PINATAOB ng EcoOil-De La Salle University (DLSU) Green Archers ang Adalem Construction-St. Clare (STC), 97-74, sa do-or-die match ng semifinals ng PBA D-League Aspirants’ Cup, Agosto 17, sa Smart Araneta Coliseum, Quezon City.
Namutawi si CJ Austria para sa Green Archers matapos makapaglapag ng 26 na puntos, limang rebound, at tatlong assist. Nakapag-ambag din sina Mike Phillips at Kevin Quiambao ng 16 na puntos at 14 na puntos.
Pinangunahan naman ni John Edcel Rojas ang kampanya ng St. Clare bitbit ang 17 puntos, apat na rebound, at limang assist. Katuwang naman niya sa pagpuntos si Joshua Fontanilla na nakapaglista ng 16 na puntos, siyam na rebound, at apat na assist.
Daliang umarangkada ang St. Clare sa pangunguna nina Babacar Ndong at Rojas sa unang dalawang minuto ng unang kwarter, 0-4. Sinubukan naman ni Austria na tapatan ang opensa ng katunggali sa kaniyang pagsalaksak ng tirada sa gitna, 2-4. Subalit, sinamantala nina Rojas at Fontanilla ang naghihingalong depensa ng Green Archers upang lumobo ang kalamangan sa lima, 10-15.
Binuhay ni Austria ang Green Archers matapos magpaulan ng walong puntos sa kaniyang umaatikabong pag-atake sa ibaba. Katuwang naman ng naturang 6’3 forward sa pagpuntos sina Bright Nwankwo at Schonny Winston na parehong nakapagtala ng tatlong puntos, 22-17. Tinapos naman ni Fontanilla ang unang kwarter matapos maglapag ng three pointer, 22-20.
Sa pagpasok ng ikalawang kwarter, tila giniba ni Fontanilla ang depensa ni Nwankwo upang makapuslit ng foul, 23-22. Hindi nagtagal, nagpatuloy ang hagupit ni Austria upang gambalain ang Saints, 24-25. Tila nagsanib-pwersa naman sina Quiambao, Penny Estacio, at M. Phillips sa patuloy na paglarga ng Taft-based squad, 29-all.
Nakapaglista naman ng 14-0 run ang Green Archers sa halfway mark ng ikalawang kwarter mula sa perimeter shot ni AJ Buensalida at open jumpers nina M. Phillips at Francis Escandor, 52-38. Sa natitirang 15 segundo, tila naipit sa depensa ng St. Clare si Evan Nelle dahilan upang itawid ni Estrada ang puntos sa kaniyang koponan, 52-40, pabor sa DLSU.
Pagdako ng ikatlong kwarter, hindi nagpatigil sa pag-abante ang Green Archers matapos ang kanilang sunod-sunod na pagpapakawala ng three pointers na pinangunahan nina Nelle at Winston, 65-44. Nakisali rin sa pagpuntos sina Estacio at Quiambao na kapwang nagpakitang-gilas sa three-point field upang lampasuhin ang depensa ng STC, 75-48.
Sinubukan man nina Rojas, Estrada, at Fontanilla na habulin ang talaan ng Green Archers, nanatiling pursigido ang DLSU. Sa tulong ni B. Phillips, inangasan ni M. Phillips ang katunggali mula sa kaniyang dunk, 78-56.
Hindi naman nagpadaig ang big man ng Caloocan-based squad na si Ndong matapos magsalaksak ng apat na sunod-sunod na marka, 78-57. Sumagot naman agad si Austria ng makalaglag-pangang tres, 81-58. Gayunpaman, sa huling walong minuto ng kwarter, pinatawan ng flagrant foul 2 si Ndong.
Nagkaroon man ng maraming three-point line attempts ang Adalem, tila inutakan naman sila ng wing shot ni Raven Cortez at tres ni Ice Blanco, 94-74. Tangan ang 23 puntos na kalamangan, hindi na muling nakaangat sa kumunoy ang St. Clare.
Tunghayan ang unang paghaharap ng EcoOil-DLSU Green Archers at Marinerong Pilipino Skippers sa best-of-three finals ng PBA D-League sa darating na Linggo, Agosto 21, sa ganap na ika-12 ng tanghali.
Mga iskor:
STC 74: Rojas 17, Fontanilla 16, Sablan 12, Estrada 10, Ndong 8, Estacio 4, Sumagaysay 4, Galang 3.
DLSU 97: Austria 26, Quiambao 16, M. Phillips 14, Escandor 7, Winston 7, Nelle 7, Nwankwo 5, Buensalida 4, Blanco 3, Cortez 3, Estacio 3, B. Phillips 2
Quarterscores: 22-20, 52-40, 78-54, 97-74