Pagpasok sa pintuan ng mga comedy bar at nightclub, agarang maririnig at masisilayan ang biruan, tuksuhan, at pagtatanghal ng mga drag queen at komedyanteng nagbibigay-aliw sa kanilang manonood. Sasabayan din ito ng mga halakhakang dala ng mga punch line na binibitawan ng mga nagbibirong indibidwal sa entablado. Subalit, sa likod ng mga hindi magkandamayaw na katuwaan ang mabagsik na ulang kinakailangang harapin bago masilayan ang kaakit-akit na bahaghari. Gayunpaman, matapos ang paglitaw ng mga kulay sa himpapawid, muling binabayo ng masidhing diskriminasyon at kawalang-malasakit ang mga komedyanteng miyembro ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex, Asexual (LGBTQIA+) community.
Hindi matapos-tapos na sakuna ang nararanasan ng LGBTQIA+ community dulot ng malabong pagtingin at pag-intindi sa kanilang pagkatao. Tila kahawig nito ang pagmamasid ng karamihan tuwing lilitaw ang isang bahaghari. May ilang magbibigay ng dagliang atensyon hanggang maglaho sa kanilang pakiramdam ang kariktan nito. Sa kabilang banda, may iba namang mapapaisip kung may palayok ng ginto sa dulo nito—nangangahulugang kinakailangang magkabit ng palamuti upang magkaroon ito ng pakinabang. Sa gayon, nasisilayan lamang ang kanilang halaga dahil sa ibinibigay nilang ligaya at inihahandog na pagtatanghal.
Gano’n nga ba ang tunay nilang saysay? Hanggang katatawanan lamang ba ang layon ng kanilang pagkatao?
Sa likod ng pagpapatawa
Makulay ang mundong ginagalawan ng mga komedyanteng drag queen, mula sa kanilang magagarbong kasuotan, mukhang puno ng kolorete, at nakamamanghang pagtatanghal. Subalit, kaakibat pa rin nito ang ilang mapait na karanasan—isang paalala na higit sa pagpapatawa ang layunin ng isang drag queen. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Vinz Sagun o Lumina Klum, kaniyang ikinuwento ang naging transisyon niya bilang empleyado ng isang Business Processing Outsourcing (BPO) patungo sa pagiging drag queen. Aniya, “Masasabi kong dito ako [sa drag] magtatagal dahil naisip ko maaaring ito ang ‘calling’ ko sa buhay.” Nahihiya man siya noong bagong salang pa lamang sa entablado, ngunit aminado siyang nakatulong ang suporta ng kaniyang pamilya’t mga kaibigan upang mabaklas ang hiyang nararamdaman.
Inilahad din ni Lumina na madalas niyang naririnig ang mga katagang “nakakatawa ka bakla!” sa parehong positibo at negatibong tono. Hindi rin maikakaila ang diskriminasyong nararanasan ng mga drag queen at komedyante, ngunit hindi ito hadlang para kay Lumina na patuloy na nilalabanan ang diskriminasyon sa pamamagitan ng pagtatanghal sa entablado. “Hindi ako pumapayag na i-discriminate ang katulad kong drag queen. Imbis na galit ang ipakita sa mga taong hindi tanggap ang tulad namin, ngiti at talento ang dapat ipakita sa kanila [upang maintindihan nilang] walang dapat ikahiya o ikagalit sa tulad namin,” pagpapaliwanag niya. Para kay Klum, oportunidad ang bawat pagkakataon niya sa entablado upang maipakita ang kasiyahan, kulay, at talento ng isang LGBTQIA+.
Sa kabutihang palad, nag-iba na ang kasalukuyang ikot ng mundo dahil naging laganap na ang pagtanggap sa mga miyembro ng bahagharing komunidad. Ibinahagi niyang naging mas bukas ang pag-iisip ng masang Pilipino sa LGBTQIA+ community kompara sa kapanahunan niya. Sa huli, ipinaaalala ni Lumina ang kahalagahan ng paggamit ng internet sa pananaliksik upang magkaroon ng wastong kaalaman patungkol sa komunidad. Kaniya ring inilahad na karapatan ng bawat miyembro ng LGBTQIA+ ang respeto at pagmamahal, tulad ng ibang taong hindi parte ng komunidad.
