinusunod. Masugid ding naninilbihan sa iba pang LGBTQIA+ na organisasyon sa labas ng Pamantasan si Sta. Ana. Pagbabahagi niya sa Ang Pahayagang Plaridel, “Ang pagprotekta sa mga mamamayang LGBTQIA+ ay hindi nagtatapos sa loob ng Pamantasan. Bilang Punong Tagapag-Himok ng Balur-Kanlungan, isang LGBTQIA+ youth-led wellness community, ako rin ay nakikipagtulungan sa mga volunteer at iba’t ibang organisasyon para lumikha ng mga programang poprotekta sa mga LGBTQIA+.”
Nakipagtulungan din si Sta. Ana kay Dr. Estesa Que-Legaspi ng Lasallian Center for Inclusion, Diversity, and Wellbeing upang kalingain ang mga kapwa LGBTQIA+ na mag-aaral hinggil sa palasak na pang-aabuso at diskriminasyong kanilang nararanasan. Gumabay at tumulong din si Dr. Ron Resurreccion, associate dean ng College of Liberal Arts, upang suriin ang kanilang mga iminumungkahing patakaran, katulad ng nauukol na paggamit ng pronouns para sa mga komportableng gawin ito at pagmandato ng gender sensitivity trainings.
Nag-iwan din ng mensahe si Sta. Ana sa mga estudyanteng bahagi ng LGBTQIA+ na hangad ding mamuno. “Yakapin mo [ang] kakayanan mo at bumuo ka ng kinabukasan para sa iyo, sa kapwa, at sa kapwa LGBTQIA+.” Masidhi rin niyang ipinaalala ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang inklusibong komunidad; sapagkat naniniwala siyang mapagkukuhanan ito ng lakas at kompiyansa ng bawat isa. Iginiit din niyang hindi lang dapat napakikinggan ang bawat kuwento at sa halip, magkaroon ng maayos na mekanismo para dinggin at maibahagi ang mga ito sa dapat makarinig. “Ang kwento mo ay hindi nagtatapos sa iyo—[ka]pag ikaw ay mamumuno, mamuno ka habang lumilikha ng marami pang pinunong pinaglalaban [ang] karapatan ng bawat isa,” nakatingalang tinig niya.
Pusong yari sa ginto at ambisyon
Hindi madaling buuin ang puso na handang magserbisyo sa kapwa at magbukas ng mga pinto para sa mga kasama sa komunidad. Subalit dahil sa mga karanasan ni Sta. Ana sa kaniyang pagtanda, nahubog ang isang indibidwal na handang yakapin at kilalanin ang kakayahan ng bawat isa, yapusin ang pagkakaiba-iba, at tugunan ang pangangailangan ng kaniyang pinamumunuan. Magiting si Sta. Ana sa pagharap sa mga diskriminasyong nagtatali sa kaniyang kakayahan sa kaniyang kasarian. Aniya, “Ito [ang] tumutulak satin para ipaglaban ang mas ligtas na espasyo para sa kapwa LGBTQIA+ at bawat mamamayang Pilipino.”
Temporaryong pagsubok lamang ang pagkakakulong sa salitang “lamang” na hatid ng mapanghusgang lipunan. May kakayahan ang lahat na makaalpas at malayang maipamalas ang kanilang abilidad na mamuno at maglingkod sa kapwa. Napakarami pang kulay ang maibabahagi ng iyong kamay sa mapusyaw na lipunan para manatili lamang itong nakagapos sa tanikala.