Masasaksihan ang paglabas ng bahaghari matapos ang isang matinding ulan, tila isa itong pahiwatig na may kariktan pa ring naghihintay sa dulo ng unos. Makulay ito at mahiwaga–binibigyan nito ng bagong buhay ang kalangitang minsang binalot ng kadiliman. Tulad ng bahaghari, masisilayan din ang iba’t ibang kulay sa buhay ng mga miyembro ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex, at Asexual (LGBTQIA+) community. Subalit sa likod ng mga kinang at makukulay na kasuotan, nakatago ang katotohanang hindi pa rin nila nakakamit ang buong pagtanggap ng lipunan sa kanilang hanay.
Wala mang ulan, mas lumilitaw ang iba’t ibang anyo ng bahaghari tuwing Hunyo, ang buwan ng Pride. Nakalaan ang buwang ito upang higit na bigyang-pugay ang kanilang patuloy na pakikipaglaban para sa pantay na karapatan. Subalit sa mga nagdaang taon, kapansin-pansin ang pag-iral ng Rainbow Capitalism at pananamantala ng mga negosyo sa kanilang mga hinaing. Tila pinagkakakitaan ang Pride sa pamamagitan ng pagbenta ng mga produktong papatok sa komunidad. Sa isyung bumabalot sa Rainbow Capitalism, hanggang kailan mananamantala ang mga kapitalistang huwad na nakikiisa sa panawagan ng sinomang nasa bahaghari?
Tinipid na representasyon
Katulad ng isang bahaghari, hindi rin madalas na nakikita ang mga simbolong nagpapaalala tungkol sa presensya ng LGBTQIA+ community. Subalit, sa nakalipas na mga taon, tila ba bumaba ang mga anghel mula sa langit upang pinturahan ang bawat pader at gusali ng mga kulay ng bahaghari bilang pampalubag-loob sa mga taong pinagkaitan ng representasyon.
Taong 2001 noong ipinakilala sa Philippine Advertising Congress ang pagkakaroon ng temang LGBTQIA+ sa mga advertisement. Ginulat ng isang halimbawang patalastas mula sa Cebu Ad Congress ang mga manonood sa diretsahang apila nito sa LGBTQIA+ community na hindi pangkaraniwang target market noon. Gayunpaman, hindi pa rin ito naging popular na tema para sa larangan ng marketing at advertising; hanggang sa taong 2016 nang magkasunod na inilabas ng magkatunggaling telecom company na Smart at Globe ang kanilang media advertisement na tumatalakay sa mga LGBTQIA+ na karakter. Nakatanggap ang mga ito ng atensyon mula sa publiko lalo’t ipinakita ng mga ito ang kuwento ng pagsuporta ng mga kapamilya at kaibigan ng mga nasabing karakter sa kanilang sekswal na pagkakakilanlan. Sinundan naman ito ng mga patalastas mula sa Uber at Bench na naging viral din buhat ng nakaaantig nitong mga istorya.
Kinikilalang progreso ni Job*, isang miyembro ng LGBTQIA+ community, ang pagdami ng ganitong klaseng representasyon. Aniya sa Ang Pahayagang Plaridel (APP), “. . . madalas comic relief lang kami pero ngayon, kami pa ang bida.” Gayunpaman, hindi pa rin sapat ang pagdami nito upang mairepresenta ang buong-lawak ng komunidad. “. . . Mas commonplace na marepresent ‘yung gay men sa ads. May mga nuances rin na nagsusuggest ng heteronormativity—may mas brusko at mas may femme palagi sa relasyon,” paglalahad niya. Hindi rin nakapapanatag para kay Job ang mistulang pagkakulong ng representasyon sa buwan ng Hunyo. Inihalintulad niya ang limitasyong ito sa limitadong pagtanggap sa kanilang komunidad.
Kagat ng kapitalismo
Bilang tugon ng mga korporasyon sa usapin ng LGBTQIA+, ipinanganak ang Rainbow Capitalism. Paliwanag ni Mari*, Accounts Supervisor sa isang kilalang advertising firm, “Rainbow capitalism is an ideology that encapsulates the commodification of queer values.” Maraming salik ang nakaaapekto rito—at isa na ang puwersa ng tradisyunal na brand managers pagdating sa pakikipag-usap sa konsyumer. Sa paglaganap ng “clout” na humuhulma sa mundo ng marketing, pagkukuwento ni Mari sa APP, “Everyone is busy becoming that, hence something as important as Pride is left to the hands of practitioners who treat it as a simple subject when it is a revolt, a movement, a story of a million warriors.” May magtatangka mang maging progresibo, nakatali pa rin ang advertisers sa nanaisin ng kliyente: kung nasaan ang pera.
Para naman kay Zelle*, isang advertising major at miyembro ng LGBTQIA+ community, masasabi niyang mababaw pa rin ang pagtalakay sa mga naratibo ng komunidad sa mga komersyal. Aniya, “It helps sa visibility, but it should be done right. . . visibility without action can’t protect our friends in the community.” Napansin din niyang kahit paano, may iilan nang kompanyang tumitindig para sa komunidad sa labas ng buwan ng Hunyo. Hindi man umano naglalabas ang mga ito ng Pride month content, bukas-palad naman ito sa pag-aabot ng donasyon, produkto, at serbisyo.
Sa paglalayag ni Zelle sa mundo ng advertising, mayroon na siyang iilang suhestiyon sa pagsusulong sa kinabukasan ng LGBTQIA+ sa industriya. “Brands should distribute their resources and invest [in] implementing policies in the workplace that are LGBTQIA+ friendly,” panawagan ni Zelle. Kabalikat na rin nito ang edukasyon sa pagpapaunawa sa konsepto ng Sexual Orientation, Gender Identity, and Expression. Sa kabilang dako, nananatili pa ring pinakamahalaga ang paglapit sa mismong komunidad upang tunay na malaman at matutuhan ang kanilang pangangailangan at pagkakakilanlan.
Palamuting panawagan
Mahirap nang basagin ang sistema ng kapitalismo—hindi tiyak kung hanggang kailan ipagbibili kahit pa ang kakarampot na representasyon sa lipunan. Gaano man kalakas ang puwersang nagpapalawak sa espasyo ng pagtanggap para sa LGBTQIA+ community, may mga pagkakataong nadadaig pa rin ito ng mga kapitalistang taglay ang kapangyarihan ng salapi. Kung saan may kita, naroon ang mga mata para sa nakaeengganyong patalastas at produkto. Patuloy lamang ang pagkulay sa kapitalismo upang umangkop sa panlasa ng inaasinta nilang merkado.
Matapos ang buwan ng Hunyo, asahan pa rin ang pagbuhos ng ulan sa mga ipinaglalabang karapatan dahil hindi sigurado kung kailan muling lilitaw ang bahagharing kasabay ng buong pagtanggap sa LGBTQIA+ community. Habang itinuturing na negosyo ang mga panawagan at hinaing ng komunidad, mananatiling nakakulong ang kanilang mga karapatan sa siklo ng kapitalismo. Magmimistula pa rin silang palamuti sa mga tindahan upang tangkilikin ang mga ibinebentang produkto. Habang pinatitingkad ng mga kapitalista ang bahaghari upang magbalatkayong kaisa sila ng mga nasa komunidad, patuloy lamang nitong binubura ang tunay na kahulugan ng Pride. Hindi kailanman dapat pagkakitaan ang panawagan ng mga nasa bahaghari dahil walang katumbas na halaga ang pantay na karapatang binabawi nila mula sa lipunan.
*hindi tunay na pangalan