Unos ng kasalukuyan
Upang palawigin ang diskurso sa labas ng pang-aaliw, nakapanayam ng APP si Lakan Umali, isang transgender, na kasalukuyang graduate student ng University of the Philippines Diliman ng kursong Creative Writing. Naging mapait ang mga karanasan niya sa paghahanap ng kaniyang identidad bilang nag-aral sa isang konserbatibong all-boys school na naging mitsa upang kaniyang ikubli ang tunay niyang nararamdaman. Hindi rin niya natamo ang kalayaang ipahayag ang kaniyang tunay na sekswalidad sa nasabing kapaligiran.
Sa kaniya namang paglikha ng pangalan sa malikhaing pagsusulat, hindi siya nakaranas ng diskriminasyon sapagkat mulat at maunawain ang mga taong nakapaligid sa kaniya. Ngunit, may pangamba pa rin siyang nararamdaman. “I’m scared that if I look for a more permanent job, especially a teaching job, they might force me to wear men’s clothes or present as a man,” paglalahad niya.
Sa mahabang panahon, may hindi pa rin matibag-tibag na kaisipan—may kakulangan na dapat punan ang mga miyembro ng komunidad. Habang lumalaki, kinagisnan ni Umali ang kaisipang isang pagkakamali ang maging iba at upang punan iyon, ginagawa niya ang lahat para maging matalino sa lahat ng tao. “I’m slowly trying to accept that people love me and are in my life because of who I am, and not because of what I can do for them,” pag-amin niya.
Tanda ng pagwagayway ng bandilang bahaghari ang paglaban para sa kanilang mga karapatang pilit na yinuyurakan ng gobyerno’t lipunan. Kasama ng kanilang paglaban, mahalaga ang pagsasabatas sa Sexual Orientation, Gender Identity, Gender Expression, and Sex Characteristics (SOGIESC) Bill dahil, ayon kay Umali, ito ang maaasahan ng komunidad sa oras na may lumabag ng kanilang mga karapatan. Dagdag pa niya, “A lot of trans[gender] people especially are vulnerable to physical violence, even to killings. I think more than awareness and acceptance, we have to fight for the active protection of LGBTQ people.” Iminumungkahi rin niyang gawin ito sa kolektibong pamamaraan upang mas lumakas ang tinig at puwersang magkakalas ng mga kadenang lumilingkis sa kanilang mga karapatan.
Pagwagayway ng bandilang bahaghari
Sa bawat pagtapak sa entablado upang magbigay-kasiyahan, ikinukubli ang sakit at lungkot na dinidibdib dulot ng diskriminasyon upang matanggap lamang sa paningin ng karamihan. Hindi maikakailang hamon pa rin sa mga mang-aaliw na bahagi ng LGBTQIA+ community ang kanilang pagkakakilanlan at trabahong ginagawa. Bagamat nakapagbibigay sila ng saya at nagsisilbing libangan ang mga biro, katatawanan, at talentong kanilang ginagawa, pilit pa rin nilang hinahanap ang kanilang lugar sa kinatatayuang entablado.
Sa kabila nito, mayroon pa ring liwanag na nagbibigay-tanglaw sa bawat pagkatao na bahagi ng LGBTQIA+ community. Bagamat may ilang tao pa ring hindi kumikilala sa kanilang karapatan at pagkatao, naging mas katanggap-tanggap na ito sa lipunan. Mahirap man ang laban, patuloy pa rin ang pagtaguyod at pagpanukala na maipasa ang SOGIESC Bill upang mabigyan ng nararapat na karapatan at pagkilala ang mga bahagi ng komunidad na ito.
Yapos-yapos ang bandilang bahaghari, hindi ito naging balakid sa kanila upang marating ang kanilang mga pangarap. Gayunpaman, naging malubak pa rin ang daan na tinahak upang marating ang kanilang kasalukuyang kinalalagyan. Nanlilimos pa rin sa karapatang hindi naman dapat ipinagkakait. Sagisag ng kanilang bandila ang katapangan at kasarinlan mula sa pamantayan ng lipunan—higit sila sa pagiging katatawanan.