NILATAY ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang San Sebastian College of Recoletos (SSC-R) Golden Stags, 75-47, sa FilOil EcoOil 15th Preseason Cup, Agosto 14, sa FilOil EcoOil Centre, San Juan City.
Nagpakitang-gilas para sa Taft-based squad si Isaiah Blanco matapos umukit ng kabuuang 16 na puntos at isang rebound. Kasama niyang umarangkada si Penny Estacio tangan ang sampung puntos, isang assist, at isang steal.
Pinangunahan naman ni Liam Concha ang pagratsada ng San Sebastian matapos pumukol ng 19 na puntos at magtala ng limang three-point bucket kalakip ang tatlong board. Tumulong din ang isa sa mga guard ng Golden Stags na si Milo Janao matapos makapagtala ng 16 na puntos.
Agad na dinomina ng Green Archers ang unang kwarter matapos magtala ng 9-0 run sa pangunguna nina Mike Phillips at Schonny Winston. Subalit, nakapuslit si Janao ng puntos para sa Golden Stags sa kabila ng malabundok na depensa ng Green Archers, 9-2.
Umarangkada rin si Estacio matapos ang isang lay-in, 13-2. Agad naman itong sinundan ng jumper at fastbreak nina Blanco at CJ Austria na lalong nagtulak sa agwat ng talaan, 17-2.
Pinilit naman ni Golden Stag Liam Concha na pagalawin ang kanilang talaan matapos magpakawala ng bola mula sa labas ng arko, 19-7. Gayunpaman, hindi na muling binigyan ng pagkakataon ng Green Archers ang Golden Stags na makapuntos matapos selyuhan ni Austria ng isang lay-in unang kwarter, 22-7.
Sa pagpasok ng ikalawang kwarter, agad na bumulusok ng isang tirada mula sa labas ng arko si Concha, 22-10. Sa kabilang banda, tila nag-alab ang mga kamay ni Estacio matapos makaukit ng magkakasunod na tres, 28-10.
Nagpatuloy pa ang mabagsik na opensa ng Taft-based squad matapos magpakitang-gilas ni Aaron Buensalida, 33-16. Hindi rin nagpaawat si Raven Cortez nang makapukol ng puntos, 35-17. Nagpatuloy pa ang momentum ng Green Archers hanggang sa katapusan ng kwarter matapos mailusot ni Nathan Montecillo ang kaniyang layup, 37-19.
Hindi pa rin magkamayaw ang opensang ipinamamalas ng Green Archers matapos magpaulan ng sunod-sunod na tirada. Patuloy ang pagsiklab ni Estacio nang humarurot ang steady guard sa layup sa pagbubukas ng ikatlong kwarter, 39-19. Nagpakitang-gilas namang muli si Blanco matapos gumawa ng nakamamanghang side step finish sa loob ng arko, 42-21. Tila umiinit at hindi pa nakontento si Blanco nang nagpakawala siya ng mainit na tirada sa labas ng arko, 47-21.
Mabagsik din ang ipinamamalas na depensa nina Bright Nwankwo at Buensalida matapos ang kanilang pagtapal sa mga tiradang pinapakawala ng Golden Stags. Bagamat malaki ang kalamangan ng DLSU, hindi nagpatinag sina Concha at Janao nang magpakawala ng mga tirada sa labas ng arko, 47-27. Gayunpaman, hindi nito naapula ang apoy ng DLSU matapos sumiklab sina Blanco, Buensalida, at Cortez sa opensa bago matapos ang ikatlong kwarter, 55-29.
Sa pagsisimula ng huling yugto ng laban, agad pumukol ng tres sina Blanco at Emman Galman para maiakyat pa ang kalamangan ng Green Archers, 61-32. Sa kabila nito, hindi nagpatinag ang dating San Sebastian Staglet na si Janao nang gumawa ng sariling 6-0 run para maibaba sa 23 ang kalamangan ng DLSU, 61-38.
Kahit binubuhay ni Janao ang ratsada ng mga naka-dilaw, hindi nagpatinag ang Taft-based squad sa tulong nina Nwankwo at Blanco, 65-38. Hindi rin nagpatalo si Montecillo nang gumawa ng limang magkakasunod na puntos para mapalayo pa lalo ang Green Archers sa kamay ng Stags, 70-41.
Hindi naman nagpatinag sina Reggz Gabat at Concha nang magbuga ng tres para buhayin ang kompiyansa ng Golden Stags. Gayunpaman, tinapos na ni Montecillo ang laro sa pamamagitan ng pagpasok ng dalawang free throw para maibulsa ng DLSU ang kanilang ikalimang panalo sa torneo, 75-47.
“I’m happy especially with the group na naglaro ngayon, they still played hard. We want to keep improving and we just have to stick and stay within the system and then work within it,” sambit ni Green Archers coach Derrick Pumaren. Dagdag pa niya, “It was difficult to match up with them kasi they are a lot quicker than us, but we handled it.”
Susubukang maabot ng DLSU ang 6-0 panalo-talo kartada kontra Jose Rizal University Heavy Bombers sa darating na Huwebes, Agosto 18, ika-5 ng hapon.
Mga Iskor:
DLSU 75: Blanco 16, Estacio 10, Montecillo 9, Nwankwo 8, Galman 6, M. Phillips 6, Austria 5, Buensalida 4, Cortez 4, Winston 3, Escandor 2, B. Phillips 2
SSC-R 47: Concha 19, Janao 16, Paglinawan 5, Re. Gabat 3, Ra.Gabat 2, Rodriguez 1, Suico 1
Quarterscores: 22-7, 37-19, 55-29, 75-47