BIGONG MAILIGWAK ng EcoOil-De La Salle University (DLSU) Green Archers ang Adalem Construction-St. Clare (STC), 64-72, sa kanilang ikalawang pagtutuos sa semifinals ng PBA D-League Aspirants’ Cup, Agosto 14, sa Smart Araneta Coliseum, Quezon City.
Pinangunahan ni Ben Phillips ang kampanya ng Green Archers matapos makapagtala ng 15 puntos at anim na rebound. Umalalay rin si Kevin Quiambao na nakapaglista ng siyam na puntos, tatlong rebound, tatlong assist, at isang block.
Umarangkada naman para sa STC si Johnsherick Estrada matapos umukit ng 22 puntos, anim na rebound, tatlong assist, at dalawang block. Naging kaagapay naman niya si Joshua Fontanilla nang makapukol ng 21 puntos, tatlong rebound, at isang block.
Agad nagpasiklab si Fontanilla sa pagbubukas ng unang kwarter nang magpakawala ng mainit na tirada sa labas ng arko, 0-3. Sinundan man ng tirada ni Megan Galang, malahalimaw na tumikada si B. Phillips matapos ang kaniyang sunod-sunod na pagpuntos sa ilalim, 4-5. Tuloy-tuloy ang pag-arangkada ni B. Phillips matapos yanigin ang kort mula sa kaniyang maanghang na tres upang itabla ang bakbakan, 7-all.
Gayunpaman, hindi natinag si John Rojas matapos umeksena ng reverse layup, 7-12. Bumalik man ang momentum sa St. Clare, agad naman itong inagaw ni Motor Mike Phillips matapos araruhin ang paint, 9-12. Bukod pa rito, kagilas-gilas na umarangkada si Francis Escandor sa kaniyang reverse 3-point play nang makuha ang nagmintis niyang free throw at hook sa basket, 12-all.
Nagpamalas naman ng nakamamanghang koneksyon ang Green Archers matapos ang malupet na pasa ni Winston kay B. Phillips sa ilalim, 14-12. Hindi pa rito nakontento si B. Phillips nang sundan ito ng kaniyang tirada sa labas ng arko, 17-12. Bago matapos ang unang kwarter, nagpakitang-gilas si Bright Nwankwo nang yanigin ang buong arena sa kaniyang nagbabagang dunk, 19-14.
Iba naman ang naging timpla ng St. Clare nang maggawang palamigin ang opensa ng Taft-based squad. Umeksena agad si Fontanilla matapos maagawan si Penny Estacio at makapuntos sa ilalim, 19-16.
Sinundan agad ito ng 7-0 run ng Caloocan-based squad nang kaliwa’t kanang pumuntos sina Fontanilla, Ahron Estacio, at Bam Lopez, 19-23. Sunod nito, tila kadenang-kadena na ang galaw Green Archers matapos magmintis ang kanilang mga tirada buhat ng matinding depensa ng St. Clare.
Binaklas naman ni Winston ang kadena matapos ang malakasang pananapos sa paint mula sa swak na pasa ni Evan Nelle, 22-30. Hindi pa rito nakontento si Nelle at agad bumulusok sa layup, 24-30.
Agarang sumagot si Rojas ngunit hindi pa rin nito naapula ang apoy ng Green Archers nang tumikada ng puntos sina Kevin Quiambao at Nelle sa paint. Sinundan pa ito ng isang free throw ni M. Phillips bago matapos ang ikalawang kwarter, 29-34.
Lalo namang naitulak ni Fontanilla ang kalamangan ng St. Clare sa pagbubukas ng ikatlong kwarter, 30-38. Gayunpaman, hindi nagpatinag ang Taft-based squad nang mag-alab ang mga galamay ng Phillips brothers, 39-40.
Makapigil-hininga ang naging sagutan ng dalawang kampo matapos makapagtala ng tatlong tabla sa huling apat na minuto ng ikatlong kwarter. Subalit, nagawa namang makawala ng DLSU matapos magpakitang-gilas ni Nwankwo, 48-45.
Nagpatuloy ang dikdikang sagupaan ng dalawang koponan matapos ang matagumpay na layup nina Sablan at Estrada, 50-49. Sinubukan namang panatilihin nina Winston at Nwankwo ang tatlong puntos na kalamangan para sa DLSU ngunit nakapukol pa ng isang jump shot si Estrada bago maubusan ng oras sa ikatlong kwarter, 52-51.
Sa pagsisimula ng ikaapat na kwarter, tila naging aso’t pusa ang labanan ng dalawang koponan dahil sa ratsada nina Estacio at CJ Austria para sa DLSU at Estrada para sa STC, 56-all. Sa kabila nito, agad pinigilan ni Estrada ang DLSU nang pumukol ito ng apat na puntos para maiakyat sa anim ang kanilang lamang, 56-62.
Dinagdagan pa ni Fontanilla ang pasakit ng Taft-based squad matapos magpakawala ng isang three point shot, 59-65. Sa kabila nito, hindi nagpatinag ang isa sa Gilas mainstay na si Quiambao nang gumawa ito ng apat na magkakasunod na puntos, 64-67. Sa huli, tinuldukan na ng STC ang laban sa pamamagitan ng pagbuga ng three-point dagger ni Estrada at mga free throw ni Fontanilla, 64-72.
Tatapusin na ng EcoOil-DLSU Green Archers at Adalem Construction-St. Clare ang kanilang mainit na sagupaan sa PBA D-League semifinals sa darating na Miyerkules, Agosto 17, ika-11 ng umaga.
Mga iskor:
STC 72: Estrada 22, Fontanilla 21, Rojas 9, Estacio 6, Sablan 5, Galang 5, Ndong 2, Lopez 2.
DLSU 64: B. Phillips 15, Quiambao 9, Nelle 8, Nwankwo 8, M. Phillips 8, Austria 6, Winston 5, Escandor 3, Estacio 2.
Quarterscores: 14-19, 34-29, 51-52, 72-64.